Sa ilang minutong lumipas ay tuluyan bumagsak at nawasak ito. Kitang-kita nila ang mababagsik na anyo ng mga Zowol. Nasa anyo ng mga ito ang karahasan at walang kakayahan na magbigay ng awa.

Natigilan ang mga ito sa pagsugod at unti-unting naghiwalay ang grupo at nahati sa gitna. Sa kalagitnaan ay naglakad paharap si Zandrew. Kaagapay nito ang Hari ng mga Zombie na si Merlous. Nasa labas naman ng kaharian ang mga higante na tuluyan na ring napasailalim sa pananakop nito. Napuno ang bulwagan ng malakas nitong halakhak.

"Kung sana nakiisa ka na lang, Haring Marcus! Hindi sana ninyo dadanasin ang ganito kalagim na katapusan ng inyong lahi!"

"Kahit anong klaseng pambibilog ang gawin mo, hinding-hindi ako papayag! Kami ang kauna-unahang nilalang sa mundong ito. Kami ang dapat nasusunod at hindi ang mga katulad ninyong mga sakim at ganid sa kapangyarihan. Alam ko naming may iba kang plano, Haring Zandrew, na kahit kailanman ay hindi ko hahayahang mangyari!" magiting na sagot ni Haring Marcus. Nag-umpisa na itong bumuwelo para sa pag-atake.

"Ganoon ba? Kung ganoon, ihanda mo ang sarili mo, Marcus. Dahil ito na ang huling araw mo!" Nandidilat ang mga mata at may lakip ng panggigigil sa tinig ang Hari ng mga Lobo.

Isang sigaw ang namutawi kay Marcus, hudyat ng pagsugod nila sa kalaban. Agad na nagtakbuhan pasugod ang mga Lobo. Maski ang mga Zombie na naagnas na ang mga katawan ay mabilis na kumilos.

Mabilis na inilabas ni Marcus ang espada ng kaniyang ama kung saan ginamit rin nito sa pakikidigma may isang dekada na ang nakararaan. Agad niyang ihinambalos sa ere ito na nagbigay naman ng malaking pinsala sa Hari ng mga Lobo. Susundan pa sana niya iyon ng isa pang hagupit ngunit agad siyang pinagtulungan ng tatlong mga lobo na kahilili nito. Napaigik siya nang masakmal ng isang lobo ang kaliwa niyang pa ana siyang dahilan upang siya'y bumagsak at sumadsad sa lapag. Mabilis niyang pinagana ang isip at sa isang kisapmata'y biglang natumba ang tatlong lobo na nakapaligid sa kaniya. Wakwak ang katawan ng mga ito at naliligo sa sariling mga dugo.

Lalong naulol sa galit si Zandrew sa Nakita. Hindi man lang niya nakita kung paano nito ginawa iyon. May kakayahan itong gumalaw nang triple kaysa sa pangkaraniwang bampira. Nagtagis ang mga bagang niya at nanlilisik niya itong pinagmasdan. Patuloy siyang umiikot rito habang nakaangil at nakalabas ng nagtutulisan niyang pangil.

Hindi siya papayag na makaligtas pa ito. Kasabay ng pag-alingawngaw ng mabalasik niyang atungal na katulad sa mabangis na hayop ay mabilis niya itong sinugod. Maski ang mga malapit na Zombie at lobo ay tila iisa ang mga utak. Agad nilang inatake nang sabay-sabay ang Haring Marcus. Binilisan nito ang paggalaw ngunit sadyang madami ang nakapalibot sa kaniya kaya natamaan siya sa hita at beywang.

Napasigaw ito sa labis na sakit at kirot. Nanatili itong kagat-kagat ng mga naglalakihang lobo. Maski ang mga zombie ay nag-umpisa nang lumapit kay Marcus. Napangisi si Zandrew at unti-unti itong nagbalik sa dating anyo. Nag-anyong tao ito saka paika-ika siyang lumapit kay Marcus na patuloy na pumapalag sa pagkakangasab ng mga lobo rito.

"Walang-hiya ka, Zandrew! Pinagkatiwalaan ka namin. Hindi ka na nakuntento sa kapangyarihan na napasakamay mo na. Ang gusto mo'y sakupin mo ang lahat! Halimaw ka!” patuloy na sigaw ni Marcuss.

Nanlilisik na pinakatitigan ito ni Haring Zandrew at lalong nagsumidhi sa kaniya na tapusin na ang buhay nito. Ngunit bago iyon ay kailangan na muna nitong malaman kung saan nito dinala ang nag-iisa nitong anak. Mahigpit niyang hinawakan ang panga ni Haring Marcus. “Nasaan si Kendra?"

Nanatili lamang siyang tinitigan nang masama ni Haring Marcus. Tikom ang bibig at hindi umiimik.

"Hindi ka magsasalita, Marcus?!" pangsisindak pa ni Zandrew rito. Mabilis niyang sinenyasan ang mga kasama. Agad na pinaghihila nito ang mga kasama ni Marcus.

HUNTING KENDRA(The Last Vampire)COMPLETEDWhere stories live. Discover now