Kabanata 13

285 18 10
                                    

Kabanata 13

MALAYO ANG TINGIN ni Esang habang nagpupunas siya ng mga flower vase sa salas ng mansyon. Hindi na niya napansin si Dreamo na kanina pa nakatingin sa kanya nang palihim. Iniisip niya kung kumusta na ang dalawang kapatid at ang Lola Sarah. Pati na rin ang kaso ng kanyang ina na si Aling Salvi. Kung kumusta na rin si Haven na ginugugol ang oras para sa pagresulba ng kaso ng kanyang ina.

Halos mag-iisang buwan na rin siyang nagtatrabaho sa mansyon, at halos memorya na niya kung anong oras umuuwi ang dalawang mag-asawa galing trabaho. Maging ang anak ng mga ito na si Dreamo ay alam na rin niya kung anong oras umuuwi galing paaralan.

Napatingin siya sa orasan na nakasabit sa may dingding. Alas sinco na ng hapon, mayamaya nito'y darating na si Dreamo. Mamaya pang ala sais o alas siyete umuuwi ang mag-asawa. Iniisip niya kung paano siya magpalaam mamaya sa dalawang mag-asawang Del Grudo. . . tatanungin niya lang ang permisyon ng dalawa kung papayagan siya ng mga itong bumisita sa kanila. Pero kung hindi ay malugod niyang taganggapin at handa siyang magtiis.

Sobrang nauulila na siya sa dalawang kapatid at Lola Sarah niya. Idagdag pa ang palagi niyang iniisip si Haven, hindi siya mapakali para sa trabaho nito.

“Esang. . .”

Bigla siyang nagitla nang marinig niya ang pagtawag sa kanya ni Dreamo mula sa kanyang likuran. Nilingon niya ito at napakunot noo. Kanina pa ba ito sa kanyang likuran? Bakit hindi niya man lamang ito napansin kanina pa? Talaga ngang malalim ang iniisip niya?

“Sir! Kanina pa po ba kayo diyan?” agad niyang tanong dito.

Umiling ito saka pumamulsa.

“Hindi naman. Mukhang ang lalim ng iniisip mo. Hindi mo man lang napansin ang pagdating ko. Ano ba ang iniisip mo?” seryoso nitong tanong sa kanya.

Nilagay niya muna ang flower vase sa pinagkunan niya at saka hinarap nang maayos ang binatang amo.

“Naisip ko lang pamilya ko, Sir. Mag-iisang buwan ko na kasi silang hindi nakikita. Nag-aalala lang ako sa kanila.”

“Paniguradong nag-aalala rin sila sa iyo. Hayaan mo bukas kapag magkaroon ako ng oras at maaga ang uwian sa klase ay sasamahan kitang bumisita sa inyo.”

Agad na ginapangan ng saya ang puso ni Esang pagkarinig sa sinabi ni Dreamo. Pero agad naman iyong nawala nang marinig niya ang kasunod na sinabi nito.

“Pero bago ’yon, samahan mo muna ako mamaya sa pupuntahan kong birthday ng kaklase ko.”

Kumunot ang kanyang noo. Ano ang gagawin niya sa birthday ng kaklase nito? Maghuhugas ba siya roon ng mga plato? Tutulong sa gawain at preperasyon ng paghahanda sa okasyon?

“A-ano po ang gagawin ko roon, Sir?” tanong niya pa rin kahit alam na niya ang gagawin doon.

Gusto sana niyang ipugpog sa ulo ang hawak-hawak niyang flower vase para magising sa katotohanan, ngunit hindi niya ginawa, dahil sigurado namang siya ang dehado.

“Sasamahan mo lang ako roon. Huwag ka lang umalis sa tabi ko,” sabi nito. “Bilisan mo diyan, dalawang oras na lamang at pupunta na tayo roon, ayusin mo ang sarili mo.”

Pagkasabi nito niyon ay tumalikod na ito sa kanya at dinampot na ng lalaki ang itim na bag sa ibabaw ng upuan at tuloy-tuloy na umakyat sa itaas. Siya naman ay naiwang nakasunod ang tingin sa likuran nito. Napahinga na lamang siya nang malalim sabay balik ulit ng atensyon niya sa paglilinis ng mga pigurin at flower vase.

Hindi niya na lamang pinagtuunan ng pansin ang sinabi ng kanyang boss Dreamo. . . baka mamaya ay hindi matuloy o kaya ay jino-joke time lang pala siya nito. Mahirap na ang umasa sa wala.

. . .

PAGPATAK ng ala sais ay bumaba ng silid si Dreamo na naka-polo at itim na slack lamang tenernuhan pa ng isang formal black shoes. Kahit na ganoong simple lamang ang suot nito ay hindi masasabing wala siyang kinalakihang yaman.

Kasalukuyang naghahanda na ng hapunan si Esang. Sa hinuha ni Dreamo ay dumating na ang mga magulang niya. At tama nga siya nang makita niya sa hapagkainan ang dalawa na nagsisimula nang kumain.

Tinawag agad siya ng mga ito nang makita siya. Napabuga siya nang malakas na hangin. Wala na siyang magagawa pa kundi ang sumabay na sa pagkain ng mga ito. Natingin siya kay Esang nang maghain ito ng isang putahe ng pagkain sa mesa. Nagtama ang kanilang paningin at ganoon na lamang ang pag-iwas niya ng tingin. Hanggang ngayon ay nakokonsensya pa rin siya rito. Sana man lamang sa kahit kaunting bagay ay makabawi siya sa babae.

Ilang katanungan lamang ang ibinato sa kanya ni Madam Chelsea at ni Don Herbert. Tungkol lang din sa paaralan at kung ano ang nangyari sa kanya buong maghapon. Mabuti na iyon, kaysa namang iparamdam ng mga ito na hindi na siya anak dahil sa sobrang abala ng mga ito sa trabaho. Akala niya ay nakalimutan na siya, natutuwa siyang hindi pala.

Nang matapos nang kumain ang dalawang mag-asawa ay agad na umakyat ang mga ito sa itaas ng silid. Lingid sa kaalamaan na may balak na dadalhin ni Dreamo si Esang sa kaarawan ng kaibigan. Saka na lamang siya gagawa ng dahilan kung ano ang gagawing palusot sa mga ito.

. . .

NASA KUWARTO na sila Madam Chelsea at Don Herbert. Kasalukuyang hinuhubad na ng Don ang kanyang itim na polo, at si Madam Chelsea naman ay hinuhubad na ang sapatos.

“Hindi na natin ito pwedeng patagalin, Herbert. Tayo ang malilintikan kay boss kapag pinatagal pa natin ito,” biglang wika ni Madam Chelsea habang patuloy sa paghubad nito ng sapatos.

“Nasa plano ang lahat, mahal. Hindi natin pwedeng madaliin. Kapag minadali natin ang lahat ay baka mabulilyaso tayo at maaring iyon pa ang magiging dahilan nang ikagagalit ni boss.” Tumigil sa pagsasalita si Don Herbert sabay upo nito sa gilid ng kama. “Kailangan muna nating kunin ang loob ng babaeng 'yon. Pagkatapos ay gagawin na natin ang matagal na nating plano.”

Lumapit sa kanya si Madam Chelsea at niyakap ang esposo sa leeg. “Naniniwala ako sa iyo, mahal. Sadyang kinakabahan lang ako sa maaring kahihinatnan ng problemang 'to. Lalo pa ngayon na mainit ang mga mata ng batas sa atin.”

Niyakap naman ng Don ang asawa. “Hindi nila tayo mahuhuli, mahal. Magtiwala ka.”

“Naniniwala ako sa iyo,” malambing na litanya ng Donya. “Ngunit kailangan muna nating unahan ang mga pulis na humahadlang sa plano natin, Herbert.”

“Huwag kang mag-alala, Chelsea. Si boss na ang bahala roon, basta gawin natin kung ano ang iniutos sa atin.”

Lingid sa kanilang kaalamang dalawa na kanina pa nakasilip at nakikinig sa kanilang pag-uusap si Dreamo. Mas lumakas pa ang loob niyang itama ang lahat ng pagkakamali ng dalawang magulang. Hindi niya hahayaang magtagumpay ang plano ng mga ito. Kilangan niyang iligtas mula sa kapahamakan ang taong madadamay.

Humakbang siya patalikod at mabilis na pumunta sa kanyang silid para mag-isip kung anong plano ang kanyang gagawin. Pero bago muna iyon ay kailangan niya pang puntahan si Esang para sa pupuntahan nilang birthday party.

Muntik na niyang makalimutan.

. . .

#ABSK

Ate Sari, <3

Descendant of a RoseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon