CHAPTER 1: ANG MALING PANINIWALA NI ALEXIS

1.3K 14 1
                                    

Hindi naniniwala si ALEXIS sa mga aswang.

Pero sabi nina MATEO at ANDREA, mga magulang ni Alexis, totoo na may aswang. Sagot naman ni Alexis sa kanila, year 2013 na. Hindi na uso ang mga aswang, santelmo, engkanto, nuno sa punso, dwende, kapre, manananggal, tikbalang at kung anu-ano pa. Sina Taylor Swift, One Direction, Katniss at Peeta, Edward at Bella at Harry Potter na ang mga bida ngayon. Tanong pa ni Alexis, kung totoo na may mga aswang, bakit parang sa malalayong probinsya lang naglipana ang mga ito? Bakit sa Maynila, wala? Ayaw ba o takot ba ang mga aswang sa Maynila?

Nung Grade 5 si Alexis, tinanong niya si TEACHER LETTY, ang teacher niya sa Sibika, kung may katotohanan ba ang mga aswang o ito ba ay isang kathang-isip lamang. Natawa si Teacher Letty. Sinabi ni Teacher Letty na hindi siya naniniwala sa aswang pero marami siyang alam na kwentong aswang dahil sa Silay siya pinanganak at lumaki. Dagdag pa niya, uso rin sa Bacolod ang mga aswang at manananggal pero ni minsan, hindi siya nakakita nito. Puro mga kwento-kwento lang ng mga matatanda sa kanila.

Sabi pa ni Teacher Letty kay Alexis, nagsimula talaga ang paniniwala ng mga Pilipino tungkol sa mga aswang noong panahon ng mga Kastila. Pinakalat ito ng mga Kastila bilang tsismis para umuwi nang maaga ang mga tao noon at walang lumabas kapag gabi. Higit sa lahat, ginawa umano nila ang tsismis na ito para takutin ang mga Pilipinong nag-aaklas laban sa Espanya. Kakuntsaba ng ibang gobernadorcillo ang mga malulupit na prayleng Kastila. Pinapatunog ng simbahan ang kanilang kampana para manakot. Sa pamamagitan ng kampana, nagbibigay ng hudyat ang simbahan na may aswang sa paligid o merong mangyayaring masamang trahedya sa kanilang bayan.

Kapag may nahuli ang mga guwardya sibil na Pilipinong ayaw sumunod sa batas ng Espanya, bukod sa torture, pinapakain nila ang kanilang preso sa aso at matapos na maluray-luray ang katawan ay iiwanan nila ito sa bayan. Papalabasin nila na aswang ang may gawa nito. Matatakot naman ang taong bayan.

Pero ang totoo, set-up lamang ito para sumunod ang mga tao sa gobyerno at magsimba ang mga Pilipino. Kakapit ang mga Pilipino sa Dios. Mag-aabuloy sila at magpapadasal para iligtas sila laban sa mga aswang. Uurong din ang mga mag-aaklas, kikita naman ang simbahan sa mga padasal! Naturalmente! Panalo ang Gobyerno ni Felipe! Talunan din sa galak ang mga tusong prayle!

May isa pang kinuwento si Teacher Letty kay Alexis na nagpapatunay na hindi totoo ang mga aswang. Noong may Hukbalahap pa sa Pilipinas, ginamit na taktika ng mga militar ang aswang para mapaatras ang mga Huk sa laban. Kapag nagroronda ang mga rebelde, kinikidnap ng military ang isang Huk; pinapatay ito sa pamamagitan ng pagtusok ng matalim na bagay sa leeg na para bang kagat ng aswang at pagkatapos ay ibibitin ng patiwarik ang biktima. Siyempre nga naman, mauubos ang dugo ng bangkay. Kinabukasan, tinatapon ng militar ang bangkay sa paanan ng bundok. Inakala tuloy ng mga Huk na totoo nga ang aswang kaya iniwan nila ng kusa ang kanilang mga kuta. Panalo ngayon ang militar dahil walang kaabog-abog na umatras ang pwersa ng Hukbalahap.

Nung kinuwento ni Alexis sa Mama at Papa niya ang sinabi ni Teacher Letty, pinanindigan pa rin ng mga magulang niya na totoo ang mga aswang. Sabi pa ng Mama ni Alexis, nung pinagbubuntis siya nito sa probinsya, natutulog ang nanay niya na patagilid. Yakap-yakap naman ng tatay niya ang nanay niya. Mahirap kasi na matulog nang nakatihaya dahil baka kainin siya ng aswang sa loob ng tiyan ng nanay niya.

Kwento pa ni Andrea, nung baby pa si Alexis, hindi ito nakakatulog kapag nilalapag sa crib. Sa bisig lang nila nakakatulog si Alexis dahil sa oras na ilapag na siya, umiiyak na siya nang malakas. Sa takot na baka dumating ang mga aswang, nagpupunta sa silong ang kanyang LOLO RAFAEL para magsiga ng apoy. Panlaban kasi ang apoy at liwanag sa mga aswang. Naghahasa rin si Rafael ng itak para hindi makalapit ang tiktik sa kanilang bahay. At para matiyak na ligtas sila lalo na si Alexis, nagsasabit sila ng bawang at buntot ng pagi sa mga dingding at bintana. Binubudburan din nila ng asin ang paligid ng bahay. Ayon kay Andrea, ang mga bagay na ito ang nakakapaso at nakakasakit sa mga aswang.

Pinagtawanan ni Alexis ang kwento ng mga magulang niya sa kanya. Pinagalitan tuloy siya ni Mateo dahil kung hindi nila ginawa 'yun, malamang nakain na si Alexis ng aswang nung maliit pa siya.

Hindi pa natapos ang kwentong aswang ng pamilya ni Alexis dahil may personal experience rin ang kanyang tiyahin na si GLENDA. Minsan, nagkagulo sa kanilang barangay. Nawawala ang isang bata. Hinanap na kung saan-saan ang bata pero hindi ito nakita. Nagalit ang ama ng bata at sinugod ang kilalang aswang sa kanilang lugar.

"PABLING!!! PABLING!!! PANULAY KA!!!

KUNG INDI MO PAG PAGUWAON ANG BATA, PATYON TA GID KA!!!

PABLING!!!

(PABLING!!! PABLING!!! DEMONYO KA!!!

KAPAG HINDI MO NILABAS ANG BATA, PAPATAYIN KITA!!!

PABLING!!!)

Walang lumabas na bata sa bahay ni Pabling.

Naglulupasay ang tatay sa harap ng bahay dahil sa paghihinagpis at galit sa aswang.

Pero kahit anong sigaw ng ama ng bata...kahit anong lakas ng boses nito ay hindi siya hinarap ng tinuturong aswang.

Hanggang sa tuluyan nang naniwala ang ama na kinain na ni Pabling ang bata.

Dali-daling sumugod ang taong-bayan kay Pabling. May mga dala silang sulo, bawang, asin, sibat, itak, kutsilyo, gasera at kung anu-ano pa pero hindi sila nakalapit sa bahay ng aswang.

Ayon kay Tita, isang nakakatakot na ungol ng aswang ang narinig ng gabing iyon sa kanilang lugar. Sinundan pa umano ito ng napakalakas na hangin. At maya-maya pa, may lumabas na malaking asong itim sa pintuan ni Pabling. Naglalaway ang aso at nanlilisik ang mga pulang mata sa galit!

Nagsipagtakbuhan ang lahat sa takot!

May mga nadapa pa!

Maging ang ama ng bata ay tumayo ang balahibo sa takot at umalis!

Lahat ng mga tao ay kumaripas ng takbo. Lahat sila ay takot na takot na pati sila ay kainin ng aswang na si Pabling!

Kinabukasan, pagkatilaok ng manok, agad na sumugod ang mga tao kay Pabling. Kapag araw kasi ay mahina ang kapangyarihan ng mga aswang kaya reresbak ang mga tao kay Pabling. Papatayin na nila ang demonyong aswang na ito. Subalit, nang halughugin nila ang buong kubo, ni anino ng kinatatakutang aswang ay hindi na nila nakita pa.

Simula ng araw na iyon ay hindi na nila nakita pa si Pabling sa kanilang bayan.

Nang tanungin ni Alexis ang tita niya kung ano kaya ang posibleng nangyari kay Pabling at kung saan ito nagpunta, ang tanging sagot ni Glenda sa kanya ay posibleng si Pabling ang malaking asong itim na lumabas sa may pintuan ng kubo. Ang malakas na ungol na narinig nung gabing 'yun ay si Pabling din.

Kunot-noo na nagtanong si Alexis kay Glenda, "Pano po nangyari 'yun, Tita? Imposibleng maging hayop o aso ang isang tao! It's against the reality! Sa TV o kaya sa pelikula lang nangyayari ang mga ganyang transformations!"

Sagot naman ni Glenda, "It's not impossible. Aswangs or ghouls in English have the power and ability to transform themselves into another being or animals. Pwede silang maging aso, pusa, ahas, baboy o kaya ibon."

Dati, pinagtatawanan lang ni Alexis ang tungkol sa mga aswang.

Pero nagkamali pala siya ng paniniwala.

Dahil ngayon, kaharap niya ang isang aswang.

At hindi niya magawang sumigaw dahil bihag siya nito.

"Nagkamali ako! Totoo pala ang aswang!"

"Mamamatay na ko!" takot na takot na sinisigaw ng isip at puso ni Alexis.

Walang ibang magawa si Alexis kundi ang umiyak sa sobrang takot.

© nerak17.inc


BOOK 1: THE ASWANG SAGA (The story of a girl who falls in love with an aswang)Where stories live. Discover now