Kabanata 14: Ang Pagsusulit

6 0 0
                                    

Matapos ang ilang mga gabi na halos walang tulog, handa na si Wia para sa unang markahang pagsusulit. Sa tulong ng pagkain ng mga minatamis, ay hindi naging problema ang pagpupuyat sa kaniya. Subalit, hindi pa nakakain si Tsoko, pero paano ang ibang minatamis?

Ang mga mag-aaral ng Mataas na Paaralang Pang-agham ng Makati ay pumasok nang maaga, ang iba pumasok sa gusali habang nagbabasa. Muntikan na ngang masagasaan ng kalesa ang isa sa kanila. Mabuti nalang at walang napahamak. Kakaunti lamang ang kanilang mga dala, posibleng isang lapis at mga ilang kuwaderno lang. Ngayon ang unang araw ng unang markahang pagsusulit.

Katulad rin ng mga mag-aaral, ang mga guro ay halos walang dala. Lahat ng mga papel ng pagsusulit ay nakahanda na sa kanilang mga lamesa sa silid ng bawat kagawaran. Katulad ng papel na binigay ni Ginoong Minises noong nung araw ng klase, ay mahusay ang pagkakaprinta ng mga ito. 10 pahina, malinis at maayos ang pagkakadikit. Nakakapagtaka kung bakit ang mga likod ng bawat papel ay walang printa. Sayang naman ang papel, sana naging 5 pahina nalang ang isang pagsusulit. Hindi ba naisip ito ng mga taong gumawa?

Hindi naman nila masisi ang mga tao na nasa Opisina ng Dibisyon ng mga Pampublikong Paaralan sa Lungsod ng Makati. Sasagutin lang sila ng parehong depensa, "Taga printa lang kami ng mga ito, hindi kami ang gumawa ng pagsusulit, mga iba't ibang guro mula sa iba't ibang paaralan ang gumawa nito." Hindi matukoy kung sarkastiko ba sila o hindi. Pero isipin mo, sino ba talaga ang may kasalanan dito?

Iba ang pamamaraan ngayong araw. Ang mga mag-aaral ay nasa unang palapag muna. Hindi muna sila pinaakyat sa kanilang mga silid-aralan. Ito ay para maayos ng mga tagapangalaga ang mga upuan. Malayo mula sa isa't isa at dapat kita ng guro mula sa harapan. Itinuturing na masuwerte ang mga mag-aaral na nasa likod. Sila ang pinakamalayo at pinakatago mula sa mga mata ng guro. Mapalad ang mag-aaral na umupo dito, ani ng mga guro, sana mabuti ang iyong kalooban kahit walang nakakakita sa iyo.

Iba rin si Ginoong Abarientos mula sa kanila, marami parin siyang dala ngayong araw. Hawak niya ang lahat ng mga pangkat sa baitang sa asignatura ng agham. Tagapayong-guro rin siya ng ika-7 baitang, pangkat John Dalton. Umakyat siya sa bawat silid-aralan ng ika-7 baitang at naglagay ng mga minatamis sa bawat upuan, kasama ang isang papel na nakasulat dito, "Sa bawat pagsubok na kinakaharap, may matamis na tagumpay ang naghihintay." Tunay na mahal niya talaga ang kaniyang mga mag-aaral.

Kinausap ni Ginoong Abarientos ang bawat tagapayong-guro ng bawat pangkat na huwag munang ipakain sa mga mag-aaral ang mga minatamis, hanggang matapos ang huling pagsusulit. Ngayon, hindi lang pangongopya ang binabantayan ng mga guro, kundi pati mga minatamis. Ito ay para matukso ang bata at galingan ang pagsasagot sa pagsusulit, kapalit ang isang matamis na gantimpala. Panunuhol, kung ito ay tawagin, basta't alam ng bata na may kapalit lagi ang kanilang paghihirap.

Noong pinaakyat na ang mga ika-7 baitang na mag-aaral sa kanilang mga silid-aralan ay laking gulat nila na makita ang mga minatamis na nakahilera nang maayos sa kani-kanilang mga upuan. Isa sa mga mag-aaral na iyon ay si Denzel San Cuervo ng pangkat Galileo Galilei. Si Denzel ay isa sa mga pinakamatalino sa pangkat. Mula sa unang baitang hanggang ngayon ay napapasama siya lagi sa unang tatlo ng kaniyang klase. Subalit, katulad nilang lahat, ay kabado sa markahang pagsusulit. Hindi ito katulad ng mga markahang pagsusulit ng mga mababang paaralan, lalaong lalo na sa isang paaralang pang-agham. Ang tagapayong-guro ng pangkat nila ay si Ginang Jenelyn Martino, isang guro sa edukasyong pisikal. Binigyang-diin niya ang payo ni Ginoong Abarientos sa mga mag-aaral.

"Nariyan sa harapan ninyo ang mga minatamis. Galing yan sa inyong guro sa agham na si Ginoong Abarientos." Sabi ni Ginang Jenelyn.

Tinignan ng mga mag-aaral ang papel na nakadikit at binasa ang siping nakalagay dito.

Si Wia at ang KitKatWhere stories live. Discover now