Alas kwatro ng hapon ay tahimik na binabaybay ni Jess ang madilim at masikip na eskinita patungo sa kanilang tahanan. Kahit na nahihirapan siyang maglakad sapagkat may bitbit na dalawang paper bag ay hindi niya ito pinansin. Pati na rin ang mabigat niyang bag na nakasukbit sa likod. Halos mahigit isang kilometro ang kaniyang nilakad mula sa pamilihan ng mga damit patungo sa kanilang bahay.
Nang makita na niya ang harapan ng kanilang bahay ay hindi na niya napigilang ngumiti dahil mapapawi na rin ang kaniyang pagod at makakapagpahinga pa.
Dahan-dahan niyang binuksan ang kanilang pinto at unang bumungad sa kaniya ang kaniyang ina na kanina pa naghihintay sa kaniya.
"Saan ka galing? At bakit napakarami mong bitbit?" Tanong nito sa anak. Kaya naman agad na nilapag ni Jess ang mga paper bag na dala niya at umupo sa kanilang malambot na sofa.
"Bumili ako ng damit sa bagong bukas na botique malapit sa school namin. Mura lang dahil bagong bukas." Sagot nito habang pinupunasan ang kaniyang tumatagtak na pawis.
"Damit? Andami dami mong damit rito." Kunot noong tanong ng kaniyang ina.
"Nagyaya yung mga kaibigan ko na pumunta kami sa Ozone Disco bukas ng gabi. Nais lang namin gawin ng maaga ang selebrasyon para sa nalalapit naming pagtatapos." Sagot ng dalaga habang inilalabas at inaayos ang mga damit na pinamili nya.
Mayroong 50% discount entrance ang nasabing disco sapagkat maraming estudyante, young couples at mga professionals ang pupunta dahil malapit na ang bakasyon.
Tinignan lang siya ng kaniyang ina na para bang ayaw niyang pasamahin ang kaniyang anak sa nasabing okasyon.
"Wag ka na pumunta." Seryosong tugon nito kaya naman napatigil sa pag-aayos si Jess at tiningnan ng masama ang ina.
"Ma naman. Mabilis lang kami doon pagkatapos--" hindi na niya naituloy ang kaniyang sasabihin sapagkat tumayo ang kaniyang ina at tumungo sa kusina upang magluto ng kanilang hapunan.
Agad namang napa buntong hininga si Jess at mabilis na sinundan ang ina. Palibhasa'y iisang anak lamang ang dalaga kaya'y spoiled ito sa kaniyang magulang.
"Sige na ma please." Malambing na pangugumbinsi ni Jess sa kaniyang ina habang yakap ito mula sa likod.
Wala nang nagawa pa ang kaniyang ina kundi pumayag. Kaya naman abot tenga ang ngiti ng dalaga dahil dito.
Agad na nagtungo ang dalaga papunta sa kaniyang kwarto dala ang mga pinamili niya. Marami siyang pinamili na damit kaya marami rin siyang pagpipilian. Habang sinusuri bawat isa ang damit ay agad napukaw ang kaniyang atensyon sa isang pulang bestida na may mga bulaklakin na disenyo sa harapan.
Kinuha niya ito at agad na sinukat. Bumagay ang kulay ng bestida sakanya dahil na rin sa kaniyang maputi at makinis na balat. Hanggang tuhod niya lamang ito kaya naman napagdesisyunan na niyang ito ang kaniyang susuotin bukas para sa kanilang okasyon.
Kinabukasan ng gabi ay agad na naghanda ang dalaga sapagkat ano mang oras ay darating na ang kaniyang mga kaibigan upang siya ay sunduin.
Dahan dahang sinusuklay ni Jess ang kaniyang diretso't mahabang buhok. Naglagay rin siya ng kaunting palamuti sa kaniyang mukha upang magmukha itong kaaya-aya. Pagkatapos ay narinig na niya ang kaniyang tumatawag na ina sapagkat ang kaniyang mga kaibigan ay nandyan na upang siya ay sunduin,
"Magandang gabi po," bati ni Marco, isa sa mga kaibigan ng dalaga.
"Huwag ninyong pabayaan itong unica ija ko. Dapat bago mag alas-siyete ng umaga ay nakauwi na kayo." bilin ng ina ng dalaga. agad naman silang tumango bilang pagsang-ayon.
