"Bagal naman." Sambit niya nang sa wakas ay nakalapit na ko sa kanya. Hinampas ko ang braso niya nang mahina bago pinitik ang kanyang tainga.

"Arte mo." Ani ko bago binilisan ang lakad para mauna sa kanya ng kaunti upang 'di niya na ko magantihan.

Naging best friend ko si Zachary simula nung 8 years old kami. Nakakatawa nga dahil nangyari 'yon dahil lang sa flat tops. Masyado siyang mahina pagdating doon at kahit kala mo'y masungit ay bigla na lang napapalambot.

Hindi ko inakalang magiging sobrang close namin ni Zachary. Sa lahat din ng bagay ay nagkakasundo kami. Sa pagkain, sa mga laro, sa kalokohan at kung ano-ano pa.

Sobrang parehas kami ng takbo ng utak, kung magkakaiba man ay compatible pa rin. Tulad na lang sa mga simpleng bagay na ayaw ko ng pula ng itlog at ayaw naman niya ng puti. Kaya laging win-win situation pag kumakain kaming dalawa.

Pareho kami ng taste sa music, movies, books, at pati na rin sa mga computer at mobile games na nilalaro. Ayaw ko ng English at ayaw naman niya ng Math. Magaling naman ako sa Math at siya sa English. Kaya lagi kaming nagtuturuan tuwing may exams o quizzes.

Tumutugtog siya ng gitara at kumakanta naman ako. Magaling siya sa arts habang ako naman ay walang kwenta pagdating doon, kaya lagi akong nagpapaguhit sa kanya ng kung ano-ano lalo na sa Arts class namin kahit na mali pa 'yon.

Lagi rin kami napapagalitan dahil sa pagdadaldalan namin sa klase kahit na madalas ako lang naman talaga 'yung dumadaldal at taga-tango at pakikinig lang siya.

"Hey, why are you spacing out?" Sabi ni Zachary with matching pitik pa sa harapan ko.

Hinawi ko ang kamay niya at bumuntong hininga. "Iniisip ko lang kung ba't kita naging best friend gayong lagi mo naman akong binubully."

Natawa siya at tsaka ako inakbayan. "Okay lang 'yan. Mahal naman kita." Sabi nito sa nagbibirong tono sabay hatak na sakin pauwi.

Natawa ko. It was nothing at that time. It was simply just a joke. A joke that I didn't know I would wish he meant.

7 years ago

Maraming nagsasabi na imposibleng maging matalik na magkaibigan ang isang lalaki at isang babae. Para sa akin naman ay hindi totoo 'yon. Bakit naman imposible? Bakit naman bawal? Kung tutuusin ay hindi ka naman dapat namimili ng kaibigan mo base lang sa kaniyang kasarian or what. Ugali pa rin naman ang tinitingnan.

Siguro may isa lang akong payo sa mga magkakaibigang babae at lalaki. Iyon ay wag kayong mahuhulog sa isa't isa dahil delikado 'yon. Mas delikado kung mahuhulog ang isa. Ang isa lang. Kasi masakit 'yon. Lahat mag-iiba, lahat magbabago nang hindi mo namamalayan kasi nga iba na ang tingin mo sa kanya.

Nakaka-gahaman din. Kasi naman parang hindi na sapat kung anong mayroon sa inyo. Parang may kulang, parang hindi ka makuntento kahit na alam mo namang hanggang ganoon na lang.

Ganoon ang nangyari sakin kay Zachary. Hindi ko alam kung totoo na ba 'to o crush ko lang siya. I mean, hindi naman malabong magkaroon ako ng simpleng crush sa kanya una pa lang diba? Gwapo siya, gentleman, at mabait din naman kahit na binubully niya pa ko minsan.

Sa totoo lang hindi ko nagustuhan nang maramdaman na unti-unti akong nagkakaroon ng pagtingin sa kanya. Kasi naman, halos lahat ata ng babaeng naging kaklase namin ay nagkagusto sa kanya. Hindi ko rin naman sila masisisi pero ang sarili ko, masisisi ko ba?

Dapat alam ko na na hindi na kami pwedeng lumagpas sa pagiging magkaibigan dahil masisira lang ang lahat. Bakit ba ko nagpakatanga?

"May date ka na ba sa ball bukas?" Tanong sakin ni Zachary habang nililipat ang palabas sa telebisyon gamit ang remote control. Nakikitambay si Zachary sa bahay namin at prenteng prenteng nakahiga sa sofa habang ako naman ay nakaupo sa lapag sa may harapan niya.

Puzzle PiecesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon