"Mukha mo libag" buwelta ko pero tinawanan niya lang ako. Gustuhin ko man siyang sabunutan pero natatakot ako na sumemplang kami sa daan.

"Ang kukupad niyo naman, pinaglihi ba kayo sa pagong?" sigaw ni Gian na siyang nangunguna sa amin. "Gagi, ang yabang mo kamatis ka!" sigaw ni Adrian at agad niyang pinaharurot ang kaniyang bisikleta para maabutan si Gian.

Gulat namang napalingon si Gian at mabilis niya ring pinadyak ang kaniyang bisikleta. Agad naungusan ni Adrian si Gian hindi dahil sa matangkad siya kundi dahil mas sanay siya sa pagpadyak at paghampas ng mabilis.

Si Adrian Luis Vicente na mas kilala bilang Thunder Bolt ng section namin. Magaling siya mag-drums, maglaro ng sepak-takraw, at higit sa lahat mag-ayos ng mga sirang bagay at appliances. Matangkad, matangos ang ilong at masasabi kong may hitsura si Adrian pero madaling natuturn-off sa kaniya ang mga babae dahil naiistatwa lang siya sa tuwing kinakausap siya ng babae. Para siyang biglang nagiging tuod na hindi na nakakagalaw at nakakapagsalita.

Ang mga magulang niya ay parehong OFW sa Canada kaya lolo at lola niya lang ang kasama niya sa bahay. Madalas kaming tumambay sa bahay nila kaya lang palaging pinapatulog ng hapon si Adrian noong mga bata pa kami, para siyang bilanggo na itatakas namin kapag natapos na niyang bunutan ng puting buhok ang lolo at lola niya.

Kapag naitakas na namin siya, magtatago kami sa bahay nila Gian, sa malaki niyang cabinet na amoy alcampor. 'Pag lipas ng ilang minuto, lalabas na kami roon at magtatatalon sa kama niya, kukunin ni Gian ang kumot niyang may imprint ng logo na Superman at ilalagay iyon sa likod niya saka magkukunwaring lumilipad habang buhat-buhat nina Leo at Adrian ang magkabilang paa at kamay niya.

Ako naman ang magpwepwesto ng electric fan sa tapat nila para sa wind effect at kunwaring madlang people na kakaway sa kaniya mula sa lupa. Kung minsan ay napapagod kami sa paglalaro at nakakatulog sa kwarto niya, gigisingin kami ng mama niya at papakainin ng merienda na banana cue at camote cue dahil may tindahan sila ng merienda tuwing hapon at barbeque naman tuwing gabi.

"Madugas ka talaga!" sigaw ni Gian kay Adrian dahil nangunguna na ito sa amin. Agad humabol si Gian pero hinaharangan siya ni Adrian para hindi siya makasingit sa daan.

Si Giovanni Dela Cruz o mas kilala bilang Gian at Kamatis ng section namin. Kung pagdating lang sa technology, Playstation, Gameboy at kahit Tamagotchi, walang ibang makakatalo sa galing ni Gian the tomato. Matangkad, maputi, makinis at chinito. Kung minsan ay napagkakamalan siyang Chinese dahil sa singkit ng kaniyang mga mata pero wala naman daw silang lahing Chinese. Pinaglihi lang daw siya ng mama niya kay Stephen Chow kaya medyo kahawig niya ang sikat na comedy actor.

Magaling mag-piano at mag-violin si Gian dahil ang papa niya ay kabilang sa isang sikat na classic orchestra. Ang mama naman niya ay housewife na sobrang madiskarte at magaling mag-negosyo. Matalino sa Math si Gian pero tamad siya mag-aral. Mas kilala siya sa tawag na kamatis dahil sa isang masalimuot na trahedya na nangyari sa kaniya noong grade four kami.

Noong April 1991, bakasyon namin. Nagkaroon ng libreng tuli sa school na project ng aming barangay health center. Sabay-sabay na nagpatuli sina Leo, Adrian at Gian. Naroon din ako dahil sinama ako ni mama para ipatuli rin ang pinsan ko na si kuya Kris na nagbakasyon sa amin.

Nauna magpatuli si Leo at Adrian na parehong sumigaw at gumawa ng eksena. Umuwi silang luhaan habang ngumangawa sa daan. Umiyak din si kuya Kris pero agad siyang tumigil nang bigyan siya ni mama ng bagong bala para sa Gameboy.

Samantala, si Gian naman ang pinakamatapang sa lahat. Nanatili siyang kalmado sa pila hanggang sa matapos ang pagtuli sa kaniya. Walang emosyon ang mukha niya na akala mo ay isang matandang ermitanyo na ang daming words of wisdom. Tuwang-tuwa ang mama niya at pinagmamalaki siya sa lahat, maging si mama ay natuwa sa katapangan ni Gian.

Leo and AriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon