PROLOGO

238 29 75
                                    

Nakita ko ang unti-unti panghihina ng kalooban ng aking mga kasama. Batid kong nawawalan na sila ng pag-asang maipanalo ang labang ito. Ramdam ko ang kanilang mga pagod dahil sa mabibigat na hiningang kanilang binibitawan. Naghalong dugo at pawis ang makikita sa kanilang mga mukha.

Inilibot ko ang aking tingin sa buong paligid. Halos manlumo ako sa aking nasasaksihan. Marami sa kasamahan namin ang nalagas at nakahandusay na lang. Amoy na amoy ko ang samyo ng digmaan na kahit sinong nilalang ay malulungkot.

Wala nang kabuhay-buhay ang lugar dulot ng digmaan. Bakas ang pagkasira ng buong kapaligiran. Nagkalat din ang sariwang dugong nagmula sa katawang wala ng buhay.

Halos kapusin naman ako ng hininga dulot ng pagod sa pakikipagdigma, subalit kailangan naming maging matatag. Kailangan naming manalo sa labanang ito kontra sa mga nilalang na ganid sa kapangyarihan. Kailangan namin silang mapuksa sa maliit naming bilang upang mapangalagaan ang balanse ng tao at mga nilalang na naninirahan sa dimensyong ito.

"Lalaban tayo! Lalaban tayo hanggang kamatayan!" sigaw ko sa kanilang lahat. Halos maubos naman ang hininga ko sa pagsambit ng mga kataga.

Napatingin ako sa direksyon kung saan nagsisimula na namang magsilabasan ang mga maliliit na nilalang. Mapanganib, mabangis at walang sinasanto.

Mapupula ang kanilang mga mata, may maitim na balat at naghahabaang kuko at pangil. Parang hindi sila nauubos sapagkat tila nadadagdagan pa ang kanilang mga bilang.

Kahit paano'y nabuhayan naman ng loob ang aking mga kasama sa mga katagang binitawan ko. Nakikita ko sa kanilang mga mukha ang napipintong pag-asa.

"Aho! Aho! Aho!" sigaw ng aking mga kasama. Ubos lakas silang sumigaw hudyat na lalaban sila hanggang sa kanilang huling hininga.

Hindi ko matanto ang aking nararamdaman, parang may kung anong kumurot sa dibdib ko. Bigla na lang pumatak ang gabutil kong luha pababa sa aking madungis na pisngi. Kusa silang nagbagsakan mula sa aking mga mata. Hindi dahil sa awa, kun'di dahil sa determinasyon nilang maipanalo ang laban sa kabila ng lahat...

FOURTH DIMENSION [COMPLETED]Where stories live. Discover now