Plano niyang mag-part-time bilang interior designer kapag maayos na ang schedule niya. Marami naman siyang kilalang modelo na maari siyang irekomenda sa malalaking kompanya.

Nadatnan ni Coleen si Talia na siyang kasama ng nanay niya sa kuwartong inukupa ng mga ito sa ospital. Napanatag siya nang matiyak na hindi na muling na-stoke ang kanyang ina. Hindi na nakakapagsalita ang nanay niya at hindi na rin nakakalakad. Mabuti na lang matiyaga sa pag-aalaga rito ang biyuda nitong kapatid na babae. Sinusuwelduhan na lang niya ito kada buwan.

Kinabukasan ng umaga ay nag-report si Coleen sa Calla office para signing of contract na mula sa fashion company. Nagmamadali siya dahil ilalabas na sa ospital ang nanay niya. Magwi-withdraw pa siya ng pera sa bangko para pambayad sa hospital bill.

Halos tatlong oras lang ang naitulog niya sa ospital kaya namamaga ang eye bags niya. Sa kamamadali niya ay hindi na niya inayos ang makeup niya. Manipis lang ang pulang lipstick na ipinahid niya sa labi at foundation lang ang inilagay niya sa mukha. Wala nang blush-on. Wala na ring mascara. Ang ga-baywang niyang aalon-alon na buhok ay inisang tali niya na mataas. Puting plane blouse lang ang isinuot niya at itim na fitted jeans. Lalo siyang tumangkad sa suot niyang three inches black shoes. Limang talampakan at pitong pulgada ang tangkad niya. Dahil sa takong ng sapatos niya ay mas matangkad pa siya sa ibang male models.

Maraming tao sa pasilyo papasok ng office at halos lahat ay napapatingin sa kanya. Ang iba'y sinusuyod siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Nakalagpas na siya sa nag-uumpukang tao pero panay pa rin ang lingon niya sa mga ito. Nagbubulungan ang iba. Bigla siyang napahinto nang bumalya siya sa matigas na katawan.

Pagtingin niya sa kanyang harapan ay namataan niya ang lalaking namumulot ng nagkalat na papapeles na siyang dala nito. Akmang tutulungan niya ito ngunit mabilis itong natapos at kaagad siyang hinarap.

"S-Sorry, hindi ko sinasadya," balisang sabi niya.

Saka lamang niya napansin ang mukha ng matangkad na lalaki. Mas matangkad ito ng isang pulgada sa kanya. Kung hindi siya nakasuot ng three inches shoes ay apat na pulgada ang lamang ng taas nito. Pamilyar sa kanya ang mukha nito. Hindi siya sigurado kung model din ito pero nasa katawan nito, mukha at postora ang pagiging modelo.

Nagtataka siya bakit panay ang sulyap nito sa gawi ng puson niya. Naka-tack in ang blouse niya nang maayos. Hindi naman labas ang pusod niya.

"Nakabukas ang zipper mo," bigla'y sabi sa kanya ng lalaki.

Awtomatikong tiningnan niya ang zipper ng pants niya. Nakabukas nga.

"O my God! Sorry!" natatarantang sabi niya saka tumalikod sa lalaki at itinaas ang zipper niya.

Pakiramdam ni Coleen ay kumapal nang husto ang mukha niya. Sa dami ng taong nakakita sa kanya sa daan ay walang ni isang naglakas-loob na sabihing nakabukas ang zipper niya. Nakakahiya. Itong guwapong nilalang pang nabunggo niya ang nakapuna.

"That's okay. Wala naman akong nakita. Huwag kang mag-alala, safe ang eksenang ito sa social media," wika ng lalaki.

Hinarap niya ito nang magkaroon siya ng lakas ng loob. "Thanks. Uh, model ka rin ba rito?" tanong niya rito pagkuwan.

"Sabi ko na nga ba, nakalimutan mo na ako," kaswal na sabi nito.

"Oh, talaga? Sorry, hindi kita matandaan. Pero pamilyar sa akin ang mukha mo," aniya.

"Of course, I'm your first kiss."

"First kiss?" Nawindang siya.

"Ah, don't mind it. Huwag mo na lang alalahanin. Mukhang nagmamadali ka. Maiwan na kita," sabi nito saka siya nilagpasan.

Obsession 2, Claiming Her (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon