Kabanata 33

39.2K 1.7K 118
                                    

BACK

Sampal.

Iyon ang ibinungad sa akin ni Daddy nang nakita niya ako muli. Galit na galit siya nang sinugod niya ako sa kuwarto at diretsahang sinampal. Hinila siya agad ni Mommy palayo sa akin.

“Theodore, tama na!” lumuluhang sabi ni Mommy at saka iniharang ang sarili kay Daddy para hindi na siya muling makalapit sa akin.

“Huwag mo akong harangan, Loisa! Kailangan maturuan ng leksyon ang anak mong sutil!” sigaw ni Daddy at akmang tutungo sa akin nang bigla siyang niyakap ni Mommy.

Sumikip ang dibdib ko lalo na nang umiyak na si Mommy. Parang noon lang, hinayaan lang niya akong saktan ni Daddy pero ngayon…

Hinarap ko si Daddy gamit ang aking matapang na mata. “Bitiwan mo siya, Mommy. Hayaan mo siyang saktan ako ulit. Sampalin ako nang paulit-ulit.”

Umiling si Mommy sa sinabi ko at mas lalong niyakap si Daddy na ngayon ay kitang-kita na ang ugat sa leeg, siguro dahil sa panggigigil.

“Ganiyan ka naman, eh. Hindi mo ako itinuring na anak pero sa akin ka magpapatulong para masalba ang papalugi mong kompanya,” dagdag ko.

Marahas niyang itinulak si Mommy palayo sa kanya kaya napaupo si Mommy sa sahig. Marahas siyang naglakad patungo sa akin at napasinghap ako nang hinawakan niya nang mahigpit ang aking mukha. Galit na galit na ang kanyang tingin at parang ilang sandali na lang ay uusok ang tainga niya sa sobrang panggigigil.

“Ang tapang-tapang mo ngayon! Ano ang pinakain sa iyo ng putanginang Young na iyon? Tinalikuran mo kami para sa sarili ko! Wala kang utang na loob!”

“Ikaw? Wala ka man lang bang konsensya para gawin sa akin ito?” Tumulo ang luha ko kahit sobrang tapang ng tingin ko sa kanya. “Hindi mo ako anak! Kaya wala kang karapatang gawin ito sa akin!”

Inangat niya ang kanyang kamay at akmang sasampalin niya ako nang sumigaw ako.

"Sige!" Nanginig ang boses ko. "Sampalin mo ako! Kapag ginawa mo iyon, hindi ka naiiba sa mga kriminal na nasa kulungan!" sinabi ko iyon kahit takot na takot ako.

Igting na igting ang kanyang panga habang hawak pa rin ang mukha ko. Si Mommy ay biglang tumayo at niyakap si Daddy sa likuran at humagulhol.

"Huwag mo saktan ang anak ko, Theodore! Maawa ka sa anak ko..."

Binitiwan ni Daddy ang mukha ko at padabog na umalis ng kwarto. Kami na lamang dalawa ni Mommy dito. Pinunasan ko ang luha ko at suminghot. Agad na lumapit si Mommy sa akin at hinawakan ang kamay ko.

"Anak, okay ka lang ba?" Ang kanyang mata ay namamaga na. Lumuhod siya sa harapan ko habang ako ay nakaupo sa kama.

"Anak, patawarin mo ako..."

Sumikip lalo ang dibdib ko nang sinabi niya iyon.

"Marami akong pagkukulang sa 'yo..." Nanginig ang kanyang boses. "Marami akong hindi nagawa sa iyo...na nagawa ko sa iba. Simula nang mawala ka sa puder ko...doon ko na-realize ang lahat anak. Para akong sinampal ng katotohanan...na sobrang wala akong kwentang ina sa iyo." Hinawakan niya ang pisngi ko. "Hinayaan ko ang asawa ko na saktan ka...wala akong magawa..."

Kumuyom ang kamao ko. "May magagawa ka, Mommy! Meron! Marami kang puwedeng gawin! Marami kang dapat magawa pero hinayaan mo ang sarili mo na magpaalipin sa kanya! Ginawa mo ang lahat para lang ituring ka na ina ni Hailey! Pero bakit mommy? Bakit ako ang kapalit? Bakit...bakit kailangan mo pa akong pabayaan para lang maging sapat na ina sa iba?"

Sunod-sunod ang pagdaloy ng luha ni mommy at pumatak ito sa damit ko. Hindi na nakayanan ng puso ko. Ito ang mga hinanakit ko na hindi ko masabi sa kanya ng ilang taon. At siguro, ito na ang pagkakataon.

Runaway #1 The Runaway Bride (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon