Kabanata 19

43.1K 1.9K 25
                                    

FIESTA

"Happy Fiesta!"

Napangiti ako nang marinig ko ang sigaw ni Pempem sa kalangitan. Ang kanyang mga palad ay nasa kanyang magkabilang-gilid ng kanyang bibig nang isinigaw niya iyon kaya sobrang lakas.

Ngayon na pala ang pyesta ng kanilang bayan at kahit sa malayo pa ay amoy na amoy ko na ang usok na mula sa niluluto nilang pagkain. Bukod doon, dinig na dinig ko rin ang masayang halakhak ng mga tao rito.
Hindi ko lubos akalain na ganito pala ang pyesta sa probinsya, ibang-iba. Hinila ako ni Pempem palapit sa kanya.

"Sa amin ka mananghalian, ah? May handaan kami," maligayang sambit ni Pempem at niyakap ang braso ko.

Agad akong tumango at nagpahila na sa kanya patungo sa kanilang bahay. Ang kanilang bahay ay gawa sa hollow blocks at may konting kahoy. Masasabi ko na sobrang simple ng pamumuhay nila at masagana sila sa mga pananim. Hindi na nila kailangan mamili ng mga gulay lalo na't may sarili silang pananim. Pero nakikita ko naman minsan si Pempem na namimili ng gulay sa palengke.

"Ipapakilala kita kay Mama at Papa. Sigurado ako na masaya ang mga iyon kapag nakita ka lalo na't palagi kitang kinukuwento sa kanila," aniya at nilingon ako. "Na may kaibigan ako na isang Louise—Ano nga apelyido mo?"

Umawang ang labi ko at hindi nakasagot agad. Iniisip ko kung ano ang dapat kong isagot at nang maalala ko ang middle name ko ay saka ko siya binalingan at sinagot.

"Hidalgo, Louise Hidalgo," sagot ko at kinagat ang labi.

"Wow, ang ganda ng apelyido!" manghang sambit niya at halos yugyugin ako. "Kasing ganda ng may-ari!"

Uminit ang pisngi ko at hindi na lang nagsalita. Marami pa ang mas maganda sa akin, Pempem. Siguro nasabi mo iyan dahil ako lang ang nakita mo pero maraming magaganda rito.

Nang nakarating kami sa bahay nila ay una kong napansin si Carpa na nakaupo sa sahig habang ang kanyang tingin ay nasa maliit na lamesa. Nakita ko siyang naghihiwa ng sibuyas. Natigilan lang siya nang makita ako pero umirap siya at nagpatuloy sa kanyang ginagawa. Patuloy pa rin sa paghila sa akin si Pempem ngunit napansin niya ang malungkot kong reaksyon.

Bumuntonghininga siya at saka tinapik ang balikat ko. "Hayaan mo na ang kapatid ko. Kung ayaw niya sa iyo, gustong-gusto naman kita. Nireregla iyon kaya mas lalong naging masungit." Ngumiti siya sa akin at hinila patungo sa kanilang kusina.

"Ma!" tawag ni Pempem sabay kaway sa kanyang Mama na may dalang palanggana. Ngumiti ang kanyang Mama sa amin at ibinigay sa isang binata ang palangganang hawak niya bago lumapit sa amin.

"Pem, siya na ba ang kaibigan mo?" galak na tanong ng Mama niya sabay tingin sa akin. "Magandang umaga, hija!"

Hiya akong nagbaba ng tingin.  "Magandang umaga po, T-Tita."

Kinalas ni Pempem ang kanyang yakap at lumapit sa Mama niya. "Ma, siya po si Louise. Siya po ang girlfriend ni Brent!"

Naiangat ko ang tingin ko at nakita ko na nanlaki ang mata ni Tita at lumapit sa akin. Nagulat ako nang bigla niyang hinawakan ang magkabilang kamay ko sabay ngiti sa akin.

"Talaga, hija?" gulat na tanong niya. "Ikaw ang girlfriend ni Brent?"

Kinagat ko na lang nang mariin ang ibabang labi ko dahil sa kahihiyan. Hindi ko pa boyfriend si Brent kaya imbes na sagutin ang kanyang tanong ay hinawakan ko na lang ang buhok ko at nahihiyang nagbaba ng tingin ulit.

"Naku!" Lumingon-lingon siya sa paligid. "Pagpasensyahan mo na ang bahay namin, hija. Hindi siguro ito ang nakasanayan mo lalo na't lumaki ka sa marangya pero nagagalak akong makilala ang babaeng tinitibok ng puso ng binatang tumulong sa amin. Ang swerte-swerte niya sa iyo."

Runaway #1 The Runaway Bride (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon