"Kumusta si Anthony, Nana Inez? Totoo ba iyong isinulat ninyo sa akin?"

Tumango ang matanda kasabay ng kislap ng mga mata. Naupo sa tabi ng lalaki.

"Totoo, Angelo. Mag-aasawa na ang kapatid mo. Katunayan ay magkasama sila ngayon ni Wilna upang mag-fit ng damit-pangkasal."

Kumulimlim ang mukha ni Angelo. "Sino ang mapapangasawang ito ng kapatid ko, Nana?"

"Si Wilna. Wilna Martin. Hindi ba at ang isa sa mga stockholder ng Avila Motors na si Mr. Dizon ay may sariling kompanya?" Tumango si Angelo. "Sekretarya nito si Wilna."

"Anong uring babae at pamilya mayroon ang babaeng ito, Nana?"

"Magugustuhan mo ang hihipagin mo, Angelo. Dalawang beses na siyang dinala rito ni Anthony. Mabait at disente. Pinong kumilos at magsalita. At marahil, sa pagkakataong ito ay tama ang pagpapasya ni Anthony," puno ng pag-asam ang tinig ng matandang babae.

"Kung ganoon ay inaamin ninyong walang tamang ginawa ang isang alaga ninyong 'yon. Paano ako nakatitiyak na tamang babae ang ipapanhik niya sa bahay na ito?" Hindi nagbago ang ekspresyon ng mukha ng lalaki.

"Bigyan mo ng pagkakataon ang kapatid mo, Angelo," may bahid ng pakiusap ang tinig ni Nana Inez. Hindi nais ng matanda na magtalo ang magkapatid. Magmula lang nang mamatay ang mga magulang ng dalawa, at malaman ni Anthony na nakaipit ang mana nito kay Angelo, naging problema ang bunsong alaga.

"Hindi ba at ang dahilan kaya ako nagpunta ng Amerika ay upang bigyan siya ng pagkakataon? Upang balikatin niya ang responsibilidad ng kompanya? Pero ano ang nangyari? Sa una lang siya maayos. Balik sa dati ang gawi makalipas ang ilang buwan."

"Nagtatampo lang ang kapatid mo, Angelo. Hindi niya inaasahang sa iyo nakasalalay ang mamanahin niya."

"Then let him prove himself, Nana! May isa pa namang provision sa testamento maliban sa pag-aasawa. Iyon ay kung sa palagay ko ay nararapat nang ipagkaloob sa kanya ang share niya. At sa nakikita natin ay tiyak na mauuwi lang sa wala ang pinaghirapan ng mga magulang namin."

"Hindi naman marahil, anak. Kilala ko ang kapatid mo. Tulad din ng pagkakakilala ko sa iyo. Magulo, masayahin, lakwatsero, Sabihin mo na kung ano-ano pa ang hindi magandang katangian ng kapatid mo. Pero hindi kabilang doon ang kawalan ng malasakit."

"So, nagtatampo siya dahil ako ang administrador ng mga ari-ariang naiwan ng mama at papa. Puwes mali ang paraan niya, Nana. At marahil ay may dahilan ang mga magulang namin sa desisyon nila."

Hindi sumagot si Nana Inez. Wala itong itinatangi sa magkapatid. Parehong mahal ng matanda ang dalawa.

"Anong uring oportunista ang nakatagpong ito ni Anthony, Nana Inez?" Hindi makakaila sa tinig ng binata ang galit. "Baka sa halip na isa ay dalawa ang kakarguhin ko."

"Hindi oportunista si Wilna, Angelo. Ito ba namang tanda kong ito ay hindi ko makikilala ang ganoong uri ng tao?"

Sarkastikong tumawa ang binata. "Mukhang dalawa na ang inaabogaduhan ninyo sa akin, a."

Huminga nang malalim ang matanda. "Ulilang lubos na si Wilna, hijo. Naulila sa ama sa edad na sampu. Ang ina niya ay namatay makalipas naman ang pitong taon. Nasa ikalawang taon sa kolehiyo si Wilna at ang nagpatuloy sa pagpapaaral ay isang biyudang tiyahin. Kapatid ng ama niya. May anak ang tiyahing ito sa Amerika at kamakailan lang ay naaprubahan ang petisyon ng anak na nasa Amerika. Solong katawan ang dalaga ngayon sa gulang na beinte dos."

Hindi sumagot si Angelo. Sa halip ay tumayo at tinungo ang bar. Kumuha ng alak at nagsalin sa kopita. Naupo sa stool at uminom. Nilapitan siya ni Nana Inez at banayad na hinawakan sa balikat.

"Hindi lahat ng babae ay tulad ni Lucille, hijo."

Hindi sumagot ang binata. Sa halip ay ini-straight ang laman ng kopita. Si Lucille! Ang walang kuwentang babaeng iyon. Bakit kailangang ipaalala ito sa kanya?

Hindi niya balak na magtagal sa Amerika. Mga ilang buwan lang ay uuwi na siya at balak niyang pasunurin si Lucille doon. Nais lamang niyang bigyan ng pagkakataon si Angelo na pamahalaan ang kanilang negosyo.

Subalit tinanggap niya ang tawag ng kapatid na nagbabalitang ipinagpalit siya ni Lucille kay Marlon. Isa niyang kaibigan at kababata at higit na masalapi. Isang bagong-bagong kotse raw ang ipinagkaloob ni Marlon sa babae.

Hindi niya gustong maniwala subalit nang makausap niya sa overseas call si Lucille ay inamin ng babae ang balita. Humingi ito ng tawad sa kanya. At iyon ang dahilan upang tumagal pa siya nang maraming buwan sa Amerika.

Naputol ang pag-iisip ng binata sa pagtunog ng telepono. Sinagot ito ni Nana Inez.

"Hello? Opo... ito nga po. Police?" Napasulyap kay Angelo ang matanda. "A-ano ho? Sa-saan? Opo... salamat po," gumagaralgal ang tinig nito. At sa nanginginig na mga kamay ay ibinaba ang telepono.

"Nasabit ba ang kapatid ko, Nana Inez?" patuyang tanong ni Angelo. "Kung nagkaproblema sa mga pulis si Anthony ay labis-labis na ito," pagalit niyang dagdag.

"H-hindi!" Pahisteryang umiling ang matandang babae. "Naaksidente ang kapatid mo, Angelo! Sila ni Wilna!"

Ikaw, Ikaw Ang Iniibig Ko (COMPLETED)Where stories live. Discover now