Bente Pesos

365 82 70
                                    

Bente Pesos

Isinulat ni Margie Evangelista

"Argh! Nakakainis naman! Bakit ba kasi walang pumapasok na ideya sa utak ko?!"

Inis na inis ako sa sarili ko dahil ilang linggo na akong hindi makapagsulat ng bagong kuwento. Creative Writing student ako at may project kami kung saan magsusulat kami ng inspirational short story. Matagal nang ibinigay sa amin ang project na 'to at bukas na ang pasahan pero hanggang ngayon ay chapter one pa lang ang nagagawa ko.

Bakit ba kasi ngayon pa umiral ang writer's block ko?! Sa inis ko'y sinipa ko ang pinakamalapit na bato sa akin.

"Aray!" Napalingon ako sa nagsalita at nakita ko ang isang matandang babae na nasa edad 80 plus na siguro.

Agad akong lumapit sa kanya. "Lola, may problema po ba?"

"May tumama kasing bato sa binti ko. Hindi ko napansin kung saan nanggaling."

"Hala! Tinamaan po ba kayo ng bato? Pasensiya na po! Mukhang ako po ang nakatama sa inyo."

Hinihimas niya ang kanyang braso, sa tingin ko'y iyon ang tinamaan ko.

"Okay lang iyon, Hija. Kaunting himas na lang at mawawala na rin ito." Ngumiti si Lola kaya kahit papaano ay gumaan ang loob ko.

"Sorry po talaga, ha? Sa sobrang inis ko'y hindi na ako nakakapag-isip nang maayos."

"Ayos lang iyon." Ngumiti siya uli pero ilang sandali pa'y napahawak siya sa kanyang tiyan. "May pagkain ka ba riyan, Hija? Nagugutom na kasi ako. Ilang araw na akong hindi kumakain at gutom na gutom na talaga ako."

Ipinasok ko sa bulsa ng palda ang aking kamay at tiningnan kung may pera pa ako. Bente pesos. Nagpalinga-linga ako kung may mabibili ba akong pagkain na nakabubusog sa halagang natitira sa akin at may nakita naman ako.

"Halika po, doon tayo sa may upuan." Inalalayan ko si Lola papunta sa pinakamalapit na upuan at pinaupo ko siya ro'n. "Wait lang po, ha? Ibibili ko kayo ng makakain at maiinom."

"Maraming salamat, Hija." Ngumiti uli si Lola at dahil doon ay nawala ang pagdadalawang-isip ko na ibili siya ng pagkain at inumin.

Naglakad na ako papunta sa stand kung saan may nagtitinda ng banana cue. Nagdadalawang-isip ako kanina kung ipambibili ko ba ang bente pesos na ito para sa pagkain ng isang matanda na hindi ko naman kilala at kaano-ano.

Saktong-sakto lang kasi ang binabaon ko sa araw-araw dahil hindi naman kami mayaman. Magsasaka ang tatay ko at nagtitinda naman ng mga gulay ang nanay ko sa palengke. Pinipilit lang din nila na iraos ang pag-aaral ko sa kolehiyo kahit na hirap na hirap na sila. Hindi bale, dalawang taon na lang naman at makakatapos na ako.

Mabuti na lang nga at may scholarship din ako, at least kahit papaano ay nababawasan ang gastusin nila Nanay at Tatay. Nang makita kong bente na lang ang pera sa aking bulsa ay naisipan kong itabi 'yon para ipandagdag sa baon ko bukas. Pero no'ng nakita ko ang ngiti ni Lola ay mas nanaig sa akin ang ideya na tulungan siya.

Ibinili ko ng ten pesos na banana cue at ten pesos na mineral water si Lola at agad akong bumalik sa upuan na pinag-iwanan ko sa kanya kanina. Inabot ko sa kanya ang banana cue at tubig at agad din siyang kumain. Halatang gutom na gutom si Lola, mukhang kulang pa sa kanya ang isang stick ng banana cue. Ilang araw na kaya siyang hindi kumakain?

Pagkatapos niyang kumain ay nagpasalamat siya sa akin.

"Maraming-maraming salamat, Hija. Bawing-bawi ka na sa pagkakatama mo sa akin kanina." Natawa kaming pareho.

Bente PesosNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ