"Hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa ko pero kahit magalit pa kayo ng magalit ay aalagaan ko ang bata hanggang sa pagbabalik dito ng magaling niyang ama." sabi ko.

Humalukipkip ako saka ako nagpatuloy sa mga gusto kong sabihin sa kanya.

"Maaaring galit ako kay Rafael ngunit hindi naman nangangahulugan iyon na idadamay ko na ang bata kagaya ng iniisip ninyo. Labas si Ryle sa kung anumang alitan ang namamagitan sa aming dalawa ni Rafael. Hindi ako ganoon kasama para idamay sa galit ko sa ama niya ang walang kamalay-malay na bata."

Hindi siya nakakibo ngunit mababakas pa rin sa anyo niya ang hindi pagsang-ayon sa akin.

"Sa tingin ko ay masyado na kayong nape-pressure sa mga nagyayari ngayon dito sa hacienda. Gaano katagal na po ba mula nang huli kayong dumalaw sa pamilya ninyo sa Maynila? Siguro ay dapat na magbakasyon muna kayo doon para makapagrelax kayo at maliwanagan ang isip ninyo."

Napasinghap siya at nanlalaki ang mga mata niya nang tumingin siya sa akin na para bang napakasama ng sinabi ko sa kanya.

"P-pinapaalis mo ba ako?" aniya sa histerikal na tono. "Hindi na talaga kita kilala, Ivan. Hindi na ikaw ang batang inalagaan ko noon."

"Ako pa rin ang batang iyon, Nana. Kayo ang nagbago. Mula nang dumating dito sa Hacienda Aurelia si Ralf ay nagbago na kayo sa pakikitungo ninyo sa akin." sabi ko nang hindi itinatago ang pagdaramdam sa tinig ko.

"Sa ating dalawa ay hindi ako ang nagkulang. At sa nakalipas na mga araw mula nang umuwi ako dito ay sinisikap ko na balewalain ang mga ikinikilos at inaasal ninyo sa akin. Pero sumusubra na kayo." puno ng hinanakit na patuloy ko sa sinasabi ko.

"Sinasabi ko lang ang mga opinyon ko sa kung ano ang mga nakikita ko. Si Rafael, napakabuti niyang bata pero mula pa noon ay lagi na lamang mainit ang dugo mo sa kanya."

"Kasundo niya ang lahat ng tao sa buong hacienda maging sa mga karatig-bayan. Kahit ang mga magulang mo ay nakikita ang mga mabubuting katangian niya. Kaya hindi mo kami masisisi kung bakit mas pinapaboran namin siya kaysa sayo na wala nang ibang ginawa kundi isipin ang sarili."

Hindi iyon totoo. Maaaring iyon ang ipinapakita ko dahil sa mga sinasabi at ikinikilos ko pero hindi iyon ang talagang gusto kong mangyari.

Sinisikap kong patatagin ang sarili ko dahil hindi ko mapapayagan na kagaya ng mga magulang ko ay basta na lamang ako paiikutin ni Ralf sa mga kamay niya.

Totoong mahina ako at matigas ang puso ko pero hindi ako makasarili.

"Nasasabi ninyo ang mga bagay na iyan dahil wala kayong alam sa totoong mga nangyayari."

"Ikaw ang walang alam sa totoong mga nangyayari. Kung ano man ang natanggap ni Rafael mula sa mga magulang mo ay sadyang para sa kanya ang mga iyon." pagalit na sagot niya.

"Kaya niyang pamahalaan nag buong asyenda nang hindi naisasa-alang-alang ang kapakanan ng mga trabahador. Nirerespeto siya, iginagalang at higit sa lahat ay kaya niyang pakisamahan ang lahat hindi kagaya mo na lumaking sunod ang lahat ng gusto at mas inuuna pa ang sariling mga kagustuhan kaysa sa mga bagay na mas nakabubuti para sa nakararami."

"Hindi ko man kayang gawin iyon sa ngayon ay kaya ko iyong pag-aralan. I am a fast learner. Isa o dalawang buwan lang ay makakaya ko na ring gawin ang mga trabaho dito sa hacienda."

"Hindi sapat ang panahong iyon upang mapantayan mo ang kakayahan ni Rafael sa pamamahala ng buong asyenda. Hindi ka nakapag-aral ng agrikultura at-"

"Kaya ko." matigas na sansala ko sa mga sinasabi niya. "Marahil hindi ako nag-aral ng agrikultura pero hindi ako bobo. At kung idadaan natin sa legal na proseso ang lahat ay ako pa rin ang nag-iisang legal na anak ng mga magulang ko."

Beloved Bastard (Completed) Donde viven las historias. Descúbrelo ahora