Kabanata XI : Tinangay ng Buhawi

14 1 0
                                    

Iba't ibang uri ng tao ang nakapaloob sa munting lugar ng istasyon ng bus. Nagmamadali ang karamihan, sa puntong umiinit na ang ulo at sumisigaw na kapag nagsasalita.

Nakaupo lamang si Nelly sa isang sulok. Bumabagabag sa kanyang isipan ang pag-alis sa kanilang bahay. Subalit magmula noong nangyari ang pagtangka sa kanya ni Carmelo, ang bahay nila'y hindi na naging tahanan pa sa kanya.

Hindi niya nais na maging balakid sa kanyang ina. Alam niya na may mamumuo na namang puot sa kanyang puso, sa oras na matagpuan na ang kanyang amain.

Nawala na rin ang pangambang naramdaman niya tungo kay Carmelo, sapagkat naniniwala siyang ligtas ito at nagtatago lamang. Nasisiguro niya ito sa kanyang sarili.

Maliban sa panggagahasang muntikan nang gawin ng kanyang itinuring na ama sa kanya, may mga bagay pa na kanyang itinago mula sa kanyang inang si Alejandra. Katulad na lamang ng pagkalunong nito sa droga, alak, at ang pagkakaroon nito ng iba pang bisyo.

Ano bang magagawa niya? Magmimistula lamang siyang tanga kapag nagsumbong siya, dahil lubusang nabulag sa pag-ibig ang kanyang ina. Kahit gaano pa katibay ang ebidensiya at kahit sa kanya pa manggaling lahat, ito ay itinuturing lamang ni Alejandra na "kasinungalingan".

Kaya mas mainam na para kay Nelly, ang lumayo muna. Kahit alam niyang nag-aalala ang kanyang ina sa pagkawala ni Carmelo'y iniisip niyang ito ay gumagawa lamang ng bisyo at naghahanap ng mapaglibangan.

Mahirap para sa kanya ang tumira sa isang bubong, kasama ang tanging minamahal na hindi naman pinapakinggan ang kanyang boses at ang isang demonyong nagbabalatkayong anghel na itinuturing na tagapagligtas sa puso ng Ina.


Ilang minuto pa ang lumipas ngunit wala pa rin ang bus na maghahatid kay Nelly sa kanyang tiyahin.

"Ang tagal naman " nababagot niyang wika.

Napatingin siya sa mga tao doon. Nakita niya ang isang pamilya na naghihintay rin. Masaya sila. Nakakapag-usap, at higit sa lahat, buo.

Hindi nagtagal narinig niya ang malakas na busina. Isang palatandaan na naririto na ang kanyang hinihintay na bus. Huminto ang mga gulong nito, sampung metro mula sa kanyang kinauupuan.

Kinuha ni Nelly ang kanyang bagahe at lumapit sa kinalalagyan ng bus. Nagkaroon ng pila bago siya makapasok. Agad na napuno ang harapan ng bus, pero nakakasiguro siya na makakasakay pa siya sa biyaheng ito.

Subalit, nung malapit na siya, tila bumagal - huminto ang pila.

"Ahh, ale.. kayo na po ang susunod" sinabi niya sa babae sa kanyang harapan.

Inulit ito ni Nelly, ngunit, kahit ang paglingon sa kanya ay hindi niya nakuha mula sa babae. Para bang wala itong naririnig.

Nainis siya, malakas niyang hinablot ang sariling bagahe at inunahan ang babae.

"Pasensiya na po, ngunit kayo ang nagpapatagal sa - "

Nagulat at nagtaka siya nang makita ang babae na tila naging bato, hindi ito gumagalaw, ni hindi kumurap ang mga mata nito nang kanyang nilapitan.

Agad siyang lumingon sa paligid. Sa loob ng bus ay ganun din. May mga nakatayo, nakaupo, subalit hindi makagalaw.

Binitiwan niya ang kanyang bagahe at mabilis na tumakbo papalabas sa bus. Tumakbo siya, at sa kanyang pagmamadali ay nabangga niya ang isang tao, na naging dahilan ng kanyang paghinto.

Natumba ang lalaki katulad ng isang kahoy na pinutol. Lubhang natakot si Nelly kaya buntong hininga siyang sumigaw "Aaaaaaaaaaaahhhh!!!"

Muli siyang tumakbo. Mas mabilis. Hanggang hindi na niya makuha pang huminga.

Huminto siya at napayuko sa kanyang mga tuhod. Tumutulo ang kanyang mga pawis. Malayo na siya mula sa istasyon, ngunit nang muli siyang tumayo at nakita ang mga tao sa paligid, ay tila mamamatay siya sa takot.

Ganoon pa rin. Mga taong hindi gumagalaw. Naka pirmi at tila naging bato.

Nanghina ang kanyang katawan sa takot. Gustuhin man niyang maniwala na isang mahabang bangungot lamang ang lahat, ngunit tumataliwas ito, sapagkat damang dama niya ang pagtibok ng kanyang lumuluksong puso.

Habang unti unti niyang iniintindi ang pangyayari, lalong naguluhan at natakot siya nang makita ang isang napakalakas na hanging nagdadala ng mga makakapal na alikabok at mga dahon. Ito'y walang humpay sa mabilisang pag-ikot.

"Isang buhawi." Tiningnan na lamang niya ito. Tila sumuko siya sa kung anuman o sa kung sinuman ang may kagagawan nitong delubyo.

Biglang huminto sa pag-ikot ang nagngangalit na hangin, na nagdulot naman nang isang napakalakas na puwersang tumulak kay Nelly mula sa kanyang kinatatayuan.

Unti-unting bumangon si Nelly at sa gitna ng kulay abong paligid, naaninag niya ang isang imahe ng babaeng papalapit sa kanya.

"Nakuha niyang gumalaw."

"Nakakalakad siya.. ka.. katulad ko"  nagtatakang wika ni Nelly.

"Kay tagal mong nagtago hangal!" Nanguuyam na sigaw ng babae.

Lumapit ito kay Nelly. Bawat paghakbang nito ay may dalang parehong alindog at galit.

Ngumiti ito kay Nelly at tumawa ng malakas.

"Sino ka?"

"Nahawa ka na yata ng kamangmangan ng mga tao"

Hindi maintindihan ni Nelly lahat ng kanyang mga sinabi kaya nanatili siyang tahimik ngunit handa sa kung anumang panganib na dala ng nilalang na kanyang kaharap.

Nang huminto sa paglalakad ang babae, nakita niya ang kanyang buong mukha. Masasabi niyang magkapareho lamang sila ng edad. Higit sa lahat, napansin niya ang kanan nitong mata. Tila ang buong kulay nito ay puti.

"Ano ka ba?"

"Magandang tanong Nelly, kasing ganda ng pangalang ibinigay sa iyo ng mga mahina mong magulang!"

Nagulat siya sa kanyang narinig at hindi niya mapigilang mag-isip na tumakbo, subalit alam din niya na hindi siya makakatakas sa nilalang na kanyang kaharap "Bakit mo ako kilala!"

"Hindi ko kailangang magpaliwanag sa isang duwag na kagaya mo!"

"Hindi kita maintindihan."

"Wala na akong oras na dapat pang sayangin. Sapagkat kay rami nang nasayang sa paghahanap ko sa iyo!"

Pumikit ang babae at nang dumilat ito ay unihip ng napakalakas na hangin ang buong paligid.

Sinubukan ni Nelly na tumakbo, pero, gaya ng kanyang inaasahan, wala siyang magawa, nadala siya sa hangin.

Tumawa ng napakalakas ang babaeng nilalang. Sa panahong ito may halong halakhak ng tagumpay.

Pinalibutan niya ng malakas na puwersa ng hangin ang katawan ni Nelly at kanyang hinawakan.

Ilang sandali pa ay naglaho silang dalawa. Kasing bilis ng pagbulong ng ligaw na hangin.




Bumalik ang lahat sa dati. Gumalaw ang mga tao. Muling naging maingay ang istasyon na para bang walang nangyari, at walang sinuman ang nakakalam sa totoong nangyari.


Ang PaglisanWhere stories live. Discover now