CHAPTER 4

4K 73 7
                                    


PALIHIM na sumulyap si Charie kay Hisoka nang huminto sa rooftop ang elevator na kinalululanan nila. Ano bang panghalina ang mayroon ito at kanina pa ayaw bumalik sa normal ang tibok ng puso niya? Kahit mahigit treinta minutos niyang paulit-ulit na sinusulyapan ito kanina sa sasakyan, hindi pa rin nababawasan kahit katiting ang nakaliliyong epekto ng kaguwapuhan nito sa kanya.

Paglabas nila ng elevator ay agad silang sinalubong ng dalawang lalaki. Base sa pagsasalita ng mga ito nang batiin si Hisoka at magalang na yumukod sa binata, parehong Japanese ang mga ito bagaman mukhang mga Filipino ang hitsura.

"Akala ko ba, may kukunin ka?" tanong niya kay Hisoka nang igiya siya nito palapit sa helicopter na nasa helipad.

"Mayroon nga. Itong helicopter. Ito ang sasakyan natin papunta sa kakainan natin," sagot nito. Inalalayan siya nito pasakay roon.

"Talaga?" natutuwang bulalas niya. "Matagal ko na ngang gustong makasakay sa chopper!"

Muling gumalaw ang isang sulok ng mga labi nito. "I'm glad you're not scared of heights," anito habang ikinakabit ang seat belt niya. Sinenyasan nito ang dalawang tauhan na sumalubong sa kanila roon. Mabilis na ikinarga ng dalawa sa helicopter ang mga gamit na bitbit. Umupo naman sa unahan nila ang dalawang bodyguard ni Hisoka.

Nawi-weird-an na siya sa dalawa. Kanina kasing sinubukan niyang kausapin ang mga ito, hindi siya pinansin ng mga ito, na parang hindi siya naririnig o nakikita. Ayon kay Hisoka, parehong Brazilian-Japanese ang mga ito kaya hindi siya nauunawaan. Ngunit kahit ganoon, hindi ba dapat kahit paano ay ngitian man lang siya ng mga ito kahit hindi siya nauunawaan?

O, unspoken rule ba ni Hisoka sa mga ito na hindi maaaring tingnan ang mga ka-date ng lalaki? Was he the kind of man who was too possessive and jealous of other men looking at his date? Tulad ng ex-boyfriend ng kaibigan niya at dating kasama sa boardinghouse na si Mikka. Dahil sa labis na pagiging seloso ng lalaki, mapatingin lang si Mikka sa ibang lalaki ay pinaghihinalaan na ng boyfriend na nanlalalaki ito. Dahil doon, hindi miminsang napagbuhatan ito ng kamay ng lalaki. Ngayon ay may restraining order nang kinuha ang kaibigan niya laban sa may saltik na ex-boyfriend nito.

Ipinilig niya ang ulo. Gumagana na naman ang overactive imagination niya. Hindi por que dine-dead-ma siya ng mga bodyguard ni Hisoka, ibig nang sabihin ay utos nito iyon. Marahil ay sadyang ganoon lang talaga ang nakasanayan ng dalawa. Hindi pa lang siguro talaga siya sanay sa pakikisalamuha sa mga mayayaman. Kahit naman sina Mother Violy, hindi rin ugaling chika-hin ang mga tauhan nito. Bagay na hindi niya matutuhang gawin. Three years ago, isa rin siya sa mga utusang iyon.

Abala na ang piloto sa paghahanda sa pag-take off ng chopper. Anumang sandali ay aangat na sila.

Excited na pinagsalikop niya ang mga kamay. "Hindi ako takot sa matataas na lugar. Noong bata pa ako, paborito kong tambayan ang bubong n'ong bungalow na tinutuluyan ng mga madre at social worker sa bahay-ampunan. Masarap kasing magpalipad ng saranggola roon. Kaso, tuwing mahuhuli ako roon nina Nanay Melay at Sister Merry, wala akong ulam na karne sa hapunan. Gulay at sabaw lang," pagkukuwento niya kay Hisoka.

Nakakunot ang noong sumulyap ito sa kanya. "You were in an orphanage? You don't have any family left?" tila nababaghang tanong nito na para bang noon lang ito nakarinig ng tungkol sa isang taong nagmula sa ampunan.

Kunsabagay, sa laki ng angkan nito, malamang nga ay imposible para dito ang ideya ng isang taong walang matatawag na pamilya, kahit pa sabihing medyo malayo ang loob nito sa ibang mga Aseron. Iyon ay base sa mga kuwento ni Lola Dorinda sa kanya tuwing nagkikita sila ng matandang babae para sa monthly bonding time nila kasama ng iba pang babaeng apo nito.

ASERON WEDDINGS-IF I DON'T HAVE YOUTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon