Chapter 19

67.9K 3.6K 6.7K
                                    

[Chapter 19]

Tulala akong kumakain habang patuloy na nagsasalita sina Gwen at Jessica. Pinag-uusapan nila ang tungkol sa damit na susuotin nila sa nalalapit na Christmas party. Isang linggo na ang nakalipas pero hindi pa rin mawala sa isip ko ang sinabi ni Adrian noong nasa waiting shed kami.

"Wag mo nang isipin kung ano iyon. Kalimutan mo na, Aries" patuloy niya nang may ngiti na parang hindi naman nangangahulugan na masayang ngiti.

"Bakit?" tanong ko, hindi ko alam bakit parang ang bigat ngayon ng puso ko.

"Dahil kakalimutan ko na rin" wika niya sabay ngiti muli ng kaunti na para bang sinasabi niya sa'kin na naiintindihan na niya at tinatanggap na niya lahat.

Magsasalita na sana ako pero tumayo na siya, "Tara na, wala ng ulan" inilabas na niya ang bisikleta sa waiting shed at sumakay doon. Tumayo na rin ako at naglakad papalapit sa kaniya. "Hindi ko na bibilisan. Baka sumemplang tayo" ngiti niya, umangkas na ako sa likod at humawak muli sa kaniya.

"Hoy, Aries. Nakikinig ka ba?" natauhan ako nang magsalita si Gwen. Nakatingin na silang dalawa ngayon sa'kin. Ngayon ko lang napagtanto na sobrang ingay pala dito sa canteen.

"Ha? A-ano nga ulit 'yon?" nagpatuloy ako sa pagkain. Munggo ang ulam ko, paborito ko naman ito ngunit wala talaga akong gana kumain.

"Kanina ka pa namin tinatanong kung ano ang isusuot mo sa Christmas party" hotdog, ham at nilagang itlog naman ang baon nila na pinagasaluhan din namin kasama ang munggo na baon ko.

"Ah, hindi ko pa alam" tugon ko, nakita kong pumasok sa canteen sina Gian, Adrian at Leo. May dala pang bola ng basketball si Gian. "Sa Christmas party tayo makakapagsuot ng uso ngayon. Mag-mamake up ka rin ba? Si Jessica na raw bahala sa pangkulot natin sa buhok" ngiti ni Gwen saka hinawakan ang dulo ng buhok niya na gusto niyang kulutin.

"Sa bahay tayo mag-ayos tapos sabay-sabay tayong pumunta sa Christmas party" excited na saad suhestiyon ni Jessica. Napatingin muli ako sa tatlo kong kaibigan. Umupo na sila sa kabilang dulo ng mesa. Mukhang hindi nila ako nakita dahil ang daming estudyante ngayon dito sa loob ng canteen.

Sandali ko silang pinagmasdan, parang wala namang nagbago. Gano'n pa rin ang biruan at asaran nilang tatlo. Tinitigan ko sina Adrian at Leo, nag-uusap at nagtatawanan naman sila. Ako lang siguro talaga ang praning.

"Aries? Lumulutang na naman ang utak mo" puna ulit ni Gwen dahilan para mapaupo na ako ng maayos. "Ano bang iniisip mo?" habol ni Jessica. Ngumiti na lang ako. "M-malapit na kasi 'yung result ng entrance exam sa mga University na pinasahan natin. Sana makapasa tayong lahat" sabay silang napahinga ng malalim.

"Bakit pinaalala mo pa? Kinalimutan ko na nga 'yon e" reklamo ni Gwen, napasabunot naman sa ulo si Jessica. Napatitig lang ako sa kanila. "Bakit niyo naman kakalimutan 'yung mahalagang bagay?" tanong ko saka nagpatuloy sa pagkain.

"Alam kasi namin na wala kaming pag-asa makapasa doon kaya mas okay na kalimutan na lang para hindi na kami masaktan pa" tugon ni Jessica sabay subo ng kanin ng sunod-sunod.

Napatigil ako sa pagkain. Parang ginawa ko rin 'yon dati kay Leo. Sinubukan kong kalimutan ang nararamdaman ko sa kaniya kasi inakala kong wala akong pag-asa. Iyon ba ang gustong iparating ni Adrian?

***

Abala ako sa paggawa ng reviewer sa classroom habang hindi pa dumadating ang sunod naming teacher. Nagbabatuhan naman ng bola at nagsitayuan sa kani-kanilang upuan ang iba naming kaklase. Malapit na ang exam namin, isang linggo na lang bago ang Christmas party.

Ilang sandali pa, napatigil ako nang bumulong si Gwen. "Aries" tawag niya sabay nguso sa tapat ng pintuan. Nakita ko roon sina Gian, Adrian at Leo. Nakatayo silang tatlo roon, sumenyas sa'kin si Gian na lumapit sa kanila.

Leo and AriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon