Part 5

7.7K 90 48
                                    

PINANINDIGAN ni Blessie ang pag-chi-cheer kay Benitez habang ganoon din ang grupo ng mga babae kay Seb.

"Inday, tumigil ka na kaya?" Hila ni Felicity sa pantalon niya. "Tingnan mo ang hitsura ni Seb, oh, 'di na maipinta."

Nakabusangot na nga ang lalaki, halos magyakapan na ang mga kilay nito sa lapit. Napansin din niya na ilang beses na itong sumablay sa pag-shoot ng bola.

"Referee, foul, oh! Tang-ina, hindi tumitingin nang maayos!" sigaw ni Seb na tinuro ang kalaban.

'Ay, oo nga. Napikon na.'

Kaya nag-behave na siya. Ayaw niyang sulsulan ang init ng ulo nito sa pag-cheer sa ibang team. Sa panahong ganoon, kailangan na nito ang mala-kami hami wave na support ng kaisa-isang nitong alaga.

Nagtapos ang laro sa score na eighty-seven versus eighty-two, in favor of White Doves siyempre. Habolan ng points kaya naging madugo ang laban na siyang na-enjoy ng manonood. Hindi na siya uli nag-cheer sa kabilang team dahil baka mabatukan siya ni Seb pag-uwi.

Inuna nilang hinatid si Felicity sakay ng traysikel. At nang mapag-isa na lamang sila . . .

"Bakit lukot pa rin 'yang mukha mo? Nanalo kayo, 'di ba?" tanong ni Blessie.

"Wala," matipid nitong sagot, diretso lang ang tingin.

"Anong wala? E, kanina ka pa ganyan."

Inis itong pumalatak. "Wala nga."

"O, tingnan mo, sinusupladuhan mo na ako."

"Ikaw naman kasi!"

O, 'di ba?

"Ako? Anong kinalaman ko? 'Di naman ako naglaro," turo ni Blessie sa sarili.

"Nakakaasar ka, kay bata-bata mo pa, ganoon ang kilos mo. At saka, bakit ganyan 'yang damit mo?" Inabot ng binata ang T-shirt niya at saka walang ano-anong kinalas ang pagkakatali. "Kailangan bang nakalitaw ang pusod 'pag nanonood ng basketball? Pa'no kung may nambastos sa 'yo doon?! Sa palagay mo hahayaan kong mangyari 'yon? Mapapaaway ako sa kalokohan mo. Mapapatay pa ako ni Tito."

"Wala namang nangyaring masama, e. Ba't galit na galit ka?" Nainis si Blessie dahil sa sermon ni Seb sa kanya kaya tuminis na rin ang boses niya.

"Hihintayin mo pa bang may mangyaring masama bago ka magtino? Umayos ka nga, Blessie, kita bilbil mo."

"'Pag ako, kita bilbil? 'Pag iba, okay lang? Ganoon?"

"Ikaw lang naman ang nakalitaw ang sikmura doon."

"Ano pala 'yong babaeng sumilip pati pisngi ng puwet? Normal 'yon? Normal?"

"Bakit mo ba kinokompara ang sarili mo sa kanila? Iba ka." Padabog nitong kinuha ang pitaka sa bulsa at kumuha ng pamasahe.

Natigilan si Blessie sa sinabi ni Seb. Gusto pa sana niyang magtalak pero mukhang mas nag-demand na ang puso niyang kiligin sa salita nito. Nag-evaporate ang inis niya. 'Okay, fine. Alam kong concern ka lang naman sa akin kaya ka nagkakaganyan.'

"Sorry na, hindi na ako uulit. Nainis lang naman ako doon sa mga babae, e, feeling magaganda."

Napangiwi ito sa sinabi niya saka umiling.

Pinulupot ni Blessie ang kamay sa braso ni Seb. "Libre na lang kita ng Jollibee sa Friday."

"May pera ka ba?"

"Wala, hihingi ako kay Daddy."

Umismid si Seb.

"Okay, ipagluluto na lang kita ng pancit canton, 'yong extra hot. Ilan ang gusto mo?"

"Lima," sagot nito pero nakamaktol pa rin. Napangiti naman ang dalaga.

'Wagi!'

"Lima? Endemi nemen."

"Alam ko namang makikisabay ka, e."

Ngumisi siya, alam na alam nito ang style niya. "Kay shige, lima."

"BLESSIE, ano 'yan?" usyoso ni Shiela sa kulay green na sobreng hawak niya. Nasa school ground sila para sa kanilang PE. Imbes na sumagot ay ipinakita niya ito sa kaibigan. "Love letter ba 'yan?"

Kahit siya ay walang ideya kung ano ang laman ng sobre. Nasorpresa lang din siya nang makita iyong nakaipit sa ilalim ng libro niya pagkatapos niyang mag-lunch.

"Fel! Psst!" tawag ni Shiela sa dalaga. "Halika, tingnan mo, may sulat."

"Ay, mukhang love letter, 'day," sabi ni Felicity.

"Pa'no mo nasabi?" si Shiela.

"E, may heart, oh," turo nito sa maliit na pusong nakaguhit sa dulo. Parte iyon ng decoration ng sobre pero hindi masyadong halata kaya namangha siyang nakita iyon ni Felicity. "Buksan mo na!"

Maingat niyang binuksan ang sobre at inilabas ang laman niyon.

Dear Blessie,

Kumusta? Sana ay maganda ang araw mo.

Sumulat ako dahil gusto kong malaman mo na nung una kitang makita, naisip ko agad na napakaganda mo. Bagay sa'yo ang pangalan mo dahil blessing ka galing kay Lord. Kung hindi dahil sa'yo, hindi ko mararanasan ang magkagusto ng ganito.

Sana walang magalit dahil nagbigay ako ng sulat sa'yo.

- Francis

"Ooow . . . si Francis," halos magkasabay na sabi ng dalawa niyang best friends.

"Ang ganda mo daw, friend! Haba ng hair! Pagupitan na natin," biro ni Felicity na ikinatawa niya.

"Ano na'ng plano mo ngayon? Kung manligaw ba sa 'yo, sasagutin mo?" tanong ni Shiela.

"Guwapo si Francis. Kaso, mukhang kinulang sa grower," komento ni Felicity.

"Ayoko, ayoko nga sa classmate. Kasehodang guwapo, cute o mayaman 'yan."

"Bakit?" si Felicity.

"Eeeh, feeling ko monitored lahat ang galaw ko. At saka walang challenge, laging nagkikita. Nakakasawa."

"Oo nga naman," tango ni Shiela na pinaikot-ikot ang daliri sa nakalawit na buhok.

"Kung sana nasa kabilang section siya, okay lang," dagdag pa ni Blessie.

"Ano'ng gagawin mo sa sulat na 'yan?" si Felicity.

"Ewan, pag-iisipan ko mamaya."

"Okay, students, fall in line!" tawag ng PE teachers nila. Tinupi ni Blessie ang sulat at basta na lang siniksik sa loob ng bag saka nakihalo na sa pila.


COMPLETED Once Upon A NeighbourTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon