Kabanata 9: Mga Bilangguan

5 0 0
                                    

Nakauwi na si Wia mula sa paaralan. Pagod na pagod siya mula sa unang araw niya sa klase. Ngayon at nakauwi na siya sa kaniyang bahay, nakita ni Ann na hindi nakain ni Wia ang kaniyang minatamis. Ano kaya ang gagawin nila sa minatamis?

"Ano pa ang nangyari sa paaralan 'nak?" Tanong ni Ann habang tinitignan ang mga iba pang gamit ni Wia.

"Ay ang tahimik po namin sa loob ng silid nay, nasa ika-4 na palapag po ang silid ko, nakakapagod po umakyat nang ganoon kataas araw-araw."

Kinuha ni Ann ang bawat kuwaderno at binuklat ito isa-isa, para tignan kung may naisulat si Wia sa mga ito. Binuklat niya ang kuwaderno ng asignatura ng kompyuter, "Binibining Espreza Sabang" nakasulat dito, binuklat niya ang kuwaderno sa asignatura ng pagpapakatao, "Ginang Liza de los Reyes" naman ang nakalagay, binuklat naman niya ang kuwaderno sa asignatura ng Filipino, "Ginang Belena Cabais". Mukhang maayos ang mga sulat ni Wia at nakikinig siya nang mabuti sa kaniyang mga guro.

"Kamusta ang iyong tagapayong-guro? Mabait ba siya sa inyo?" Tinuloy niya ang kanilang usapang mag-ina.

"Opo nay, siya po si Ginoong Kilven Minises, siya rin po ang aming guro rin sa karagdagang sipnayan. May binigay pa po pala siya na kailangan niyong basahin at pirmahan."

"Karagdagang sipnayan? Iba pa ba 'yon sa sipnayan?"

"Opo, ang karagdagang sipnayan namin ay ang sangay po ng estadistika."

Nagulat si Ann. Grabe naman ang paaralan na ito. Ang estadistika ay masyado pang maaga para ituro sa mga mag-aaral ika-7 na baitang. Noong nag-aaral pa si Ann ay natutunan niya lang ang estadistika sa ika-10 baitang. Mabuti naman at naituturo na ito nang mas-maaga sa mga bata ngayong panahon.

"Ah, nagpakilala ba kayo sa harapan ng klase?"

"Opo, isa-isa kaming tumayo sa harap at sinabi ang aming pangalan, gulang at ang paaralang pinanggalingan. Nagulat nga po sila sa akin dahil sinabi ko po na nanggaling ako sa Lungsod ng Parañaque."

"Nahiya ka ba sa kanila habang nagsasalita ka?"

"Ah, uh," Hindi makapagsinungaling ang bata. "Opo nay."

Nararamdaman ni Ann ang pinagdadaanan ni Wia. Ang pagpapakilala sa harapan ng klase ay isa sa mga pinaka-kinakatakutan ng isang batang katulad ni Wia. Naranasan rin niya ito noong nag-aaral pa siya. Mahina ang boses at nakatingin lang sa lapag para hindi masyadong malala ang pagkakahiya.

"Huwag kang mag-alala Wia, ganiyan rin ako noong bata pa ako katulad mo."

"Paano mo po nalagpasan ang takot nay?"

"Paulit-ulit kaming nagsasalita sa harapan ng klase, hanggang masanay na kami. Ganiyan rin ang ginagawa ng paaralan sa'yo 'nak. Paulit-ulit kang sasanayin hanggang dumating ang panahon na kaya mo na mabuhay mag-isa."

"Sige po nay, salamat po! Pangako ko po na gagawin ko 'yan sa mga susunod na araw!"

Napahanga si Wia sa kaniyang nanay. Sa katotohanan, ito ang ginagawa ng lahat ng paaralan sa mga bata noong panahon ni Ann. Sikolohikal na digmaan, kung maituturing mo, ang ginagawa ng mga guro upang mabago ang pag-iisip ng isang bata.

Mas mabuti pa nga ito kaysa naman sa pisikal na pananakit sa mga bata upang tumino at sumunod sa gusto mo. Matagal nang pinagbawal ang korporal na pagpaparusa sa mga bata ng Kagawaran ng Edukasyon.

Maari itong maging pamamalo, pananampal, pagpapahiya o 'di kaya ay simpleng pag-iskwat, minsan may libro pa na nakapatong sa pagitan ng dalawang braso ng bata. Maaring sampahan ng kaso ang mga guro na mapatunayan na ginagawa ito.

Si Wia at ang KitKatحيث تعيش القصص. اكتشف الآن