Chapter 10: First Step

357 83 66
                                    

Gabi na ngunit si Iah ay hindi pa rin kumakain at tahimik lang na nakasandal sa isang kahoy. Wala ni isang nagtangkang lumapit at kumausap dito dahil naiintindihan nila ang kalagayan niya. Naaawa na lang sila sa dalaga dahil nakatulala lang ito at saka tutulo na lang bigla ang mga butil ng luha habang nakatitig sa singsing na nakasuot sa daliri niya.

Habang nasa isang kahoy si Iah, ang anim naman ay seryosong nag-uusap.

“Ano na ang plano natin? Wala na tayong makakain at maiinom bukas,” wika ni Wart at uminom ng tubig.

Nandito lang sila ngayon sa gilid ng kalsada dahil naubusan ng gas ang van habang kumakain ng tsitsirya.

“Buti na lang at nagdala tayo ng mga tsitsirya. Kung ’di, wala tayong makakain. Nakakagutom kaya, lalo na kapag hindi tayo kumain kahapon.” Kinagat naman ni Schedel ang hawak niya.

“Kumain ka na nga lang.” Nakakunot ang noo ni Wart habang pinapaypayan gamit ang karton ang kanilang ginawang maliit na bonfire. Nakagawa sila ng bonfire dahil sa mga sangang tuyo na pinulot nila at mga batong ginamit para sa apoy.

“Tingnan mo ang mga kamay ko, ang papangit na! Bakit ba gano’n ang naisipan ni Felis?” Kanina pa nagrereklamo si Schedel dahil sa kamay niyang namamanhid pa rin dahil sa paggawa ng apoy. Pinagpasahan kasi nila ang bato dahil matagal itong nakagawa ng apoy.

“Tumigil ka na sa pagrereklamo. Nasa gitna pa tayo ng kagubatan. Hindi nga ako nagrereklamo rito!” Ang sitwasyon ngayon ni Wart ay tumutulo na ang mga butil ng luha at hindi na kaya pang buksan ang mga mata dulot ng usok.

“Buti na lang at nakapaghugas tayo ng kamay. Ang problema nga lang ay kaunti na lang ang tubig natin,” hirit ni Schedel habang hinahalungkat isa-isa ang mga bag na dala. May nakita siyang maliit na plastic kaya agad niya itong kinuha pero nang tingnan niya ito ay agad niyang naitapon kay Cifer. “Bakit may daliri dito sa bag?”

“Bakit ka ba nangingialam ng gamit ng iba?” Inis na kinuha ni Felis ang plastic. “Daliri ’to ng isang zombie at magpasalamat ka na lang na hindi ulo ang dinala ko.”

Nandidiring ipinakita ni Schedel ang dalawa na namang plastic—ang isa ay pulang likido at ang isa ay puti at bumubula pa. “Kadiri. Ano naman ang mga ito?”

“H’wag ka na nga lang makialam. Dugo ’yan at laway.”

Napapangiwi pa si Schedel at nandidiring ibinalik ang mga hawak kung saan ito nakalagay at pinatay ang flashlight ng phone. “Ang sabi mo pa, iwasan namin ang dugo, ’tapos ngayon . . .” Patuloy sa pagdaldal si Schedel.

Seryosong tumingin si Felis sa kanilang lahat. “So, may pupuntahan ba kayo? Kami kasi ng kapatid ko, mayro’n.”

“Pupunta ako sa District 5 at isasama ko si Fe,” sagot ni Trix at ngumiti nang marahan kay Fe at pinisil ang kamay ng dalaga.

“Ako naman, wala na akong pupuntahan o hahanapin man lang kaya sasama ako kina Trix,” usal naman ni Cifer at ngumiti nang pagkalaki-laki kay Fe, dahilan para magtaka ang dalaga.

“Sasama ako sa ’yo,” usal ni Wart kay Felis kaya napatango ito.

“Sasama rin ako kay Felis dahil isa sa mga quote na nabasa ko ay minsan, hindi natin kailangang maging matatag kahit na alam na natin na ayos lang ang mag-isa. Kailangan pa rin natin ng katuwang sa lahat ng bagay kaya h’wag kang bibitiw at lumaban lang para sa mga mahal mo sa buhay kahit na hindi ka nila mahal,” pahayag ni Schedel habang nakangiti pa kaya napangiti rin sina Trix at Cifer pero nagsalubong lang ang mga kilay ni Felis.

“Katuwang?” sarkastikong sabi ni Felis. “Hindi ka pa nga nakakapatay ng isang zombie.”

“Felis naman,” nakasimangot na sabi ni Schedel pero hindi na siya pinansin nito.

Neutral Zone: AIOE 25✓ [SELF-PUBLISHED UNDER IMMAC PPH]Onde as histórias ganham vida. Descobre agora