Part 8

3.4K 68 10
                                    

"PORK adobo, sweet and sour fish fillet, chop suey, at garlic shrimp! Wow, bongga ang pakain ni Mayor!" bulalas ni Felicity. Parang kailan lang ay hindi maipinta ang mukha nito sa sawing damdamin.

"Fel, mauna ka na sa pila," sabi ni Blessie. "Kukuha lang kami ng pinggan."

Lunch buffet ang inihanda ng SK Officers para sa kanila. Lalong kumulo ang naghihintay nilang sikmura nang makita ang mga nakahain.

Ang SK Officers ang nagsilbing tagasandok ng mga pagkain para ilagay sa mga pinggan ng mga nakapila. Ang nakatoka sa kanin ay si Carlos.

Nakairap ang mukha ni Fel na lumapit sa harap ng bandehado ng kanin.

"Ilan?" tanong ni Carlos kay Fel.

"One and a half," sagot ni Fel.

"Dalawahin mo na, kunwari ka pa. O baka gusto mo tatlo para hindi ka na bumalik."

"Bakit ba mas marunong ka pa? Sino ba'ng kakain, ikaw? Akin na nga 'yan!" Inagaw niya mula sa kamay ng lalaki ang sandok at nagkusang kumuha ng kanin. Padabog niyang isinauli iyon sa kamay ng lalaki na ngingisi-ngisi lang.

Naiinis siyang umusog sa kasunod na ulam na si Seb ang nakatoka. Katabi nito si Georgia na halatang nagpapa-cute sa binata.

"Si Blessie?" tanong ni Seb kay Fel.

"Ayun." Pinatulis niya ang kanyang nguso para ituro ang kinaroroonan ng hinahanap nito. Anim na tao ang nakapagitan sa kanila.

Mukhang napanatag naman ito nang makita ang babae kaya tumango saka sumandok ng adobo.

"FEL, mamayang gabi, sama kayo ni Shiela sa akin," bulong ni Blessie. Hawak niya sa kamay ang tinidor na may nakatuhog na karne ng baboy.

"Saan?" bulong din ng dalawa na bahagyang dumukwang sa lamesa.

"Kasi ang sabi, pagpatak daw ng alas-dose, tutunog ang alarm clock ng Maidens' Hill, pagkatapos ay may lilitaw na kaluluwa sa kakahuyan."

"Sa kakahuyan? Anong klaseng kaluluwa daw?" interesadong tanong ni Leah.

"White lady na pugot, pero ang ulo mismo ay nakalaylay pa sa leeg."

"Halaaa! Nakakatakot naman 'yan!" hiyaw ni Shiela.

"Sshhh! Huwag kang maingay! 'Di ba nga lights off na 'pag twelve? 'Di na puwedeng lumabas," sita ni Fel kay Shiela. "Game ako diyan! Okey 'yan, thrilling!"

"Ay, hala? Ayoko, nakakatakot!" si Shiela.

"Sure kang ayaw mo? Okey lang, maiwan ka sa kuwarto," sabi ni Blessie.

"Oo, maiwan na lang ako. Bakit ba kasi ang scary ng trip n'yo? Hindi kaya ng batong nilunok ko ang kaluluwang pugot, friend!"

"Sige, Fel, try nating yayain si Alicia," tukoy ni Blessie sa isa nilang kasama.

SAMPUNG minuto bago mag-alas-dose ng gabi ay pasimpleng lumabas ang apat na babae mula sa kuwarto. Tulog na halos lahat ng kasama nila kaya malaya nilang isinakatuparan ang ghost hunting.

"Ghost Busters!" pabulong na sigaw ni Fel, humagikhik naman ang tatlo.

"Totoo kaya ang sabi-sabi?" tanong ni Kim.

"Ngayon natin mapapatunayan 'yan," saad naman ni Alicia.

Dala ang kanilang cellphones na nagsisilbing flashlights, magkahawak ang mga kamay na pinuntahan ng grupo ang kulang-kulang dalawandaang metros na kasukalan.

Nasa tuktok ng burol ang gusali ng Maidens' Hill kaya medyo pababa ang tinahak nilang daan papunta roon.

"Huwag kayong bibitiw, ha," saad ni Alicia.

COMPLETED Once Upon A NeighbourTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon