Chapter 1

15.3K 398 29
                                    

Tamawo

Bata pa lamang ako nang may mabasa ako tungkol sa mga tamawo. Ang sabi ng mga matatanda sa aming lugar nakatira daw sila sa isang malaking puno. Kumukuha daw sila ng mapapangasawa na tao at sinasama nila sa kanilang mundo.

Walong taon pa lang ako nang mabalitaan ko ang isang kapit bahay namin na kinapitan ng kakaibang sakit. Ang sabi ng albularyo, nagustuhan daw siya ng isang Tamawo. Hindi ko pa lubos maisip ang mga pangyayaring iyon kaya binale-wala ko na lang.

Hanggang isang araw namatay si Nena, ang dalagang kapit bahay namin na sinabing nagustuhan ng isang Tamawo. Hindi matanggap ng kanyang mga magulang ang pagkamatay ng kanilang napakagandang anak na dalaga. Sa sobrang galit ng ama ni Nena, pinutol nila ang puno nang manga na pinaniniwalaang pinamamahayan ng Tamawo.

Makalipas ang ilang araw tinubuan ng kakaibang butlig-butlig sa katawan ang ama ni Nena. Gulat na gulat ang albularyo nang malaman niya na pinutol ng ama ni Nena ang puno ng manga.

“Bakit mo pinutol ang puno?” Nanlalaki ang matang sabi ng Albularyong si Mang Apo.

“Kinuha nya ang anak ko kaya dapat mawala na ang tirahan nya!” Bulyaw ni Mang Ipeng ang ama ni Nena.

“Sinabihan ko na kayo na huwag nyong gagambalain o sisirain ang kanilang tahanan dahil merong masamang mangyayari sa inyo. Sila ang may pakana ng mga kakaibang butlig sa katawan mo Ipeng.” Paalala ng albularyo.

Napahawak sa kanyang dibdib si Mang Ipeng.
“Hindi ako makahinga, tulungan mo ako Mang Apo.”

Sinubukang gamutin ng albularyo si Mang Ipeng ngunit hindi na siya gumaling at tuluyan nang namatay. Nagkagulo na naman sa tahanan nila Nena nang mamatay naman ang kanyang ama. Hindi na kinaya ng kanyang ina na si Aleng Minda ang mga pangyayari kaya nilisan na nila kasama ang isa pang anak nya na lalaki ang aming lugar.

***

Kitang kita ko ang pagmamadaling umalis nila Aleng Minda sa kanilang tahanan. Nanlaki ang aking mga mata nang masaksihan ko ang muling pag-usbong ng mga sanga at dahon ng puno na pinutol ni Mang Ipeng.

Napatalon ako nang may kumalabit sa aking likuran.

“Anida, ano pa ang ginagawa mo d’yan anak? Gabi na bakit hindi ka pa natutulog?”

Napahawak ako sa aking dibdib. “Kayo lang pala Inay.”

“Oh? Bakit namumutla ka? Anong nangyari sa’yo? Meron kabang sakit?” Hinawakan nya ang aking noo.

“Nakita ko po ang puno nang manga na muling tumubo at bumalik sa dating anyo.” Tinuro ko ang lugar na kinarooonan ng puno.

Nagulat ako nang agad na hinablot ng aking ina ang aking kamay. “Naku, anak huwag mong ituro ang puno na iyon. Kagatin mo agad ‘yang daliri mo dali.”

Tarantang kinagat ko agad ang daliri na pinangturo ko sa puno. “Bakit po biglang tumubo ulit ang puno Inay?” Tanong ko.

“Huwag na huwag kang lalapit sa puno na iyon Anida. Tamawo ang nakatira sa puno na iyon at ayaw ko na pati ikaw ay kunin nila.”

“Sinong Tamawo Inay?” Takang tanong ko.

“Elemento sila na hindi pangkaraniwan anak. Kaya nilang magkatawang tao na katulad natin kaya mag-iingat ka. Huwag kang lalapit at makikipag usap sa mga taong hindi mo kalilala.” Paalala ni Inay.

“Pero, ano po ba sila? Bakit sa puno sila nakatira?” Muling tanong ko.

“Para silang engkanto anak, hindi mo pa maiintindihan ngayon dahil bata kapa.” Ginulo niya ang aking buhok.

Tamawo (Book 1 Completed)Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz