"A-ang alin 'don?" hindi ko rin maintindihan kung bakit ako nauutal ngayon. "Tungkol 'don sa sasabihin ko sayo kapag nanalo tayo" patuloy niya saka nagsimulang humakbang ng dalawang beses papalapit sa'kin.

Magsasalita pa sana ako para tanungin kung bakit siya lumalapit nang biglang may tumigil sa tabi namin. Gulat kaming napatingin kay Leo na ngayon ay pawis na pawis at hinihingal na parang tumakbo ng ilang kilometro papunta dito. Nakayuko siya habang nakahawak sa tuhod niya. Pilit niyang hinahabol ang kanyang paghinga.

"L-leo" iyon na lang ang nasabi ko. Hindi naman nakapagsalita si Adrian agad dahil sa biglaang pagsulpot ni Leo.

"S-sorry kung nahuli ako" hinihingal na saad ni Leo at tumayo na siya ng derecho. Nakasuot siya ng puting tshirt, blue shorts at itim na tsinelas. Nakapambahay lang siya.

"Hindi na ko mahuhuli" patuloy ni Leo sabay tingin ng derecho sa'kin. Hindi ako nakapagsalita. Bakit parang may ibang ibig sabihin ang sinabi niyang iyon?

Napatingin ako kay Adrian, gusto ko sana magpaliwanag sa kaniya na wala naman akong sinabihang iba. Hindi ko sinabi kay Leo o kay Gian na may lakad kaming dalawa ngayong araw. "Ano bang papanoorin natin?" patuloy ni Leo, nauna na siyang maglakad papunta sa cashier. Isa-isa niyang binasa ang listahan ng mga palabas na nakasulat sa gilid.

Tulala pa kami ni Adrian sa gitna habang nakatingin kay Leo. Lumingon ulit sa'min si Leo, "Ako naman ang taya" saad niya sabay turo ng comedy movie na napili niyang papanoorin namin at binayaran na niya ang ticket.

Hindi naman tumanggi si Adrian, mukhang gipit din siya ngayon kaya hinayaan niyang si Leo ang manlibre sa'min. Hindi na rin ako nakatanggi kasi parang hindi tama na hindi namin sila sinabihan ni Gian na manonood kami ng sine.

Naglakad na si Leo pabalik sa'min nang makuha na niya ang tatlong ticket. "Ako na lang sa popcorn" saad ni Adrian na parang biglang nawalan ng gana. Hindi na siya naghintay ng sagot at dere-derechong pumunta sa tindahan ng popcorn.

Napatingin ako kay Leo na parang patay malisya. Inabot na niya sa'kin ang isang ticket, "Sumakay ka ba ng jeep?" tanong ko sa kaniya, hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang maitanong kung paano niya nalaman na nandito kami ni Adrian.

Umiling siya, "Nag-bike ako" tugon niya saka ngumiti ng kaunti. Sinubukan kong ibuka ang bibig ko para magsalita pero hindi ko alam kung anong sunod kong sasabihin o itatanong kaya tinikom ko na lang ulit ang aking bibig.

Ilang sandali pa, dumating na si Adrian at nag-aya na ito pumasok sa loob ng sinehan. Nakaupo ako sa pagitan nilang dalawa, iniisip kong umupo na lang sana sa tabi ng isa sa kanila kaya lang parang hindi tama kaya umupo na lang ako sa gitna.

Naunang kumain si Leo ng popcorn, parang hindi naman siya kinakabahan o ano. Hindi niya rin tinanong kung bakit magkasama kaming dalawa ni Adrian at kung bakit kaming dalawa lang ang nag-plano na manood ng sine.

Mas hindi komportable sa pakiramdam kapag alam mong alam ng isang tao ang isang bagay pero hindi niyo magawang pag-usapan ang bagay na iyon. Dahil pareho niyong hindi alam kung paano sisimulan o kung ano ba ang dapat pag-usapan.

Nabalot ng malalakas na tawanan ang buong sinehan. Maging si Leo ay tumatawa rin ng paminsan-minsan sa mga nakakatawang pangyayari sa palabas. Samantala, kaming dalawa lang ni Adrian ang hindi tumatawa. Sinubukan ko siyang tanungin kung okay lang siya pero alam kong mas lalong magiging awkward kapag tinanong ko iyon.

Natapos ang palabas nang walang nagsasalita sa pagitan naming tatlo maliban sa ilang pagtawa ni Leo nang dahil sa palabas. Iniisip na lang siguro niya na kailangan niyang samantalahin ang palabas kasi siya ang nagbayad ng ticket naming lahat.

Leo and AriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon