"Mommy." bati ni Karl pagdating.

"Cecille kamusta na si Lukas?" tanong agad ni Mrs.Lilia Valentin pagdating nito.

"Nasa OR pa din po mommy. Naghihintay nga po ako dito sa resulta." sagot naman ni Cecille.

"Nasan si Daddy Ate Cecille?" tanong ni Doreen na hipag ni Cecille.

"Nandyan sa labas sa sasakyan niya. Pinagpahinga ko muna. Mukhang ninenerbiyos si Daddy eh." sagot ni Cecille.

"Wala pa bang s-sinasabi mga d-doktor ha Cecille?" kabado ding tanong ni Mam Lilia.

"Mommy, naialis na po 'yung bala sa katawan ni Lukas. Dalawa po pala naging tama niya. 'Yung isa po wala naman pong tinamaang vital organ pero 'yung isa po malapit daw po sa puso." sagot ni Cecille.

"Diyos ko pong mahabagin. Eh paano daw? Ano pa sabi?" mangiyak-ngiyak na tanong ni Mam Lilia.

"Mommy, ano ka ba? Ayan ka na naman." si Doreen ng makitang ninenerbiyos ang ina. "Upo ka nga mommy." dugtong ni Doreen.

"Kanina po isa lang yung doktor eh nangailangan pa po ng isa para po sa naging tama daw sa malapit sa puso niya." salaysay ni Cecille.

Naisip ni Cecille na sabihin na niyang si Arnold ang isang doktor dahil malalaman din naman ng mga ito.

"Mommy, alam mo bang si Arnold 'yung isang doktor, 'yung una, 'yung nagtanggal ng bala sa katawan ni Lukas." dugtong ni Cecille. Sinadya niyang blangko ang ekspresyon ng mukha niya pagkabanggit nu'n.

Nakikinig lang si Doreen at Karl. Inayos ni Cecille ang mukha niya at baka mahalata siya na natutuwa siya sa ibabalita niya at baka kung ano pa isipin ng hipag niya at biyenan.

"Sinong Arnold?" tanong naman ng biyenan niyang babae na nakakunot ang noo dahil hindi niya maalala kung sinong Arnold ang tinutukoy ni Cecille.

"Mommy, 'yung pong scholar dati ni Daddy, 'yung anak po ni Aling Milagring at Mang Fredo." sagot niya.

Napansin ni Cecille na napatingin sa kanya ang hipag, hindi lang niya sigurado kung nagulat ba si Doreen dahil naging doktor na pala si Arnold o tinitingnan siya ni Doreen sa reaksyon ng mukha niya sa pagkakabalita niya na 'yun.

"Ah oo. Oo naalala ko na, anak ni Milagring. Doreen, remember 'yung nagluluto noong araw sa 'tin? Doktor na si Arnold?" nawala ng bahagya ang pangamba sa boses ng dating mayora sa pagkakatanda kay Arnold at sa pamilya nito.

"Yes mommy naalala ko po. 'Yung asawa po niya 'yung driver po ni Daddy tapos si Arnold, halos kasing edad yata ni Kuya 'yun." sagot ni Doreen.

"Sino 'yun Mommy? Kilala ko po?" singit na tanong naman ni Karl.

Nabigla si Cecille sa tanong ni Karl. Nawala sa loob niya na magkikita ang mag-ama duon. Gusto na niyang sagutin si Karl na siya ang totoo nitong ama pero alam niyang malaking gulo 'yun.

"Hindi anak. Hindi ka pa pinapanganak nu'n. Scholar nila lolo mo 'yun. Co -incidence siya 'yung gumagamot sa Daddy mo." sagot na lang ni Cecille.

Kanina pa iniisip ni Cecille kung pinag-iisipan kaya siya ng pamilya ni Lukas ng malaman nila na si Arnold ang doktor na nandoon. Iniisip kaya nila na maaaring may damdamin pa sila sa isat-isa kahit napakatagal nang nangyari 'yun, lalo na si Doreen na pangalawang kapatid ni Lukas. Alam niya ang lahat ng pangyayari nuon, alam nitong ang kasintahan niya ay si Arnold at hindi ang Kuya niya. 'Yung mga tingin kaya ni Doreen sa kanya kanina ay may kahulugan o baka naman siya lang ang nag-iisip ng lahat ng 'yun. Nagiging paranoid lang siya siguro pero hindi naman siya guilty dahil hindi naman siya nagpapakita ng anumang kakaibang kilos sa pagbalita tungkol kay Arnold.

"Galing naman ng batang 'yun. Sabagay matalino 'yan nu'ng araw pa laging first honor." naalala pa ni Mrs.Lilia.

"Parang ako pala lola." singit naman ni Karl.

"Oo Karl. Pero iba talino nu'ng Arnold na 'yun. Kahit talbos lang ng kamote ulam eh laging top sa klase. Hindi mo alam kung saan humuhugot ng talino." si Mam Lilia.

"Cecille puntahan mo nga si Juancho, sabihin mo nandito na kami." putol ni Mam Lilia sa pag-alala kay Arnold at nabalik ang isipan sa kasalukuyang sitwasyon.

"Sige po mommy." maagap na sagot ni Cecille.

Habang naglalakad si Cecille ay naalala niyang bigla ang tanong ng anak. Tama kayang ipagtapat niya kay Karl na si Arnold ang totoong ama nito? Paano niya ipapaliwanag sa anak 'yun? Baka isipin pa ng anak niyang malandi siya at nagkaanak siya sa ibang lalaki, samantalang sa totoong asawa niya ay wala siyang anak.

Paano nga ba tanong niya sa sarili. Wala na talaga siyang planong sabihin pa ito kay Karl at plano na niyang ilibing ito sa limot dahil akala niya ay hindi na darating ang pagkakataon na magkikita pa ang totoong mag-ama. Pero paano nga. At kung malaman naman kaya ni Arnold ay maniniwala kaya ito?

"Diyos ko, ano ba namang sitwasyon 'tong binigay n'yo po sa akin. Tulungan n'yo po akong mag-isip Diyos ko." bulong na dasal ni Cecille habang patuloy sa paglalakad.

Matapos tawagin ang biyenan na lalaki ay bumalik na sila sa loob ng ospital. Iniwan na nila ang kasamang tauhan ni ex-mayor sa labas.

"Kanina pa ba sila Cecille?" si ex-mayor na paika-ikang naglalakad.

"Kadarating lang po. Daddy bakit ganyan po lakad n'yo? May masakit po ba sa inyo?" tanong ni Cecille.

"Ganito yata talaga pag matanda na. Kapag matagal akong naupo ganito, hirap akong maglakad. Kapag naman matagal akong naglakad, hirap naman akong umupo, hay." sagot ng biyenan ni Cecille habang pabalik sila sa kinaroroonan ng ibang kasama nila.

"Doreen buti nakauwe ka?" bati agad ni ex-mayor pagkakita sa mga bagong dating.

Pagkakita sa ex-mayor ay sinalubong naman agad ni Karl at nagmano ito gayundin si Doreen.

"Binalita agad sa 'kin nu'ng isang kapitbahay natin du'n. Tinext ako ng madaling araw. Katext ko kasi yu'n, health worker sa barangay natin. "sagot ni Doreen. "Eto nga at nagpapaalam po ako sa opisina na hindi ako makakapasok. Tinawagan ko din si Dixie at Cheche, ayun nag-aalala. Gustong magpuntahan kaso wala daw maiiwan sa mga anak nila at may mga pasok ang mga asawa. Maya't-maya nga nagtetext wala naman akong maisagot." dugtong ni Doreen.

"Doreen sabihin mo sa mga kapatid mo na tatawagan mo na lang sila. Kaninang nagda-drive ka panay pa din tingin mo sa phone ako kinakabahan kanina." sabi ni Mam Lilia.

"'Yun nga po sinabi ko Mommy." sagot naman ni Doreen.

"Diyos ko iligtas n'yo po ang anak ko." nanginginig sa nerbiyos na sabi ni Mam Lilia habang magkasalikop ang mga kamay nito.

"Lilia, maging positibo ka nga, makakaligtas si Lukas." si ex-mayor na pilit kinakalma ang sarili habang nakaupo ito at nakahalukipkip ang mga kamay.

Nang biglang bumukas muli ang pinto ng operating room, sa pagkakataong ito ay dalawa ng doktor ang lumabas, si Arnold at si Dr. Deogracias. Napatayo sa kinauupuan si ex-mayor at ang asawa nito. Napamaang naman agad sila Doreen Karl at Cecille. Hinintay ang sasabihin ng mga doktor na kaharap nila.

Till Next TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon