Una

425 24 7
                                    

Tinignan niya ang mga bahay na nasa harapan niya. Malayong malayo sa mga ito ang mga bahay na kinalakihan niyang makita. Hindi pumasok sa isip niya na sa murang edad ay mawawalay siya sa pamilya at maninirahan sa isang hindi pamilyar na lugar.

Hinding hindi ako makakapayag na mahanap pa nila ako rito.

Napagdesisyunan niyang ikulong ang sarili sa inupahan niyang bahay. Dahil sa kapangyarihan at likas na abilidad sa pagtatanim ay kinaya niyang mamuhay nang hindi lumalabas.

Ngunit gaya ng mga ibon, hindi niya kakayanin ang magkulong sa bahay niya habang buhay.

Nagsuot siya ng balabal na umaabot sa talampakan at lumabas ng kanyang tinitirhan. Plano niyang puntahan ang bangin na natatanaw niya mula sa bintana. Sa ilang buwan niyang pamamalagi sa lugar ay wala siyang napansin na taong nagagawi doon.

"Ligtas naman siguro doon", sabi niya sa sarili bago naglakad papunta doon.

Nang marating ang bangin ay lumingon muna siya sa pinanggalingan. Malayo-layo rin ang nilakad niya dahil dadaan pa sa kagubatan bago makarating sa kinaroroonan niya. Panatag niyang ibinaba ang balabal sa ulo kaya't lumitaw ang mahahaba at patulis na mga tenga.

Sinalubong niya ang malamig na hangin at sinag ng papalubog na araw. "Ito ang buhay ko, ito ang nararapat na pamumuhay ko, hindi ang magtago sa isang maliit at lumang bahay", pangungumbinsi niya sa sarili bago tuluyang hubarin ang balabal sa likod. Inilabas niya ang nagtatagong mga pakpak na halos kasing-laki at kasing-ganda na ng sa anghel. Iniladlad niya rin ang maalon na kulay tsokolateng buhok na umaabot sa na sa kanyang bewang.

Ito ang totoong siya, isang diwatang pinagkaitan ng kalayaan, diwatang tinitingala ng karamihan, ngunit pinagsasamantalahan ng mga nakalalamang.

Basta niya na lang inilapag ang balabal bago siya lumipad paitaas. Masaya niyang dinamdam ang malakas na hangin na sumasalubong sa kanya dahil para sa kanya, iisa lang ang ibig sabihin noon, malaya siya.

"Ganito ang mabuhay!" malakas niyang sigaw nang marating ang mga ulap.

Nakatingin lang siya sa payapang mga ulap sa harap ng malaking araw, nag-iisip. Ngunit alam niyang hindi siya pwedeng magtagal. Alam niya ang panganib na nasa paligid niya.

Madilim na nang bumaba siya sa lupa kaya't nagdesisyon na siyang bumalik.  Kukunin niya na sana ang balabal nang makarinig siya ng kaluskos sa malapit na puno.

Hindi na siya nagdalawang isip at agad ginamitan ng kapangyarihan ang kung ano mang gumagalaw sa likod ng punong iyon.

Malalaking ugat ang pumulupot sa binti ng lalaking nagtatago kaya't lalo siyang nakaramdam ng pangamba. Nagulat na lang siya nang hilahin siya ng mga ito palapit sa kakaibang nilalang.

"Sino ka at anong balak mo sa akin?" pagalit na tanong ng diwata sa binatang nakagapos.

"Isa lang akong mahinang binata, huwag mo akong sasaktan", wika ng lalaki habang tinatakpan ang mukha nito na animo natatakot sa kaharap.

Nagulat ang diwata sa iniasta ng lalaki. Hindi pumasok sa isip niya na may mararamdamang takot ang mga tao sa uri niya. Para sa kaniya, kinakaibigan sila ng mga tao, sinasamba, inaalayan, at kapag nakuha na ang tiwala nila ay saka sila aabusuhin.

"Ang takot na ito ay bago sa paningin ko, at sadyang nakakalungkot", wika niya sa isip.

Binitawan ng mga ugat ang mga binti ng binata bago lumapit ang diwata rito para tulungang tumayo.

Nag-aalangan man, tinanggap ng binata ang alok ng babae saka nanghihinang tumayo.

Napatitig ang binata sa babaeng kaharap dahil sa natatangi nitong ganda, ganda ng isang diwata. Doon pa lang ay alam na niyang nabighani siya sa diwatang kaharap.

"Huwag kang makakaramdam ng takot kung wala kang masamang balak. Hindi ako basta-basta nananakit ng tao", sambit ng dalaga bago ayusin ang pakpak at itupi sa likod niya. Naglaho ito bago niya suotin ang balabal.

Hindi pa rin gumagalaw ang lalaking kaharap kahit matapos niyang takluban ng balabal ang ulo.

Napabuntong hininga ang dalaga bago ilahad ang kamay sa kaharap na binata, "Amara, tawagin mo akong Amara."

"A-andres", nanginginig ang kamay na iniabot ng binata ang alok ng babae.

Mahinhin na tumawa ang babae, "Matapang. Ang pangalan mo ay nangangahulugang matapang, ngunit daig mo pa ang babae kung manginig sa harapan ko."

Nahihiyang napaiwas ng tingin si Andres, "Sino nga bang hindi manginginig sa takot sa isang diwata na sa libro ko lang nakikita?"

"Sinabing 'wag kang matakot kung wala kang masamang balak sa akin. Hindi kita sasaktan."

Sa simpleng sinabi ng binata sa kanya, alam niyang mabuti ang kalooban nito at walang masamang nais sa kanya. Kahit hindi niya gustuhin, kusang gumaan ang loob niya sa munting binata.

Hindi niya inaasahan na ang minsan paglabas ang magbabago sa buhay ng isang diwatang nagtatago sa mundo.

DiwataWhere stories live. Discover now