"Kayang kaya kita i-suplong pero alam kong nagbe-benta ka lang, hindi gumagamit."

Bahagyang lumuwag ang ekspresyon ni Vergel sa isiniwalat ko.

"Sa tingin mo ba hindi ko alam ang pinagkaiba ng gumagamit sa hindi?" makahulugan kong sabi, "Alam nating dalawa na mas adik ka sa mga laro sa computer mo."

"Sino ka ba?" iritado na niyang tanong, "Kuya ba kita?"

"Hindi ba?" pag gaya ko sa tono ng pananalita niya.

Umawang ng kaunti ang labi ni Vergel pero agad rin iyong sumara, makalipas ng ilang segundo na hindi pa rin siya umuuntag ng kahit na ano ay nagsalita muli ako.

"Itigil mo na iyan, bago pa masira ang buhay mo," sabi ko sabay ayos ng strap ng bag ko sa balikat.

Gusto ko sanang ibahagi sakaniya kung paano ako nakaahon, ilang taon lang ako nang mag hiwalay si Mama at Papa pero pinilit kong intindihin kahit pa hindi kaya ng utak ko.

Nang iwan ni Papa ang ina ni Vergel ay 14 years old na ito. Kahit papaano may isip na siya.

Pero naga-alangan ako dahil baka hindi naman siya makinig, na maging sarado ang tainga at isip niya, na sabihin niya na hindi ako siya.

Na magkaiba kami.

"Kung gayon ay sabihin mo sa walang kwenta nating ama na sana, imbis na sa bisyo niya ibinuhos lahat ng pera niya ay dapat saatin."

Napatigil ako sa paglalakad sa sinabi ni Vergel, pero hindi ako lumingon.

Narinig ko ang mga yabag niya palapit saakin at bahagyang binangga ang balikat ko, "Akala mo ba ikaw lang may karapatang kumita ng pera para sa sarili mo? Sa tingin mo ba makakapag hintay pa ako na makatapos sa pag-aaral para makahawak ng sariling pera?"

"Maraming ibang paraan."

"Hindi ako pasensyadong tao katulad mo, alam mo naman siguro iyon," sabi niya sabay suot ng hood ng jacket niya, "Kung saan malaki at mabilis, papatusin ko."

Napagalaw ako ng panga, walang ibang paraan para mabago ko ang isipan ni Vergel. Sigurado ako doon.

"Umalis ka na, Alex," sabi ni Vergel sabay talikod, "Kung ako saiyo ay hindi na ako babalik dito. Hindi ito impyerno, pero wala kang ibang makukuha dito kung hindi pagkadismaya."

Kasabay ng malakas na buhos ng ulan ay ang pagkawala ng bulto ni Vergel sa paningin ko.

Iyon ang unang pagkakataon na kahit papaano'y nagkaroon kami ng pagu-usap, iyon rin ang unang pagkakataon na nagpakita kami ng respeto sa isa't isa.

Pero iyon din ang huling pagka-kataon na nakita ko siyang buhay.

---

Habang binabasa ko ang papel na nakita sa drawer ni Vergel walong taon na ang nakararaan ay hindi naiwasan ng utak ko na lumipad.

Isa itong death threat. Bagay na malinaw na isinantabi ni Vergel noon.

Mabuti na lamang at natago ito ng maayos ng Investigator Agent na humawak. Gusto ko lang ikumpara kung ano ang daloy ng death threat na natanggap ni Vergel sa natanggap ko.

Pinatay si Vergel dahil may kinupit siyang pera mula sa isang taong hindi dapat niya binangga, hindi na ako nagulat na kasama ang pagbawi ng pera sa naturang death threat.

Mahinahon pa ang tono pero may pagba-banta, iyon ang nakasaad sa letrang ibinigay kay Vergel.

Ibig sabihin ay binigyan pa siya ng pagkakataon na ibalik ang pera, pero base sa nakita sa ilalim ng kama ni Vergel ay hindi niya iyon ibinalik.

Jenny the Stripper ✔(Zodiac  Predators Series #2) [UNDER REVISION]Where stories live. Discover now