Prologue

358 90 63
                                    

Tahimik akong nakaupo sa aking upuan sa aming silid-aralan habang pinagmamasdan ang manila paper na nakapaskil sa pisara. Paulit-ulit kong binabasa ang mga nakasulat doon. Nakailang pikit at mulat na rin ako. Nagbabakasakali na namamalikmata lang ako pero kahit anong gawin ko, walang nagbabago. Pang-apat pa rin ako sa ranking para sa unang quarter.

Dinig ko ang tuwa sa boses at sa kwentuhan ng mga kaklase kong kasali sa ranking pero hindi ko magawang makisabay sa kanila. Gusto ko rin namang maging masaya dahil kasali pa rin ako sa sampung pinakamagagaling sa klase at sa buong batch namin pero alam kong hindi sapat ang natamo ko dahil sanay ang pamilya ko at ang ibang tao na top one ako simula kinder.

Unti-unti akong binabalot ng hiya habang padami ng padami ang mga mag-aaral mula sa ibang seksiyon na nakadungaw sa aming bintana upang makita ang ranking. Nararamdaman ko ang ilang mga mata na sumusulyap sa akin habang ako ay hindi makatingin sa kanila.

Ene-expect ko naman na marami talaga silang makikiusyoso lalo na at uwian na para sa hapon. Tumayo na lamang ako at isinukbit ang aking bag sa balikat upang lumabas ng classroom. Kanina pa naman kami dinismiss ni Ma'am at iilan lang kaming nanatili pa rin dito sa loob.

Palabas na ako ng pinto nang marinig ko ang pagtawag ni Ma'am sa'kin. Lumingon ako sa kaniya at sinalubong ako ng seryoso niyang tingin.

Lumapit ako sa kaniya at tipid siyang nginitian. "Yes po Ma'am?"

Isinarado niya muna saglit ang laptop na ginagamit niya kanina at pinaupo niya ako sa upuan na nasa harap ng lamesa niya.

"May distractions ka ba ngayong quarter?" malumanay na tanong ni Ma'am.

"Wala naman po Ma'am," mahina kong tugon at mas hinigpitan ko ang yakap sa aking bag na inilagay ko sa kandungan ko kanina pagkaupo.

Ilang beses na din akong tinanong ng ilang kaklase ko kung anong dahilan ng pagbaba ng marka ko pero tanging kibit lang ng balikat at tipid na ngiti ang naisagot ko sa kanila.

Hindi ko naman kasi talaga alam kung anong nagawa kong mali dahil nag-aaral pa rin naman ako ng mabuti.

"Ganun ba? Siguro kailangan mo lang maging mas active para tumaas ang mga marka mo. Napapansin ko kasi na bihira ka mag-recite."

Tanging tango na lamang ang naisagot ko at pagkatapos ay pinayagan na akong umalis ni Ma'am. 

Siguro nga ay tama si Ma'am na dapat maging mas active ako sa klase. Alam ko naman kasi na kulang ako sa confidence pagdating sa pagsagot ng questions tuwing recitation.

Sa mga sumunod na araw ay pinilit ko na laging mag-recite at mas nagtultol ako sa pag-aaral.

Hindi ko na ipinaalam kina Mama at Papa ang naging rank ko sa first quarter. Ang sinabi ko na lang nung nagtanong sila ay wala pa namang announcement tungkol doon. Nagpapasalamat na lang ako dahil naniwala sila lalo na si papa at hindi naman ako tinanong pang muli.

Dumating ang araw ng announcement ng ranking para sa second grading, tumaas naman ang pwesto ko pero pangalawa lang. Ganun din ang naging resulta sa ikatlo at ikaapat na markahan sa kabila ng mga efforts ko. Hanggang sa nag-announce na ng final na ranking para sa graduation at naging salutatorian lang ako. 

Dalawang araw na ang lumipas pero hindi ako makahugot ng lakas ng loob upang ipakita sa mga magulang ko ang report card na ipinadala sa amin pauwi at sabihin ang naging final ranking sa klase.

Kinabukasan habang tahimik akong nagtitiklop ng mga bagong labang damit sa kama ay narinig ko ang mabibigat na yabag ni papa. 

Nilingon ko siya at matalim na tingin niya ang tumama sa akin.

BrokenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon