Kabanata Tatlo [1]

2.2K 121 17
                                    

WALANG NAKAPIGIL KAY Eurie at nagtuloy-tuloy lang ito sa pagsubaybay sa naiwang bakas ng kinalakadkad na babae kaninang madaling araw, wala silang ideya kung hanggang saan siya dadalhin nito, pero batid niya na nasa dulo ng bakas na nagsilbing daan ang maaaring sagot o susi sa kanilang kinakaharap na misteryo, alam niyang makakakuha siya ng sagot sa dulo nito. Kinakabahan man sa sariling desisyon ay hindi siya puwedeng umatras ngayon at baka mabubura lang ito mamaya o baka may makakahanap nitong ibang imbestigador. Kailangan niyang sumubok dahil alang-alang din naman ito sa kapakanan ng kaniyang grupo, isa pa ay kailangan niya ring abalahin ang sarili nang sa gayon ay mawaglit sa isipan niya ang nangyari kanina, nararapat lang niyang libangin ang sarili upang mawala ang nakakainis na mukha ng lalake sa kaniyang isipan.

Malayo-layo na rin ang kaniyang narating at sa bahaging ito ng gubat ay hindi na sakop pa ng mga surveillance cameras na inilaan sa kanila ng alkalde., ang kaniyang kaligtasan ay nakasalalay na sa kaniyang kamay at tanging ang mga hiwang marka na iniwanan niya sa bawat punong-kahoy na nalalagpasan ang magsisilbing gabay niya pauwi ng kampo. Sa paghakbang niya at pagsubaybay sa misteryong nais tuklasin ay mas lalo naman siyang kinakabahan; sa bawat patak ng sandali ay alam niyang papalapit din siya sa sariling kapahamakan, kung kaya't tahimik na lang siyang nagdasal na sana ay walang masamang mangyayari at nawa'y may mga nakatagong camera sa paligid na nagmamasid at nang may makasaklolo sa kaniya kung sakaling may 'di inaasahang pangyayari.

Tahimik lang ang paligid animo'y pinagmamasdan siya at inoobserbahan, tanging natural na tunog lang ang naglalaro sa sariling tainga at umaaliw sa kaniya: pagaspas ng mga dahon, huni ng insekto at mga ibon ;at isang nakakairitang tunog ng makina ng chainsaw na halatang may pinuputol na kahoy sa may 'di kalayuang bahagi ng gubat. Hanggang sa kalagitnaan ng kaniyang paglalakad ay ginambala ang kaniyang sisitema nang bigla siyang nakarinig ng kaluskos mula kung saan.

"Wreen?! Lucas?!" tawag niya habang ginagala ang tingin sa paligid upang hanapin ang panauhing batid niyang umaaligid.

Ngunit walang sumagot, wala rin siyang napapansing gumagalaw.

"Wreen? Lucas?" tawag niya ulit, pero purong katahimikan lang ang sinagot ng paligid.

Akmang magpapatuloy na sana siya nang sa 'di inaasahang pagkakataon ay umalingawngaw ang malakas na tunog ng kaniyang smartphone, sa gulat niya ay sandali siyang nanlamig at namutla, pero mabilis naman itong humupa nang mapabuntong-hininga siya at naproseso ang kaganapan. Dali-dali naman niyang hinugot mula sa bulsa ang sariling smartphone at saka sinagot ang tawag nito.

"Bakit Lucas? Nasaan ka ngayon?" tanong niya sa lalake nang masagot ang tawag habang palinga-linga ng tingin sa paligid at iniisip na baka ligaw na hayop lang ang may-gawa ng kaluskos

"Bumalik ka rito! Bilis!"

"Bakit anong nangyari?!" tanong niya na nagsimula na namang manlamig sa takot at pangamba.

"Hindi pa rin nakakabalik dito si Wreen! Huling nahagip siya ng camera ay sa 03!" pahayag nito na natataranta.

"Lucas naman, kumalma ka nga muna. Alam mo naman ang nangyari rito kanina, baka sumuot lang yun kung saan-saan. Hintayin mo na lang, darating din 'yan."

"Eurie, seryoso ako. Bumalik ka rito! Napakadelikado at mag-isa ka lang! Nasaan ka ba?!"

"Sinusundan ko ang bakas kung hanggang saan ito patungo—."

"Nahihibang ka na ba?! Mag-isa ka lang Eurie! Kung anong mangyayari sa 'yo ay responsibilidad ko yun!"

"Oo na, sige na, babalik na ako. Pero mas mabuting balikan natin ito dahil malakas ang kutob kong malaki ang maitutulong nito sa kaso." Aniya, "Kami sana ni Wreen ang tutuklas nito kaso iniwanan ako ng gago."

"Sige na Eurie, bumalik ka na rito."

***

"ANONG PROBLEMA?" pambungad na tanong ni Bella nang makarating sila ni Kezel sa kampo, sila ang huling nakauwi sa buong grupo kaya laking-pagtataka nila nang makita ang mga mukha ng mga kasama nito na parang pasan-pasan ang lahat ng problema ng mundo.

"Nawawala si Wreen." Sagot ni Lucas na sandaling binalingan ng tingin ang babae at agad na ibinalik ang tingin sa monitors ng mga computer at baka mahagip ng mga camera ang lalake.

"Kailan lang?!" tanong naman ni Kezel na bitbit ang mga papel nang lumapit sila at dumalo sa grupo na nakaupo at nakapaligid sa mesa na pawang hindi mapakali.

"Kaninang alas sais ng umaga." Sagot naman ni Eurie gamit ang matamlay na boses, nakatulala lang ito at hindi na nag-abala pang balingan ng tingin ang titig ni Bella sa kaniya.

"Alas sais pa?! Alas nuwebe na ngayon at malapit ng magtanghali, bakit walang kumikilos?!" asik na tanong ni Kezel, "Anong nangyari Eurie?" tanong ulit nito na gustong maliwanagan sa lahat.

"Nag-away kami, marami akong nasabi sa kaniya na hindi maganda kaya iniwan niya ako mag-isa sa gubat, akala ko nakabalik siya rito sa kampo pero hindi pala." Salaysay niya rito.

"Aba, wala ka talagang kontrol Eurie 'no? Narito tayo para sa trabaho, bakit kailangang masama 'yang bulok n'yong relasyon? Anong resulta? Isang problema, paano tayo mananalo nito kung kulang tayo?!" Bulyaw nito na napairap na lang at napaupo sa bakanteng upuan. "Buwisit talaga."

"Wala na tayong oras pa para sa gulo, kailangan nating hanapin si Wreen at sabihan si Mayor tungkol dito. Hihingi tayo ng tulong at nang mapabilis ang paghahanap." Suhestyon ni Kezel.

"Naisip din naming 'yan kanina, pero wala pang bente-kuwatro oras. Hindi pa siya puwedeng ideklarang nawawala." Sagot ni Jimmy na piniling huwag kunan itong pangyayari ngayon.

"Naku..." tanging nasabi ni Kezel na napahilamos na lang, gaya ni Bella ay napaupo na lang siya at nanlulumong dumapa sa mesa matapos ilapag ang mga papel sa ibabaw nito.

"Hindi rin naman siguro siya nawawala 'di ba? Baka umalis lang yun para magpalamig." Ani ni Emily, "O kaya parte ito ng laro? May kidnapping din...hindi naman siguro mawawala ng basta-basta si Wreen 'di ba? Paano kung kasama pala ito sa kasong lulutasin natin? Paano kung isa itong pagsubok?"

"Oo nga, baka gano'n." suporta ni Charice kay Emily.

"Sana lang at gano'n nga. Pero paano kung hindi? Hihintayin pa ba natin na may mangyayari sa kaniya?" saad ni Kezel na nag-aalala para sa lalake.

"May punto rin si Kezel guys, kailangan nating itigil muna itong imbestigasyon at subukang hanapin sa gubat si Wreen." Pagsang-ayon ni Jimmy, "Kasama natin siya rito, kailangan nating siguruhin muna na ligtas siya at kasama natin bago tayo magpapatuloy. Baka nagsesenti lang yun sa mga sanga ng kahoy."

"Napakalawak ng gubat aabutin tayo ng gabi bago natin ito tuluyang masusuyod. Isa pa, mahirap hanapin ang lalakeng ayaw magpahanap." Ani naman ni Bella, "Ang mas maiging gawin ay manatili sa 'ting plano at hintayin si Wreen, baka panggulo lang 'to para matagalan tayo sa imbestigasyon. Babalik din yun."

"Hindi, kailangan natin siyang hanapin." Giit ni Charice.

"Lucas? Anong plano mo?" tanong ni Ivan sa lalake na pasimpleng nagtatanong kung aling panig ito.

"Kailangan nating bumuto, pumili ng panig para sa desisyon ng grupo." Wika nito, "Kung sinong sang-ayon na hahanapin natin si Wreen ngayon, itaas n'yo ang sariling kamay."

At sunod-sunod na nagsiangatan ang mga kamay nina Kezel, Jimmy, Eurie, at Charice; samantalang sina Ivan, Bella at Emily ay nanatiling nakababa ang kamay. Sa pangingibabaw ng katahimikan sa loob ng kampo ay nalipat ang tingin ng lahat kay Lucas na napabuntong-hininga na lang matapos mabilang ang boto at nakapagdesisyon na rin para sa grupo.

"Maghanda kayo at magtanghalian muna. Aalis tayo agad matapos ang isang oras."

Missing Bodies [PUBLISHED UNDER LIB]Where stories live. Discover now