"Ate..." Naramdaman ko ang paghawak ni Cassidy sa mga balikat ko.

"Mahal..."

Ngumiti ako nang mapait. "Tara na, uwi ka na."

Tila gulat pa rin siya sa mga nangyayari. Tumalikod na ako at naunang lumabas. Kahit pa hindi ko na makita ang dinaraanan ko dahil sa labo ng mata ko ay pinilit ko pa rin ang sarili kong maglakad. Kahit pa rin hindi na ako maka-hakbang at parang gusto ko nang bumagsak dahil sa sama ng loob ay hindi ko ginawa.

Ang gusto ko munang gawin ngayon ay ang mai-alis si Arden rito at ilayo sa mga kaibigan niya.

"Sige, Ate. Nandoon Kuya ko sa loob. Ako na bahala dito."

Ngumiti si Cassidy kaya ginantihan ko din siya ng isang pilit na ngiti.

"Salamat."

"Don't worry, Ate, pagsasabihan ko na lang sina Shaigne."

Tumango ako. Nang makapasok siya ay napatungo ako habang dahan-dahang pinupunasan ang mukha ko.

Grabe. Talagang nag-sinungaling pa siya sa akin? Hindi man lang ba sila nakokonsensya? Iyon na, e, naghahalikan na silang dalawa tapos sasabihin niya biglang may girlfriend siya? Hindi niya ba naisip 'yon n'ong una? Isa pa, nandoon naman pala ang Kuya ni Cassidy, at kilala ako n'on. Alam niyang may girlfriend na iyong tao pero tinolerate niya pa rin. Ang sakit lang.

Hindi ako makapaniwala, e. Hindi ako makapaniwalang nagawa niya sa akin 'to. Nagsinungaling siya. Hindi niya man lang ba ako inisip? Hindi niya man lang ba naisip ang nararamdaman ko? Akala ko ba iba siya? Pareho lang pala siya sa kanila. Pare-pareho lang sila.

"Mahal..."

May yumakap sa akin sa likod. Kahit gusto kong manlamig sa kaniya ay hindi ko ginawa.

Alam kong mali 'yong ginawa niya pero... mahal ko siya.

"Uwi na tayo."

Ngumiti ako nang mapait at hinila na siya papunta sa kotse. Nang marating namin ang unit niya ay tinulungan ko siyang makaupo sa couch.

Kahit galit ako sa kaniya, ayaw ko pa ring iwan siya. Kahit pinabayaan niya ako para sa iba, hindi ko siya pababayaan nang mag-isa. Mahal ko si Arden. Ayaw kong iwan siya kahit pa hindi niya naisip n'ong una na may girlfriend siya.

Ganito pala talaga sa pag-ibig, nakatatanga. Tanga na kung tanga pero hahayaan ko na lang. Wala naman akong magagawa, e. Nangyari na.

Ayaw ko siyang pakawalan at hiwalayan dahil lang doon. Ayaw kong isipin n'ong babaeng iyon ay nanalo na siya dahil hindi. Hinding-hindi siya mananalo sa akin dahil hindi ako nagpapatalo. Ayaw kong natatalo ako.

Kaya hangga't kaya kong unawain, gagawin ko.

"Kumain ka na?" tanong ko sa kaniya.

Umiling siya at tumungo naman ako sa kusina. Habang nagluluto ay hindi ko mapigilang mapaluha. Doon ako umiyak para hindi niya ako makita. Ayaw ko kasing makita niya ako na nagkakaganito nang dahil sa kaniya. Hindi ko alam. Alam ko namang kailangan niyang maramdaman na nasasaktan ako dahil mali ang ginawa niya pero ewan ko na.

Hindi ko na alam. Wala na akong alam. Masyadong punong-puno ng kung ano-ano ang isip ko kaya hindi ako makapag-isip nang maayos.

Pero, hindi ko pa rin mapigilang mapatanong sa isip ko. Bakit gan'on? Binigay ko naman lahat e. Pati nga sarili ko ay ibinigay ko na sa kaniya tapos maghahanap pa siya ng iba?

Nang mailagay ko sa plato 'yong pagkain niya ay dinala ko na ito sa kaniya.

"Kumain ka na."

Wala siyang makikitang emosyon nang sabihin ko iyon. Inilagay ko ang pagkain niya sa harap niya. Nakatulala lang siya kaya medyo nagulat ako nang bigla siyang tumayo at hilain ako. Siniil niya ako ng halik kaya naman mabilis ko siyang itinulak. Galit niya akong hinarap.

When The Right Time Comes (BF Series #1)Where stories live. Discover now