II - 2 : Hole in the wall

3.5K 313 210
                                    

***

"Ano 'yan?" tanong ni Nasus pagbungad pa lang sa pinto ng 4F.

"Paa," pilosopong sagot ko.

Naiiling siyang lumapit. "Alam kong paa. Kita ang bukong-bukong at mga daliri, o."

Alam naman pala niya, nagtatanong pa. Tsk.

Kunot ang noo ko sa natuyong mapuputik na bakas. Pinag-aaralan ang mga iyon. Patong-patong ang ilan. May malilinaw at maiitim. May mabababaw at malalalim. Mukhang nagmartsa sa kuwarto ang nag-iwan n'on. Mukhang nagpabalik-balik sa hukot na paglakad. Mukhang naupo nang mapagod at itinukod ang mga paa sa dingding. At mukhang. . .

"Bakit sobrang laking paa naman nito?" ani uli ni Nasus. Nasa paanan na siya ng kama kung saan may pinakamakapal na bakas. Isinukat niya ang sariling paa roon. Halos hindi nangalahati ang sa kanya. "Ano 'tong naligaw na naman dito sa kuwarto mo? Higante?"

Wala naman akong kakilalang higante sa malapit. At kung sakaling may makilala ako, hindi ko sa 4F papupuntahin. Maikli ang pasensiya ng mga higante. Dahil iyon medyo bingi sila at hirap marinig ang boses ng tao. Mahilig din silang magwala. Hindi advisable kausapin sa human spaces.

Lumapit ako sa inuusisa ni Nasus at tumungo roon. Tinapik ko ang binti niya palayo sa bakas. May naiibang kulay na kahalo ang putik. Kinutkot ko. Nang bilugin ko sa daliri ay kumalat ang maitim na upos.

Tabako.

"Kapre," siguradong sagot ko. "May tumambay na kapre sa kuwarto ko."

Sandali lang natigilan si Nasus sa 'kin bago mangunot ang noo. "Tropa mo?"

Sumimangot ako.

"Bakit tumambay rito?" patuloy niya. "Ang daming malaking puno sa mga kalapit na dorm, ah."

Nagkibit-balikat ako. "Malay ko ba. Hindi naman ako nangumbida ng kapre dito."

"Sigurado ka?" aniya.

Matalas ang mata ko sa kanya. "Mukha ba 'kong friend ng kapre? Baka ikaw ang may tropa?"

"Babaylan ka, eh. Malay ko kung sino-sino ang mga kilala mo."

Nailing ako. Ibinalik ko ang tingin sa mga bakas. Hindi lang mukhang tumambay ang entidad. Mukhang naghintay rin sa pagdating ko base sa prominenteng bakas sa dingding. Hindi ko lang inabutan.

"Sabihan mo sa susunod, maghugas ng paa bago tumambay. Ang kapal ng putik, o. Kailangang brush-in," reklamo ni Tandang Nasus. "O 'di kaya, bilhan mo ng tsinelas."

"Ikaw na lang. Bilhan mo ng tsinelas." Inis akong nagbuga ng hangin.

Ano ba naman 'to? Minsan na nga lang maging boring ang buhay ko, napupurnada pa agad. Gusto ko lang namang subukang manood ng K-drama, kung bakit may naligaw na naman dito sa 4F. May sumpa yata 'tong kuwarto. O. . . ako ba ang nagbitbit ng sumpa?

Parang naririnig ko ang 'hehehe' ni Euli at ang sermon ni Nanay Lora. Hindi mo matatakasan ang nakalaan sa iyo, Sibyl, sasabihin niya. Tsk.

Nakarinig kami ng mga yabag sa corridor kasunod ng pagbungad si Greg sa pinto.

"Sabi na nga ba, nandito ka," sabi ni Greg nang mapatingin kay Nasus at maliit na tumango sa akin. "May naghahanap ng"—natuon ang mga mata niya sa mapuputik na bakas ng paa sa kuwarto at saka napanganga—"paa. Ano 'yan?"

Napabuga uli ako ng hangin. Kasasabi niya lang kung ano 'yong tinitingnan niya, ah.

"Paa," pilosopong sagot ni Nasus.

"Oo nga. Nakikita ko naman," si Greg.

"Ba't mo pa tinatanong?" si Nasus uli.

'Sus. Siya nga rin kanina, nagtanong ng obvious. Magpinsan nga sila.

DORM No.4F (Strange Encounters)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon