Chapter 7

1.7K 86 3
                                    

Humigit kumulang sa dalawang oras na nilang binabagtas ni Dmitri ang kahabaan ng kalsada, ang hinuha ni Rose.

Pagkatapos ng biglang pag atake ng pangkat nila Horan ay agad na naghanda ang lalaki sa pag-alis.

Ni hindi man lamang niya ito kinakitaan na ininda ang mga tama at sugat nito sa katawan.

Nagkaron ito ng malaking sugat sa ulo dala ng mga ginawang paghampas ni Horan.

Tinalian lamang iyon ni Dmitri ng bandana upang maitago.

At siya ang labis na nag-aalala para sa binata.

Bitbit ang isang may kalakihang bag na itim na sa hula niya ay pawang mga armas nito ang laman ay agad na silang tumulak paalis.

Dalawang bayan na ang nadaanan nila ngunit mukhang wala itong balak na huminto.

Ang sigurado lamang niya ay hindi iyon palabas ng San Fabian.

Sa wakas ay inihimpil ng lalaki ang motorsiklo sa likod ng isang may dalawang palapag na istraktura.

Isa iyong lumang bahay ng panahong Marcos na na-preserved.

Mukha itong musoleu sa labas.

Nakita niyang may mangilan-ngilang sasakyang nakaparada sa harapan.

Hindi na siya nagtaka kung bakit sa likod ng bahay ipinarada ni Dmitri ang motorsiklo nito.

Tinakpan nito iyon ng lonang trapal.

Pagkatapos ng kakila-kilabot na pangyayari ay batid niyang kailangan nila ng masusing pag-iingat.

Kumatok si Dmitri sa isang makipot na pinto.

Ilang saglit pa at bumukas iyon.

Mukha ni Lita ang bumungad sa kanila.

Kung nagulat ang babae nang mabungaran sila ay higit ang pagkamangha niya.

Ano't naroon si Lita?

"Dmitri, anong nangyari?" Tanong ni Lita na nanggi-gilalas.

Bahagya siya nitong sinulyapan at muli ring bumaling kay Dmitri.

Nahimigan niya nang pagkabahala ang babaing kinaiinisan.

"Kailangan ko ang tulong mo, Lita," seryosong sagot ni Dmitri.

Tumango ang babae at mabilis silang pinapasok.

Luminga-linga muna ito bago isinara ang pinto.

Sa pangunguna ni Lita ay pinasok nila ang may kakiputang daan papasok.

Napansin niyang maraming silid doon.

Nagulat pa siya nang may lumabas na isang babae sa isa sa mga silid, kuntudo kolorete.

Wala na itong maitago sa klase ng pananamit, may kasama itong tila parukyano nito.

Kung ganoon ay hindi siya nagkamali ng sapantaha sa kung ano ang kalidad ni Lita bilang babae.

Sa nalaman ay gusto niyang muling mainis sa lalaki.

Isipin mong tinanggihan siya nito para lang sa isang katulad ni Lita?

Subalit siya na rin ang nagsuweto sa sarili.

Wala siyang karapatang husgahan si Lita dahil lamang sa hindi niya ito gusto.

Maging ang panuntunan ni Dmitri sa pagpili ng babaing gugustuhin ay hindi niya dapat na panghimasukan.

Makakalimutan rin naman niya ang dalawa at malamang ay hindi na rin makita pa sa oras na makabalik na siya ng Maynila.

🌹The Forgotten Love🌹 (COMPLETED) Kde žijí příběhy. Začni objevovat