Chapter 5

10.3K 351 17
                                    

Chapter 5

Tumango na lang ako sa sinabi ni Mang Apo.

“Bakit po ang anak ko ang nakakakita ng mga kakaibang bagay sa puno na ‘yun Mang Apo?” Tanong ni Inay.

“Hindi ko pa alam sa ngayon, huwag kayong mag-alala dahil aalamin ko ang mga bagay na ‘yan.” Tugon ng albulayro.

“Sige po Mang Apo, maraming salamat po.” Sabi ni Itay.

May kinuha si Mang Apo na isang bote sa kanyang bag. “Inumin mo ito Anida.” Inabot nya sa akin ang bote.

“A-ano po ‘yan Mang Apo?” Tanong ko.

“Proteksyon ‘yan laban sa mga Tamawo. Hindi ka nila malalapitan kapag ininom mo ito.” Paliwanag pa ni Mang Apo.

Tumango ang aking Inay. “Sige na anak, inumin mo na ‘yan para hindi ka nila malapitan.”

Kinuha ko ang bote kay Mang Apo. “Lahat po ba?” Tanong ko.

“Oo Anida.” Tumango si Mang Apo.

Ininom ko lahat ang laman ng bote, napangiwi ako sa sobrang pait ng lasa noon. Parang hinalukay ang aking sikmura nang mainom ko ‘yun. Namilipit ako sa sobrang sakit ng aking tiyan.

“Mang Apo, anong nangyayari sa anak namin?” Alalang tanong ni Inay. Hinagod nila ang aking likuran.

“Normal lang ‘yan Guada.” Sabi ng aking Itay.

Tumingin si Inay sa aking Itay. “Bakit alam mo ‘yan Tonyo?”

“Alam ko ‘yan dahil uminom din ng ganyan noon ang pinsan ko na si Gina.” Tugon ni Itay.

Para akong maduduwal sa sobrang sakit ng aking tiyan. Tumakbo ako patungo sa kusina at sumuka ako. Laking gulat ko nang isuka ko ang manga na kinain ko kahapon. Hindi siya natunaw sa loob ng aking tiyan at ganoon pa din ang itsura ng manga.

Kinuha ko iyon at tinapon ko kaagad sa labas para hindi makita nila Inay. Naghuhugas ako ng kamay at bibig nang dumating si Inay.

“Kamusta na ang pakiramdam mo Anida?” Nag-aalalang tanong ni Inay sa akin.

Mabilis na lumingon ako sa kanya. “Okay na po ako Inay.”

Nakita ko si Mang Apo na lumabas na ng aming bahay. May ilang mga sinasabi pa siya kay Itay na hindi ko marinig dahil nasa kusina pa ako.

“Tatandaan mo ang lahat nang sinabi namin sa’yo Anida.” Paalala pa ni Inay.

Tumango ako. “Opo Inay.”

***

Halos wala ako sa aking sarili nang pumasok ako sa school. Maaming gumugulo sa aking isipan nitong nagdaang mga araw.

Nakailang tawag na sa akin si Moneth ngunit hindi ko agad siya napansin. Tumakbo siya at inakbayan ako. Hingal na hingal siya nang makita ko siya.

“Ano ka ba naman Anida, kanina pa kita tinatawag pero hindi ka lumilingon sa akin.” Sabi nya bahang naghahabol ng hininga.

“Naku, pasensya na Moneth, marami lang akong iniisip.” Napatitig ako sa kanya ngunit ang isip ko ay tumatagos sa kanyang katawan.

“Ano naman?” Kumunot ang kanyang noo at naupo sa tabi ko na hindi iniiwas ang tingin sa akin.

“Si Dion kasi.” pagdadahilan ko.

Pinandilatan nya ako. “Anong si Dion? Anong meron sa kanya? May nangyari ba sa kanya?” Sunod-sunod na tanong niya.

“Ano kasi.” Napayuko ako.

“Ano?” Inip na tanong nya.

“Tinanong nya ako kung pwede siyang manligaw sa akin.” Dahan dahan akong tumingin sa kanya upang makita ang kanyang magiging reaksyon.

Hinampas nya ako sa balikat. “Akala ko naman kung ano na! Ano ka ba parang ‘yun lang, payagan mo na kasi.”

“Hindi ako pumayag eh.” Mabilis na tugon ko.

Nanlaki ang mga mata nya at napanganga. “Ano?! Bakit inayawan mo? Ang choosy mo best ha? Grasya na tinangihan mo pa. Ang gwapo kaya ni Dion, tapos binasted mo lang? Alam mo kung ako ikaw, sinagot ko na agad siya.” Walang prenong sabi niya sa akin sa malakas na boses habang pinandidilatan ako na tila gusto akong tirisin sa inis.

“Saka na ang mga ganyang bagay, pag-aaral ang priority ko sa ngayon.” Malumanay na sabi ko.

Umismid siya saka pinagpulupot ang braso sa kanyang dibdib.“Hay naku Anida, goodluck na lang sa’yo. Baka maging matandang dalaga ka n’yan.” Ngumuso pa siya.

“Hindi naman siguro, bata pa naman ako.” Paliwanag ko.

“Ako nga gusto ko nang magka-nobyo samantalang ikaw ayaw mo.” Inirapan pa niya ako.

“Saka, hindi kami bagay ni Dion. Kasi mayaman sila at maputi siya ako mahirap at morena.” Pagdadahilan ko pa.

“Wow ha, kulay ng balat at estado sa buhay na ba ang pamantayan sa paghahanap ng nobyo? Kailangan ba kapag morena ka moreno ang bagay sa’yo? Kapag maputi ka maputi din ang bagay sa’yo? Kapag mayaman, mayaman din ang bagay? Kapag mahirap sa mahirap din bagay? Puso ang pinapairal d’yan Anida.” Mahabang sermon nya sa akin habang nakataas ang kanyang kilay.

“Alam ko naman ‘yan, pero hindi talaga kami bagay.” Pamimilit na sabi ko.

“Ewan ko sa’yo Anida.” Inirapan na naman niya ako at umayos ng upo.

***

Nagsisimula na ang aming klase ngunit hindi pumasok si George. Naghihintay ako ng magtatanong kay Ma’am ngunit walang umimik. Nang matapos ang maghapon naming klase, sinabayan ko si Moneth sa paglalakad palabas ng campus.

“Bakit kaya hindi pumasok si George?” Tanong ko.

Tinitigan ako ni Moneth. “Don’t tell me may gusto ka sa kanya?”

Nanlaki ang mga mata ko. “Ano? Hindi ah! Nagtataka lang ako kung bakit hindi siya pumasok.”

“Baka naman naninibago pa siya dito sa lugar natin.” seryosong sabi niya.

“Siguro nga.” napatango ako.

Nagkahiwalay kami ni Moneth nang lumiko siya sa kabilang kalsada. “Bye Anida, ingat ka sa paglakad pauwi.” Niyakap at nakipag beso-beso pa siya sa akin.

“Sige, ingat ka din.” Nakangiting kinawayan ko siya palayo.

Nang dumaan ako sa short cut na dinadaanan ko, napatingin ako sa bahay nila George. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na alamin kung bakit hindi siya pumasok. Nakita ko na lang ang aking sarili na kumakatok sa malaki nilang pintuan.

Nagulat ako nang biglang bumukas ‘yun. Isang matandang babae ang bumungad sa aking harapan.

“Magandang hapon po, nand’yan po ba si George?” Bungad ko sa matandang babae.

“May sakit si George, makakaalis kana.” Masungit na sabi sa akin ng matandang babae.

“Ganoon po ba? Pakisabi na lang po sa kanya na get well soon.” Pahabol ko.

“Sige na umalis kana.” Pagtataboy sa akin ng matanda at sinara na nya agad ang malaking pinto.

Ang weird ng matanda na nagbukas ng pintuan. Hindi ko alam kung bakit parang nagagalit siya sa akin at pinagdabugan pa ako ng pintuan. Napailing na lang ako at nagpatuloy sa paglalakad upang makauwi na.

ITUTULOY...

Tamawo (Book 1 Completed)Onde histórias criam vida. Descubra agora