Kabanata 13: Isang Karayom sa Tambak ng Dayami

3 0 0
                                    

Ang dating nahihiyang Istefa ay nagkaroon ng dalawang matalik na kaibigan na si Wia at Biel. Katulad ni Wia, ay nakalabas na rin si Istefa mula sa yungib ng kahihiyan. Habang nasa paksa tayo ng yungib, anong yungib pa kaya ang kailangang takasan?

Dalawang buwan na ang nakalipas mula sa unang araw ng klase. Malapit na pala ang unang markahang pagsusulit. Abalang-abala si Wia na mag-aral upang sigurado na papasa siya. Ito ang unang markahang pagsusulit niya mula sa isang paaralang pang-agham. Hindi niya alam kung gaano ito kahirap, pero sigurado siya na mas mahirap pa ito kaysa sa dati!

Ang kaniyang mga kuwaderno na dati ay kasing-linis ng mundo, matapos mamatay ni Kristo, ay naging isang malubhang larangan ng digmaan. Kapag binuklat mo ito ay mukhang isang Obra Maestra ni Picasso, mahirap ito unawain, kaya maraming posibleng interpretasyon ang nabubuo mula rito, katulad nalang ng mga sulat ni Wia.

Isang kilalang paraan upang maging mabisa ang pagsusulat ng mga tala sa kuwaderno ay isulat lamang ang mga mahahalagang punto ng talakayan at mga sinasabi ng guro. Ibig sabihin nito ay hindi kinakailangan na isulat ang lahat ng bawat salita na papasok sa mga mata at tainga mo.

Pero, ang pinaguusapan natin ay si Wia, at si Wia, ay isang naglalakad na mikropono at kamera. Lahat ng mga sabihin ng guro ay isinusulat niya kaagad. Lahat ng mga ipapakita sa kaniya ay isusulat niya rin. Halos masunog na ang kaniyang bolpen at lapis mula sa bilis ng kaniyang kamay.

Balikan natin ang kaniyang pilosopiya sa buhay, "Laging nasa huli ang pagsisisi." Tama nga naman, nasa huli nga talaga ang pagsisisi.

"Hala! Anong mga bulate ang nasa loob ng kuwaderno ko?!"

Nagulat siya nang buklatin niya ito. Paano ito nakapasok sa kuwaderno niya?!

"Ay, kala ko bulate, sulat ko lang pala."

Huminto si Wia sa ginhawa. Kala niya mga totoong bulateng gumagalaw ang mga ito.

"Hala! Anong mga bulate ang pinagsususulat ko sa kuwaderno ko?!

Ang kaniyang mga isinusulat sa kuwaderno ay mukha nga namang mga bulate. Puwede nang maging doktor si Wia, o kung hindi kaya ay parmasyutiko.

"Paano na ako ngayon?! Sa susunod na linggo na ang unang markahang pagsusulit at wala akong mapala mula sa mga kuwaderno ko!"

Nagkakaroon nanaman ng krisis si Wia. Dumating ang dalawa niyang kathang-isip na panig hindi para tulungan siya, kundi para mas palalain pa ito.

"Sabi ko na nga ba darating ka rin sa yugtong ito. Hay nako!" Sabi ni Demonyong Wia, medyo mataray ang kaniyang boses.

"Bakit ka nanaman nandito? Hindi mo ba nakikita na kailangan ko na mag-aral?" Hilong-hilo na si Wia kakatitig sa mga bulate na sinulat niya sa kaniyang kuwaderno.

"Wala lang, wala lang, ang sinasabi ko lang ay dapat mangopya ka nalang sa dalawa mong matalik na kaibigan."

"Anong mangopya? Matalik na kaibigan niya sila Biel at Istefa eh. Hindi dapat niya pagsamantalahan ang tiwala at bait nilang dalawa." Sabi ni Anghel na Wia.

"Hay, ikaw talaga at ang mga 'hindi dapat, hindi dapat' mo. Tignan mo naman, sakto lang ang ayos dahil sa mga apelyido ninyo! Cabilis, Cawandang at Cerena. Nasa harapan mo si Istefa at nasa likod mo si Biel." Bulalas ni Demonyong Wia na pumunta sa kaliwang tainga ni Wia at binulong, "Puwede niyong pagusapang tatlo iyan at baka pumayag pa silang kopyahan ka kung kailangan nila ng sagot."

"Huwag mo silang idamay! At huwag na huwag mong pipilitin si Wia na mangopya!" Galit na galit na si Anghel na Wia.

"Bilis na Wia, nasa gilid lang kayo ng silid, si Ginoong Minises ay mag-isa lang magbabantay sa inyo. Kahit maglakad at maglibot pa siya ng silid ay may pagkakataon na hindi niya kayo makikita." Hindi nagpapatalo si Demonyong Wia kay Anghel na Wia pag dating sa pagdedebate ukol sa susunod na magiging kilos ni Wia, para silang isang mahiwagang bolang walo.

"Kapag nangopya ka ay hindi lang ang ibang tao ang dinadaya mo, kung hindi pati na rin ang mga sarili mong mga kaklase at guro!" Babala ni Anghel na Wia.

"Oo na! Oo na! Hayaan niyo muna akong mag-aral! Magsilayas kayong dalawa!" Sigaw ni Wia sa kanila.

"Dalawa lang ang iyong pagpipilian Wia, maging agresibo ka." Umalis si Demonyong Wia, hinila niya rin si Anghel na Wia na sumama sa kaniya.

"Huwag mo siyang sundin Wia! Maging matapat ka!" Sinabi niya bago mawala kasama si Demonyong Wia.

Nawala ang dalawa sa harapan ni Wia, pero alam naman niyang tama si Anghel na Wia, mali ang pagsamantalahan ang tiwala at bait ni Biel at Istefa. Hindi niya tatangkaing sirain ang kanilang pagkakaibigan, ngayon pa at kailangan ni Wia ng tulong at suporta mula sa kanila. Pero may mas malaking problema pa siya ngayon, ang pagbabasa ng mga bulateng sinulat niya. Bago iyon, kakain muna si Wia ng isang matamis.

Kamustahin naman natin ang ating mga minatamis sa loob ng palamigan. Sa dalawang buwan na nakaraan ay nababawasan at nadaragdagan sila sa loob. Subalit, minamalas lagi sa bawat pagkakaton si Tsoko. Buhat noong ibinalik siya ni Ann sa loob ng palamigan pagkatapos ng unang araw ni Wia, ay hindi pa siya nakukuha. Kada bumubukas ang pintuan ng palamigan ay inaasahan ni Tsoko na ito na ang oras upang kainin siya. Subalit, ang nangyayari palagi ay maaring may ilalagay lang sa loob ng palamigan, may kukunin na iba sa loob ng palamigan, o ilalabas lahat sila, lilinisin ang palamigan, at ibabalik muli sa loob.

"O panginoon ko, maawa ka naman sa akin at sana makuha na ako ni Binibining Wia!" Sigaw ni Tsoko sa loob ng palamigan.

"Huwag kang madismaya Tsoko, sigurado akong may dahilan bakit hindi ka pa pinipili?" Sabi ng isang nakatatandang KitKat.

"Bakit hindi pa ako pinipili? Bakit hindi pa ako pinipili?!" Galit na sinabi ni Tsoko. "Oo, alam ko kaya bakit hindi pa ako pinipili! Malambot na ako, natunaw na ang aking mga tsokolate sa loob. Ang natira nalang ay ang tinapay na matigas na hindi naman gusto ni Wia. Gusto niya ang matamis! At ano ang nangyari sa matamis ko?! Nawala na sa tagal ng panahon na ito! Nagulat ang nakatatandang KitKat sa bulalas ni Tsoko. Ngayon niya lang nakita na magalit nang sobra ang minatamis.

"Ikaw?!" Pagalit na nagtanong si Tsoko sa nakatatanda. "Bakit hindi ka pa niya pinipili? Isa ka sa mga pinakamatanda sa loob ng palamigan na ito at hindi ka pa nagtataka bakit hindi ka pa kinakain hanggang ngayon?!"

Pagkatapos isigaw yan ni Tsoko, ay nalulon nalang siya sa iyak. Parang lumabas ang halimaw na nagtatago sa kaniya. Hindi niya ninanais na sigawan ang matanda, nais niya lang na kainin siya ni Binibining Wia.

"Alam mo Tsoko," Sumagot nang mahinahon ang matandang KtiKat, "dati ko pa tinatanong sa aking sarili iyan. Bakit nga ba ako naiwan sa palamigan na ito? Nanawaran pa nga ako sa panginoon na, sana, may dagang pumasok nalang dito sa loob at ngatngatin nalang ako upang matapos na lahat ng mga ito. Tiningnan ko nang mabuti ang aking sarili, nakita ko ang nasirang hugis ko, ang natunaw na tsokolate, parang nawala na ang tamis ko. Pero doon ko naisip, baka nandito pa ako sa loob upang ihanda ang aking sarili, para magpatamis, para, para maibalik na ang tamis ko. Hanggang ngayon, ay naghahanda parin ako, ang tamis ko ay hindi pa handa mahulog sa dila ng tao. At kung sakaling mapili na ako, ibig sabihin noon, ay oras na para matikman ang tamis ko." Hindi makapagsalita si Tsoko sa sinabi ng matanda.

Bumukas ang pintuan sa palamigan, nakita ng mga KitKat si Wia. Nagsaya sila at naggalak. Sa wakas, nandito na ang araw ng pagpili! Isa-isang tinignan ni Wia ang mga KitKat, iniisip pa niya kung sino ang karapat-dapat na kainin ngayon. Nang mapili na niya ay kinuha niya kagad ito.

"Paalam na Tsoko, handa na ang tamis ko." Ang malungkot na sinabi ng matanda.

Napaiyak si Tsoko sa paalam ng matanda, hindi man siya humingi ng tawad bago ang huling sandali. Ang maari nalang niyang puwedeng gawin ngayon, ay ihanda ang kaniyang sarili. Ihanda nang may buong puso at tamis ang kaniyang sarili. Nasa huli pa ang pagsisisi.

-----------------------------------------------

Ang Pakamatay ni Kristo – ayon sa relihiyong Katoliko, ang pagkamatay ni Kristo ang naging sakripisyo upang mapalaya ang mundo mula sa kasalanan. Nalinis ang mga tao mula pa sa pinakamaliit na patak ng kasamaan.

Pablo Ruiz Picasso – isang Espanyol na pintor, iskulptor at tao ng iba't ibang talento na kilala sa kaniyang mga makabagong at kakaibang mga pamamaraan sa larangan ng modernong sining.

Mahiwagang Bolang Walo – isang sikat na laruan na inaalog upang sabihin kung dapat ba o hindi gawin ng isang tao ang iniisip niya. Maari rin nito sagutin ang katanungan na iniisip ng taong umalog dito.

Si Wia at ang KitKatDove le storie prendono vita. Scoprilo ora