Strongest Powerless
By TaongSorbetes
*****
Chapter 1: 14 Years Ago
MAY kadiliman ang gabing iyon at tila iba sa pangkaraniwan. Ang bilog na buwan sa kalangitan ay bahagya lamang na sumisilip sa likod ng makapal at itim na mga ulap.
Kung titingnan ay tila hindi ito normal sapagkat wala namang anunsyo na magiging maulap ang gabing iyon.
Pero para sa iba, isang normal na gabi lang ito kung saan ang karamihan ay mahimbing nang natutulog. Mas lalo ngang mas tahimik ang gabi para sa mga lugar na malayo sa mga nag-uunlarang lungsod at bayan. Sa mga liblib na pamayanan na bihirang mapuntahan.
"S-sino k-kayo!?"
Ito ang tanong ng isang lalaki nang biglang may kung sino'ng sumira sa dingding ng kanyang maliit na bahay. Hindi rin naman katibayan ang tirahan nitong gawa lamang sa kawayan at mga dahong pinagtagpi-tagpi't pinagdikit.
Ang tanong na iyon ay hindi wari niya dapat pang itinanong, sapagkat batid na rin niya kung sino ang mga ito.
Dis-oras na nga ng gabi iyon at wala talagang makakapansin sa mga posibleng mangyari lalo na sa lugar nila kung saan ay magkakalayo ang mga bahay.
Makikita nga ang magkahalong itim at pulang liwanag na bumabalot sa may kalakihang tao na bumulaga sa kanyang harapan. Hindi ito isang normal na tao dahil nababalot ng itim na baluti ang katawan nito at may dalawang mahabang sungay ang makikita sa ulo nito.
Lumiliwanag ang pulang mata nito at nakaramdam ng pangingilabot ang lalaki dahilan upang mapaatras siya.
"Nasaan ang sanggol?"
Ito ang mga salitang lumabas sa bibig ng nilalang na iyon. Kasunod noon ay ang pagdaloy sa paligid ng nakakapangilabot na pakiramdam.
"Pasukin ninyo ang bahay!" dagdag pang winika nito at mula sa likuran ng nilalang na iyon ay nagsipasok ang mga alagad nitong nababalot din ng itim at pulang aura ang katawan. Walang pag-aalinlangang hinalughog ng mga ito ang loob ng bahay.
"Panginoon! Walang sanggol sa loob ng bahay na ito!" sigaw ng isa sa mga pumasok na alagad nitong humahangos na pumunta sa pinuno nito.
Napatingin naman ang malakas na nilalang sa lalaking may-ari ng bahay na nasa harapan pa rin nito. Kasunod noon ay kumawala ang isang mabilis at hindi maipaliwanag na enerhiya mula sa katawan nito at sa isang kisap ng mata ay hawak na nito ang leeg ng lalaking iyon.
"Saan mo dinala ang sanggol!? Nasaan ang sanggol!? Sabihin mo!"
Makikitang may galit at inis ang tanong ng nilalang na iyon sa lalaki.
Sa hindi naman inaasahang pagkakataon, biglang ngumisi ang lalaking hawak ng malakas na nilalang na iyon. May pulang liwanag nga ang bumalot sa katawan nito at ang kanyang aura ay lumabas sa sitwasyong iyon.
"De...mon Lord? Pa...nginoon ng Kadiliman?"
Seryosong pinagmasdan ng lalaki ang nakakatakot na nilalang na iyon.
"N-natatakot ka b-bang lumaki ang anak ko!? A-ang natatangi at sinasabing kikitil sa buhay mo?"
Napaubo pa nga ang lalaki nang higpitan ng Demon Lord ang pagkakahawak sa leeg nito.
"A-ang anak ko ang magiging pinakamalakas sa buong mundo at darating ang araw na papatayin ka nito... S-siya ang puputol sa sungay mo..."
Ngumisi pa ang lalaki matapos niyang sabihin iyon at dahil naman sa inis ng Demon Lord na may hawak rito ay kumawala nga ang walang katumbas na kapangyarihan nito.
YOU ARE READING
Strongest Powerless BOOK 1 - COMPLETED
FantasySa mundong ang pagtataglay ng malakas na aura ay ang nagsasabi ng lakas, isang walang aura at walang kapangyarihang nilalang ang magiging pinakamalakas sa lahat. NASA Yugto/Dreame App ang next chapters... Mayroon din sa Youtube Channel: Taong Sorbet...
