♚♚♚

“RI!”

  Mabilis ang mga hakbang ko. Sinasadya ko na palagutukin ang takong ko sa tiles na dinadaanan ko, in that way ko lang kasi maiiwasan ang nakakabinging kabog ng dibdib ko.

  “Hoy, Ri!” May sumabay sa akin sa hallway. Si Jenina, co nurse. May mga bitbit siyang folders sa braso niya.

  “Ikaw pala, Jen.”

  “Kanina pa kita tinatawag, para kang bingi. Okay ka lang? Para kang hinahabol ng sampung demonyo ah?”

  Nademonyo na ako kanina pa. Mantakin mo ba namang makipagtukaan ako sa pasyente ko? That’s so unprofessional!

  “Uy, bakit namumula ka diyan?” siko niya sa akin.

  “Ha? Hindi, ah.” Pilit kong iniiwasan na mapatingin sa kanya.

  “Anong hindi ka diyan?” Sinundot niya ako sa tagiliran. “Mapula ka, Ri. Kahit hindi ka mestiza, 'kitang-kita pagkukulay kamatis mo. Pati leeg mo, o, mapula.”

  “Hindi nga 'sabi.”

  “Hindi mo ako maloloko, Maria Santiago.” Inakbayan niya ako. “Ano bang nangyari sa 'yo sa loob ng kuwarto ni Zelos Mondragon, ha?”

  Nanlaki ang mga mata ko. “A-anong nangyari? Tumigil ka nga diyan!” Nilangkapan ko ng galit ang tono ko. “Diyan ka na nga, nagmamadali ako dahil nasi-CR ako!”

  Binilisan ko ang lakad ko at iniwan ko na si Jenina.

  “Hoy, Ri! Joke lang! Ang pikon mo!”

  At nagkatotoo nga. Dahil pagkarating ko sa CR ay kanda-ihi ako sa nerbiyos. Humarap ako sa lavatory pagkatapos at paulit-ulit kong binasa ng tubig ang aking mukha. Mapula pa rin ako. Mapulang-mapula. At ngayon lang ako nagkaganito.

  Wala akong matandaan na nagkaganito ako sa buong buhay ko. Tanging ngayon lang.

  Pilit kong iniisip kung may ganito na ba akong naramdaman noon, na parang mawawarak ang dibdib ko sa kaba. Pero wala akong matandaan. Kahit childhood memories ay wala akong maalala. Siguro dahil sa nagkasakit ako noong teen ager ako, at dahil sa pagkaka-confine ko ay naging limited na ang alaala ng nakaraan ko.

  Tumunog ang cell phone ko sa bulsa ng nurse uniform na suot ko. Agad ko iyong sinagot ng makitang si Mama ang caller. Gabi na, ah? Bakit hindi pa natutulog si Mama? O baka namimiss niya ako dahil hindi kami nagkita nong last off ko. Hindi kasi ako umuwi ng Cainta dahil umalis siya non.

  “Hello po, Ma?” Sandali kong nakalimutan si Z.

  “Hello, Ri. Kumusta ka diyan?”

  “Okay lang, Ma. I miss you—”

  “Anak, well, tumawag lang ako to tell you na okay lang kahit hindi ka na pala ulit umuwi ngayong coming off mo.”

  “Po?”

  “Iyong dati ko kasing kumare ay umuwi galing ng Singapore. E ayun, inimbitahan ako sa kanila sa Quezon. Mga dalawang linggo ako ron, Riri. Ipapasyal niya raw ako roon sa kanila. Alam mo na, ayaw ko naman iyong tanggihan dahil nakakahiya.”

  Bumagsak ang balikat ko. Gusto ko pa naman na sanang makita si Mama. Sa mga ganitong pagkakataon ko siya gustong makita at makausap.

  “S-sige po, 'Ma. Ingat po kayo...” Iyon na lang ang nasabi ko.

  Mas importante pa rin naman sa akin na maging masaya siya. Siya na lang ang meron ako sa buhay ko, at hindi ko ipagkakait sa kanya ang mga bagay na makakapagpasaya sa kanya. Kahit pa hindi ako madalas na kasali sa mga bagay na iyon.

His QueenWhere stories live. Discover now