IKALAWANG KABANATA: Nilalang ng Fourth Dimension

137 26 103
                                    

Madali kong tinapos ang aking kinakain at bagmadali ng magbihis sapagkat alam ko, anumang oras ay darating na si Papa. Magagalit na naman ‘yon sa akin. Panigurado.

Mabilis kong hinanger ang uniporme ko sa maliit na kabinet sa loob ng aking kuwarto. Mabilis ko namang itinago ang perang binigay ni Mama. Hindi ko na iyon ginamit. Nahihiya na kasi akong gastusin pa ‘yon. Pera nila iyon hindi sa akin baka kung ano na naman ang isumbat ni Papa sa akin.

Naalala ko ang papel na nakita ko sa library. Kaya, dinukot ko iyon sa bulsa ng aking pantalon at isinilid sa bulsa ng short na pinampalit ko. Inayos ko ang aking sarili bago ako lumabas ng kuwarto.

Binigay naman agad ni Mama sa akin ang susi ng bahay ni Tito Rex, saka nagpaalam na kay Mama.

Lakad-takbo ang aking ginawa sapagkat may kalayuan din ang bahay ni Tito Rex mula sa bahay namin. Narating ko ‘yon at huminto sa gate ng bahay. Saktong isang pamilya lang ang bahay ni Tito Rex. Pero hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin itong asawa.

Napabuntong hininga ako nang matapat ako sa pintuang gawa sa kahoy. Sa wakas, nakarating din ako. Mabilis ko na iyong binuksan at pinihit ang pinto paloob.

Tumambad sa akin ang madilim na kapaligiran kaya binuksan ko ang switch ng ilaw. Nanlaki ang mga mata ko sa aking nasaksihan. Nagkalat ang mga gamit ni Tito Rex. Hindi ko naman iniisip na ninakawan si Tito sapagkat talagang ganito na siya sa bahay niya. May nakasampay na t-shirt sa flat screen na TV nito. Nagkalat din ang pantalon sa tiles niyang sahig. Iisipin mong nilooban ng masamang tao.

Burara lang talaga si Tito, kahit kailan talaga. Napailing-iling na lang ako habang pumapasok. Palibasa wala pang asawa kaya malaya niyang gawin lahat ng naisin niya sa bahay na ito. Kapatid siya ni Papa, isang security guard si Tito Rex.

Gayunpaman, sobrang bait ni Tito Rex. Naalala ko tuloy nang mag-birthday ako, hiniling ko kay Papa na bilhan niya ako ng Laptop, pero tinanggihan niya ako. Mabuti na lang at nandoon si Tito Rex. Binilhan niya ako ng araw ring 'yon. Ma-swerte ako kasi nagkaroon ako ng Tito na gaya niya. Naging bestfriend ko si Tito, tampulan ko ng problema ko pero nagbago ‘yon simula ng madistino siya sa ibang branch ng tinatrabahuan niyang kompanya. Bihira na lang itong umuwi dito sa amin. Wala siya ngayon kaya't halos nakakabingi ang katahimikan ng bahay. Madaldal din kasi iyon eh. Hindi nauubusan ng kuwento.

Napabuntong hininga na lang ako at matamlay na pumasok. Isinara ko ang pinto at dumiretso na sa itaas na bahagi ng bahay kung nasaan ang kuwarto. Pagpasok ko, halos matabunan na naman ako ng mga nagkalat na damit ni Tito. Nakabukas at buhaghag ang mga gamit nito sa kaniyang kabinet.

Hindi ko na lang iyon pinansin. Ibinagsak ko na lang ang sarili ko sa malambot na kama ni Tito Rex. Ipinikit ko ang aking mga mata at pinakinggan ang tunog ng umiikot na ceiling fan.

Sumagi bigla ang sulat na nakita ko sa library. Kaya, napamulat ako ng mata. Dinukot ko ang piraso ng papel sa bulsa ko at itinaas iyon upang basahin.

Naningkit bigla ang aking mata, hindi dahil sa maliliit ang nakasulat kun'di dahil sa hindi ko ito maintindihan.

“Qartum est ratio aperta erit quando vidi unum?” napangiwi ako habang binabasa ang nakasulat.

Hindi ko alam kung anong linguwahe ito. Napabuntong hininga na lang ako saka ibinagsak ko na lang iyon sa kama at muling ipinikit ang mata.

“Devior?” isang malambing na tinig ang pumukaw sa akin.

Dahan-dahan akong nagmulat ng mata.

“Ahhhh!!!” halos lumabas ang ngalangala ko sa sobrang lakas ng sigaw ko. Umalingawngaw iyon sa loob ng kuwarto ni Tito.

Napaupo ako sa kama at napayakap ng sarili habang nakabaluktot ang mga tuhod. Isiniksik ang aking sarili sa sulok ng kama.

“Huwag kang matakot, Devoir. Isa akong kaibigan,” malamyos niyang tinig, bahagya pa siyang lumapit sa akin na ikinaatras ko naman.

“S-sino ka?! P-paano ka nakapasok!” sigaw ko sa babaeng kaharap ko. “Magnanakaw ka no?!” dagdag ko pa.

Umiling siya sa tanong ko sa kaniya, “Engkanto?!” sigaw kong nanlalaki ang mata.

Ngumiti siya sa akin. Doon ko lang napagmasdan ang mukha niya. Bilugin ang ito. Pantay ang kaniyang mga ngipin, lagpas balikat ang buhok nito, mga pilik mata niyang maayos na nakakurba. Kulay luntian ang kaniyang mga mata maging ang suot niya ay luntian din. Mala-rosas ang pisngi nito at may mapang-akit na labi.

Ang pinagkaiba lang ay ang kanyang matutulis na tainga. Hindi ito pangkaraniwan.

“Ako si Mayuri, isa akong Lambana,” paliwanag nito. Napakunot ako ng aking noo.

“Lambana? Hindi ba maliliit mga ‘yon? Bakit ikaw ang laki mo? Saka bakit mo ako kilala?” pagmamakdol ko. “Ano bang ginagawa mo dito? Pwede ba umalis ka na?” sunod-sunod kong sambit.

Ramdam ko ang pagkalampag ng dibdib ko sa bilis ng pagtibok nito. Hihimatayin yata ako.

“Mahabang salaysayin iyon, Devior. Ipapaliwanag ko sa iyo kapag nasa kaharian ka na ng Diwatiña. Sa ngayon, nais ko lamang balaan ka na malapit ka nang mapunta sa aming dimensyon kaya't ihanda mo ang iyong sarili. May tungkulin kang dapat ganpanan,” paliwanag nito. Seryoso ang tuno ng kaniyang tinig.

Napakunot ulit ako ng aking noo sa pinagsasabi niya.

“Bakit ako? Iba na lang... Please?” pagmamakaawa ko. Napasimangot siya sa sinabi ko.

“Ikaw na lamang ang aming pag-asa, Devior. Ikaw na lamang ang natitira naming tagapagligtas sa kaharian namin laban kay Demotre,” paliwanag nito. Ramdam ko ang pangamba sa tinig nito.

Bakit ako? Sarili ko nga hindi ko maipagtanggol? Kaharian pa kaya nila?

Bigla na lamang sumagi sa isip ko ang binabasa kong aklat. Nabasa ko na ang tungkol sa kanila sa paborito kong libro subalit nawala lahat ng iyon sa utak ko ng dahil sa nararamdaman ko. Nanginginig ang aking mga tuhod maging ang aking mga kamay.

Ang cool nila kapag babasahin lang pero manlalamig ka na lang at matutuliro kapag nakaharap mo sila. Sinampal-sampal ko ang aking sarili sa pag-aakalang nananaginip lang ako. Pinikit ko ang mga mata ko at hinampas ko ng aking mga kamay ang magkabila kong pisngi.

“Hindi ito totoo, nananaginip lang ako,” utos ko sa aking sarili kasabay pa ang pagtango.

Pagmulat ko ng mga mata, wala na ang babaeng nagpakilalang Mayuri.

Tumayo agad ako sa aking kinauupuan at agad na nagtungo sa kusena.

Binuksan ko agad ang refrigerator at uminom ng dalawang baso ng tubig. Napaupo ako sa lamesa kaharap ang refrigerator. Tagaktak ang mga pawis ko na para bang naglaro ako ng outdoor game. Hindi ko na halos mabilang kung ilang beses akong napalunok ng laway.

Hindi ako makapaniwalang may nakita akong nilalang na nababasa ko lang sa paborito kong libro.

Panaginip lang iyon, Dev. Panaginip lang,” halos mabingi ako sa kabubulong ko. Paulit-ulit ko iyong sinasambit.

Hindi na ako bumalik sa kuwarto ni Tito Rex. Nanginginig pa rin ang buo kong katawan. Tumalima ako at tinungo ang sofa. Sa sofa na lang ako matutulog kaharap ang Twelve Inches na flat screen ni Tito. Ayaw ko nang bumalik ng kuwarto baka mamaya, tikbalang na ang makita ko. Hindi na Lambana lang.

Napuno ako ng pangamba hanggang sa hindi ko na nalabanan pa at unti-unti na akong sinasasakop ng dilim. Ipinikit ko ang aking mga mata at hinayaang lamunin ng antok.

#FourthDimension
#SolusPrinceps

FOURTH DIMENSION [COMPLETED]Where stories live. Discover now