Ikatlo

147 20 5
                                    

Nagmamadaling pumasok ang isang bata sa loob ng kanilang bahay, hindi niya alintanta ang pagkakadapa tuwing magmamadali. Ang nasa isip niya lang ay ang makapasok at makaalis sa lugar na iyon.

"Engkanto!" sigaw ng mga batang kalaro niya lang kanina mula sa labas kaya binilisan niya pa ang mga maliliit na hakbang.

Umiiyak na umupo siya sa paanan ng nanay niyang nagtatahi. "Anong problema, anak?"

"Tinatawag po kasi nila akong engkanto, nay", umiiyak na sumbong ng bata.

"Sinabihan na kita, hindi ba? Huwag mong ipapakita ang mga tainga mo sa kanila."

"Hinila po kasi nila ang balabal sa ulo ko kaya nakita nila."

Tinigil ni Amara ang pananahi at kinalong ang anak, "Palipasin na lang muna natin ang nakita nila, ayos ba 'yon? Papasok ka na rin naman sa susunod na dalawang taon. Sa ngayon ay kumain ka muna para bumilis ang paglaki mo." Tumawa ang bata at tumango sa kanya.

Hindi lingid sa kaalaman ng anak niya ang katotohanan sa pagkatao niya. Maaga siyang iminulat ni Amara sa reyalidad, at sa mga taong may interes sa kanila. Bata pa lang ay ipinaintindi na niya ang panganib sa kanilang uri na laging nakasunod sa kanila. Lumaking matalino at masunurin ang anak kaya hindi siya nahirapang ipaintindi ito.

Nang hapon ding iyon ay niyayang mamasyal ni Amara ang anak sa may bangin.

Sa limang taong pamumuhay nilang mag-ina sa bayan na iyon ay hindi pa nagawang ilabas ni Amara ang pakpak sa takot na masundan sila. Ngayon ay gusto niyang ipakita sa anak ang anyo niya, at ang kakayahan niyang alam niyang namana ng anak.

Nang marating nila ang bangin ay tumakbo ang bata para salubungin ang hangin, bagay na lagi niyang ginagawa tuwing namamasyal sila. Pinanood lang siya ng ina na magsaya nang bigla siyang lapitan ng anak. Tinuro ng bata ang langit at sumenyas na parang lumilipad, "Gusto kong maging ibon, nay! Malaya silang nakakalipad at nakakalanghap ng sariwang hangin!"

Nagulat ang diwata sa sinabi ng anak at maluha-luhang umupo para pantayan ang anak, "Paano kung sabihin ng nanay na kaya nating lumipad?"

"Talaga, nay?"

Tumatawang tumango si Amara bago tumayo at pumikit, "Ang mga diwata ay may pakpak na hawig ng sa anghel, Alani." Inilabas niya ang pakpak na kasing puti ng mga ulap saka tinignan ang anak. Nginitian niya ito, "Kasama ka na doon."

Tinitigan ni Alani ang pakpak ng ina ng may paghanga saka tumungin sa likod niya bago pumikit, ginagaya ang ina. Doon niya naramdaman ang paglabas ng pakpak niya, mas maliit sa ina ngunit mas matingkad ang pagka-kulay puti nito.

Idinilat niya ang mata at sinilip ang likuran, saka siya tumalon ng tumalon habang sinusubukang lumipad. Natatawa naman siyang pinanood ng ina bago siya tawagin.

"Tuturuan kitang lumipad, anak, para paglaki mo, sabay tayong lilipad." Hinawakan niya ang maliit na kamay ng anak bago dahan-dahang lumipad paitaas.

Inalala ni Amara ang kakaibang kintab ng pakpak ng anak habang inaalalayan itong lumipad. Napangiti siya ng maalala kung ano ang ibig sabihin nito.

Maagang natuto ng tamang paglipad si Alani dahil sa kakaiba nitong talino. Kaya linggo-linggo rin kung magyaya ito sa bangin para lumipad sila ng ina.

Habang lumalaki ay mas kumikinang ang mga pakpak ng dalaga, nawawalan naman ng kinang ang sa ina nito, senyales ng pagtanda at panghihina.

Nang minsang magpahangin sila sa bangin ay inilabas ni Amara ang mumunting regalo niya para sa anak, isang kwintas na may diwata bilang palawit.

"Isusuot mo ito palagi, Alani. Dahil kagaya ng kwintas na ito, hindi ako mawawala sa tabi mo."

Dumating ang araw na pinakahihintay ng bata, ang pagpasok niya sa isang pampublikong paaralan. Isang delikadong bagay ito para kay Amara, ngunit dahil sa pagpupumilit ng anak ay pumayag ito kahit puno siya ng pangamba.

"Mag-iingat ka", ang laging bilin ng ina kay Alani. Pumasok siyang may mga ngiti sa labi, ngunit hindi niya inaasahang uuwi ito nang namumugto ang mga mata.

"Siya 'yong batang may kapangyarihan!"

"Layuan niyo siya, isa siyang engkanto!"

"Hindi ka nababagay dito!"

"Ayos ka lang ba, anak?" nakangiting tanong ng ina sa kanya. Pinawi niya ang mga luha at humalik sa pisngi ng ina.

"Ayos lang ho ako, nay."

Nakagawian niya na ang ganoon, papasok siya sa paaralan na may ngiti sa labi dahil sa ina. Ngunit uuwi ng may luha sa mata, sasalubungin ng nag-aalalang tinig ng ina.

Taon ang tiniis ni Alani. Taon ang nakalipas ngunit patuloy sila sa pambubuyo sa dalagang may kapangyarihan.

"Mag-iingat ka-"

"Oo, alam ko", putol niya sa sasabihin ng ina. Kinuha niya ang gamit at aalis na sana nang tawagin siya ni Amara.

"Nakalimutan mo ang kwintas mo, Alani."

Natigilan ang dalaga at napalingon pabalik sa nakangiting ina. Walang emosyon niyang kinuha ang hawak na kwintas nito at isinuot bago umalis.

Hindi na napigilan ni Amara ang mga luhang kanina pa gustong kumawala mula sa mga mata niya. Nasasaktan siya sa naging pagbabago ng anak. Alam niya ang nangyayari ngunit wala siyang magawa. Alam niyang pinagtatawanan na lang ang uri niya ngayon ngunit wala na siyang magagawa. "Malakas ka, Alani. Kakayanin mo ang lahat, mahal kong anak."

Mag-isang kumakain ang dalaga sa paaralan nila, hindi pinapansin ang mga tawanan sa likod niya. Lalo niyang itinaklob sa ulo ang balabal para matakpan ang matulis niyang mga tenga.

Maganda si Alani. Katulad ng ina, hindi normal ang ganda ng dalaga, ang ganda ng isang diwata. Mahaba ang kulay tsokolateng buhok na aabot sa bewang, maputi ang balat, at may kulay asul na mga mata. Maganda ang diwata, ngunit sadyang hindi siya tanggap ng mga ordinaryong tao dahil sa pagiging kakaiba. Pambihirang talino, kakayahang magpagaling, at ang kapangyarihan ng kalikasan, katulad na katulad ng kanyang ina.

Hindi niya pinansin ang mga bulungan at mga tawanan sa paligid niya at pilit tinapos ang pagkain. Matapos ligpitin ay tumayo siya para itapon sana ang pinagkainan nang patirin siya ng kung sino.

Nanlaki ang mata ng dalaga sa sobrang gulat. Kasabay ng pagbagsak niya ang pagsinghap ng mga nanonood.

"E-engkanto!"

"Sayang ang ganda mo kung halimaw ka naman!"

"Hindi ka nababagay dito!"

Tumayo ng dahan-dahan si Alani, pinakikiramdaman ang paligid niya. Lumabas ang pakpak niya, natanggal ang balabal sa ulo niya at lumadlad ang buhok niya. Ito ang totoong siya na pilit niyang itinatago sa nakararami, isang diwata na hindi niya aakalaing pagtatawanan ng mga tao.

"Bumalik ka na kung saan ka nababagay!"

Unti-unti siyang humakbang paatras hanggang sa tumulo ang luha niya bago tumalikod at tumakbo paalis, pabalik sa tahanan niya, kung nasaan ang nag-iisang nakakaintindi sa kanya.

DiwataWhere stories live. Discover now