“Just to remind you, you signed a contract. Kakalimutan mo na siya. Kakalimutan mo na lahat ng ito.”

“Oo… Sige…” Malungkot na tumango si Mama. “Pasensiya na… Hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko. Hindi siya mahirap mahalin at—”

“We’re done here. You may now go back to your real family.” Pagkatapos ay tumalikod na ang mga lalaking nakabusiness suit.

Bago umalis ang isa sa mga lalaki, ang pinakamatanda sa mga ito, binalikan muna nito si Mama at may kung anong ginawa rito. Parang may kung anong spell ang nacast sa babae kaya natulala ito. Ilang minuto itong wala sa sarili at nang matauhan ay nagpanic.

“Teka? Ano bang ginagawa ko rito?! Ano bang lugar ito?! Parang hindi ito Lifehomes, ah? Bakit ba ako napadpad dito?!”

Hindi ko namalayang pumapatak na pala ang luha mula sa aking mga mata. Kung hindi pa hinawakan ni Trois ang kamay ko ay hindi ko pa maaalala na kasama ko siya.

“Ria, are you okay?”

“Yes.” Nagpunas ako ng luha at bumaba ng kotse.

“Ria, saan ka pupunta?!”

Hindi ko na siya pinakinggan. Nilapitan ko si Mama. Sakto na nakaalis na ang kulay itim na van na sinasakyan ng mga lalaking kausap nito kanina.

Huminto ako dalawang dangkal na layo mula kay Mama. Nakatitig ako sa kanya habang siya ay nagtataka habang nakatingin din sa akin.

Gusto kong maluha ngunit pinipigilan ko ang aking sarili. Nakatitig lang ako sa kanya ay pinagsasawa ang paningin sa anyo ng babaeng naging parte ng buhay ko.

“Hija, sino ka ba? Bat ganyan ka makatingin?” tanong niya sa akin.

“Sorry po.” Nginitian ko siya. “Napansin ko po kasi na parang naliligaw kayo…”

“Ah, oo nga e.” Napakamot siya ng batok. “Do you know where’s this place ba, ha? Hindi ko alam kung paano ako napadpad dito, hija..”

“Nasa Greenland Subdivision po kayo. Cainta po.”

Namilog ang mga mata ng babae. “Cainta?! Paano ako napadpad dito?! Taga Lifehomes, Pasig ako e!”

Pigil-pigil ko ang aking sarili nang sagutin ko siya. “Hindi ko po alam e. Ano po bang pangalan niyo?”

“Eleonor.”

“Hindi po ba Nenita Santiago?”

“Naku, hindi! Sinong Nenita? Eleonor Caridad ang pangalan ko, hija. Taga Pechay St. ako sa Lifehomes, Pasig. Hay, ewan bat ba ako napadpad dito.”

Tumunog ang cell phone nito. Sinagot nito ang tawag habang ako ay naluluha na habang nakatingin.

“Hello, honey?” Tumingin ito sa akin. “Hija, saglit lang, ha? Natawag ang asawa ko.” Tumalikod ito sa akin at bahagyang lumayo.

Honey? So ito pala ang honey na palagi niyang kausap noon… Asawa niya pala ito…

“Ano, honey? Aba, wala ako sa galaan, 'noh! Ano bang sinasabi mong nagshopping at nagtravel na naman ako with my friends? Huy, wala akong perang pangganon, ano! Ano? Anong mapera ako at ako pa ang nanlilibre sa kanila? Sira ulo ka ba? Saan naman ako kukuha ng pera?! Saka kita mong baon tayo sa utang at may sakit pa si bunso—ha? Anong marami tayong pera? Hala gago 'to!”

Hindi ko na napigilan ang pagpatak ng mga luha habang pinapakinggan ang mga sinasabi nito sa kausap.

“Ano kamo? Talaga, honey, mayaman na tayo? Diyos ko! Wag mo kong biruin nang ganyan! Saan ko naman nakuha ang mga perang sinasabi mo na 'yan?! Aba wala kong matandaan!”

Tinalikuran ko na si Nenita Santiago… o mas tamang sabihing si Eleonor Caridad.

Nanlalabo ang paningin ko sa luha kaya muntik na akong bumangga sa lalaking nasa harapan ko.

“S-sorry, Trois…” sambit ko.

Wala siyang imik na niyakap ako nang mahigpit. Lalo akong napaiyak nang maramdaman ang init ng katawan niya.

“Umuwi na tayo…” pakiusap ko.

Lalong humigpit ang yakap niya sa akin kasabay ng paghuli niya sa aking pulso.

“Bitawan mo si Ria!” Boses ni Trois mula sa malayo na nagdala ng libu-libong kaba sa dibdib ko.

Nang tingalain ko ang lalaking kayakap ko ay halos mapugto ang aking paghinga nang makilala siya. Hindi siya si Trois. Hindi si Trois ang lalaking ito na may kulay berdeng mga mata.

Si Z!

Bumuka ang natural na mapula niyang mga labi at mula ron ay narinig ko ang buong-buo ngunit malamyos na boses na nagpatayo sa lahat ng balahibo ko sa katawan.

“You’re already home, baby.”

JF

His QueenWhere stories live. Discover now