Apat

2 1 0
                                    

Apat
Amara

"Siguro okay na rin 'yon. At least ako na lang ang nag-iisa mong best friend. Selfish pa naman ako." Ani Farrah pagkatapos kong ikwento sa kanya ang muli naming pagkikita ni Zachary at ang naging pagtrato nito sa akin.

Natawa ako sa sinabi niya bago ko itinuon ang aking pansin sa libro na kanina ko pa balak basahin.

"Gusto mo bang tapon ko na 'to?" Nag-angat ako ng tingin upang makita kung ano ang tinutukoy niya. Tinanggal niya ang isang larawan sa pagkakaipit nito sa aking salamin. Larawan ito ng 16-year old na Amara at Zachary noong completion day. Naka-peace sign ako habang nakapatong naman ang kaniyang baba sa aking ulo at nakapulupot ang mga braso niya sa balikat ko.

Parang dumaloy ang nostalgia sa pagkatao ko. Isa 'yon sa pinakamasayang araw sa aking buhay at kahit gaano ako naiinis sa Zachary ngayon ay hinding hindi ko magagawang itapon iyon.

"Ofcourse not Farrah. Inis ako kay Zach, pero hindi ko idadamay ang 16-year old self niya." Sagot ko kay Farrah sabay hablot ng picture at inipit ko uli iyon sa salamin ko.

Nagkibit-balikat lang siya at pabirong nagdabog. "Hay nako, hindi ko talaga mapalitan 'yang best friend mo ha? Imbyerna." Humalukipkip pa siya at lumabi.

"Ang arte neto!" Sigaw ko sa kanya sabay bato ng unan na sapol sa kaniyang mukha. Tumawa lang siya at gumanti ng balibag.

"Doon ka na nga sa kwarto mo!" Pagtaboy ko sa kanya na parang hindi naman niya narinig dahil naupo na siya sa harapan ng desktop ko at nagsimulang maglaro ng DOTA.

****

Lumipas ang isang buwan at unti-unti ko nang nagamay ang trabaho ko. Hindi na ko tanong nang tanong at hindi rin naman na masyadong napadalas ang overtime ko.

Nawala na rin sa isip ko ang sama ng loob ko kay Zachary. Nasanay na lang ako sa estado namin sa buhay ngayon, boss ko siya at empleyado niya ko. No more, no less. Hindi naman kami nagpapansinan kung hindi kinakailangan at siguro nga'y mas mabuti na 'yon.

Isa pa, sobrang busy ng kompanya sa nakaraang ilang linggo kaya't hindi rin kami gaano nagkikita. Marami raw kasing projects ang pumapasok at walang balak si Zachary tanggihan ni isa sa kanila kahit pa kapalit nito ay ang walang katapusan niyang trabaho.

Hindi ko talaga inakala na magiging workaholic siya, parang kailan lang ay tatamad-tamad lang siyang nakahiga sa sofa namin habang nagpapalipat-lipat ng channels sa telebisyon.

Maging ako ay ramdam kung gaano ka-busy ang kompanya. Baguhan man ako ay ang dami na nilang itinatambak na gawain sa akin. Ilang beses na nga akong bumili ng salonpas dahil sa sakit ng batok ko kakayuko sa mga papeles at sa aking laptop.

Alas otso na ng gabi at hindi pa rin ako nakakauwi. Sobrang daming naipon na trabaho sa akin at nakiusap pa ang superior ko na matapos ko itong lahat ngayong araw dahil kailangan niya muna ang output ko bago siya makapagsimula ng kaniya. Balak niya kasing mag-leave ng isang linggo dahil sa dadaluhan niyang kasal sa ibang bansa kaya't nais niyang matapos ang nakaatas sa kaniyang trabaho sa lalong madaling panahon.

Buti na lang at maaring manatili sa opisina namin hanggang anong oras namin gusto. Hindi 'yon sapilitan kaya't kami ang bahala kung uuwi na ba kami o tatapusin ang trabaho roon. Mas gusto kong magtrabaho roon kesa sa bahay dahil alam kong kukulitin lang ako ni Farrah sa pag-aaya ng online games.

Kinusot ko ang aking mga mata upang maibsan kahit kaunti ang antok na kanina ko pa nararamdaman. Napaungol pa ko nang ipagsalikop ko ang aking mga kamay at inunat pataas. Parang narinig ko pang tumunog ang mga buto ko sa likod.

Nababalutan na ng kadiliman ang ika-39 na palapag na kinaroroonan ko at tanging ang laptop ko na lang ang nagbibigay ng munting liwanag para maituloy ko pa ang aking trabaho. Sa pagkakaalam ko ay ako na lang ang mag-isa sa palapag na iyon kaya naman gulat na gulat ako nang biglang may kumalabog.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 19, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Puzzle PiecesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon