"Bakasyon din nila, anak. Gusto ni Ralf na magbakasyon dito sa atin. Mas mabuti na rin iyon kaysa nasa sa Maynila lamang siya. Atleast sa pagdating niya ay magkakaroon ka na ng makakasama. Paturuan mo siya na mangabayo kay Mang Berto." sabi ni Mama sa akin.

Sinulyapan ko ang masungit na lalaki. Hindi pa rin siya ngumingiti at nakatingin lang siya ng diretso sa akin na para bang hindi niya ako gusto.

Dahil ba medyo malamya ako hindi katulad niya na lalaking lalaki siya? Galit ba siya sa bakla?

Hmp! Magpaturo kang mag-isa mo. bulong ko sa isip ko.

"Eh Mama, bakit nga pala hindi na lang tayo ang dumadalaw kay Lola? Bakit si Lola lang ang pumupunta dito sa hacienda paminsan-minsan?" usisa ko.

Muli ay nakita ko ang pagtikhim ni Mama. Nakita ko ang sandaling pagkailang ni Mama ngunit mabilis din namang nawala iyon.

Hindi ba sila magkasundo ni Lola? Pero kapag narito naman sa hacienda si Lola ay nakikita ko naman sila na nag-uusap ni Mama. Madalas nga lang ay parang galit sa kanya si Lola.

"S-sa ibang pagkakataon ay tayo naman ang dadalaw sa Lola mo, Ivan." ang pag-ulit ni Mama sa hindi na mabilang na pangako niya sa akin.

Noon ko pa gustong makita ang bahay ni Lola at noon ko pa gustong mapuntahan ang Maynila ngunit palagi na lamang ay hindi tinutupad ni Mama ang pangako niya sa akin na dadalawin namin si Lola.

Narinig ko pa nga minsan na nag-uusap sila ni Papa. Umiiyak noon si Mama sa hindi ko malaman na kadahilanan.

Kayakap siya ni Papa saka siya sinabihan ni Papa na kung hindi pa kaya ni Mama ang bumiyahe patungong Maynila ay hindi na namin kailangan pa na lumuwas.

Nainis ako noong araw na iyon dahil palagi na lamang ay hindi natutuloy ang tangka naming pagpunta sa Maynila.

May ilan na sa mga kaklase ko ang nakarating doon at sa tuwing nagyayabang sila dahil nakakita na sila ng mga nagtataasan na buildings ay hindi ko maiwasan na mainggit.

Sila na hindi naman ganun kayaman ay malayang nakakapunta ng Maynila samantalang ako na anak ng haciendero ay hindi man lamang makalabas ng San Isidro at sa mga kalapit bayan nito.

Ganunpaman ay naiintindihan ko sina Papa. Hindi ko alam kung ano ang sakit ni Mama pero ayon kay Papa ay makakasama raw kay Mama ang mahabang biyahe kaya hindi kami natutuloy sa pagluwas.

Nagrequest pa nga ako na kaming dalawa na lang ni Papa ang lumuwas kung hindi kaya ni Mama ang bumiyahe ngunit tumanggi si Papa.

Kesyo marami siyang trabaho ma kailangang asikasuhin dito sa hacienda kaya hindi niya ako maaaring samahan doon.

Sa huli ay ako pa rin ang talunan dahil kahit gustong-gusto ko na makarating sa Maynila ay hindi ko magawa.

Napasulyap ako kay Ralf. Madilim pa rin ang mga mata niya habang nakatitig sa may bintana. Hindi ko alam kung ano ba ang ikinagagalit niya. O sadya kaya na ganoon lang ang anyo niya?

Mabuti pa ang ampon ni Lola ay sa Maynila lumaki at nakapag-aral. Nakarating pa siya dito sa San Isidro.

Samantalang ako na totoong apo ay hindi man lang magawang magtungo sa bahay ng Lola ko.

Lumipas ang mga araw at hindi ko talaga sinubukan man lang na kausapin o pansinin si Ralf.

Naiinis din ako kapag sinasabay siya nina Mama at Papa sa oras ng pagkain namin.

Beloved Bastard (Completed) Onde as histórias ganham vida. Descobre agora