CHAPTER 1

10.1K 135 9
                                    


CHAPTER ONE

KUNG hindi lang desperado si Charie, matatawa siya sa hitsura niya nang mga sandaling iyon. Ang getup niya ay katulad ng kay Jackielou—ang sekretarya ng manager niyang si Mother Violy. Nakasuot siya ng napakaluwang na damit, may makapal na salamin sa mga mata, at mahaba at makapal na wig na hawig sa buhok ni Jackielou. Hindi siya natatawa sa hitsura ng may-katabaan at may-pagkamanang manamit na sekretarya. Kinailangan lang niyang gayahin ito para makalusot sa matitinik na bodyguard na nasa labas ng hotel suite niya.

Natatawa siya sa ideyang nagmistula siyang espiya ng gobyerno kung maglakad at magpakatago-tago sa likuran ng malalaking halaman na dekorasyon sa mahabang pasilyo ng hotel. Kumukubli siya saanmang sulok na maaari niyang pagkublihan sa pag-aalalang may makakilala sa kanya at ialerto si Mother Violy na kasalukuyang nakikipag-meeting sa record producers ng bagong label kung saan siya gagawa ng next album niya. At tuwing may nakakasalubong siyang guest o staff ng hotel, kunwari ay may dinudukot siya sa bag niyang kasya yata ang buong mundo sa laki upang maitago niya ang mukha niya.

Giveaway kung sakali ang mga iyon sa pagpa-panggap niya dahil malabong gawin ni Jackielou ang mga iyon. Hindi nito ugali ang magdala ng bag. Para din itong colonel ng militar kung maglakad—tuwid na tuwid ang tindig at deretso sa unahan ang tingin. At nanunuot ang tinging ipinupukol nito sa sinumang makasalubong na maging ang dalawang bodyguard ni Mother Violy na sina Iego at Julio ay ilag dito.

"Ang laki talaga ng utang ko sa iyo, Jackie. Salamat nang marami," anas niya sa sarili habang binabagtas ang eleganteng pasilyo ng Hishima Hotel and Casino. Ilang hakbang na lang at malapit na siya sa kinaroroonan ng mga elevator.

Jackielou Dimasupil was a firm believer that for chaos not to reign on earth, kailangang sumunod palagi sa batas at moral code ang mga tao. Pero para sa kanya ay binale-wala nito ang sariling prinsipyo nang pumayag itong tulungan siyang matakasan kahit pansamantala ang manager niya na ayaw paawat sa pagmamanipula sa buhay niya. Magkatulong ito at ang personal assistant niyang si Ronnel sa pagdadamit at pagme-make up sa kanya upang makamukha niya ito upang malaya siyang makaalis ng hotel nang hindi agad naipapaalam ng mga bodyguard niya sa kanyang manager.

And yet there she was, repaying the other woman for her help by ruining her reputation as a prim and proper lady by making a mad dash for cover every time she suspected that someone was looking too closely at her. Nag-aalala kasi siya na mabisto dahil sa pagkakaiba ng height nila ni Jackielou. Pakiramdam din niya ay wala na sa porma ang mga pading na inilagay ni Ronnel sa tiyan at likod niya upang magmukha siyang kasinlaki ni Jackielou.

Mas mabuti siguro kung tumawag na lang sila ng propesyonal na make-up artist at prosthetics expert para kuhang-kuha talaga ang hitsura ni Jackielou. Ngunit tiyak namang makakarating iyon kay Mother Violy at sa mga espiya nito at malamang na mabuko rin agad sila.

Ang sabi naman ni Ronnel, kayang-kaya daw niyang magpanggap bilang si Jackielou. Kayang-kaya nga raw niyang gayahin ang boses ng babae. Mas madali na raw niyang magagaya ang pagkilos nito. Huwag lang daw siyang matataranta o magpapahalata sa ibang tao na kinakabahan siya dahil tiyak na mabubukong pang-singer lang siya at hindi pang-actress.

Mas tiwala pa ito sa kakayahan niyang umarte kaysa sa sarili niya. Pero hindi naman kasi siya artista, kahit anong pilit ng manager niya na hindi niya kasalanan na hindi tinangkilik ng tao ang nilabasan niyang teleserye noong isang taon. Aminado kasi siya sa sarili na kahit gaano pa kadali ang role na ibigay sa kanya sa pelikula o telebisyon ay hindi niya iyon magagampanan nang maayos.

Singer siya. Sa pag-awit lang siya mahusay, hindi sa pagda-drama. Sa malas, ayaw iyong tanggapin ni Mother Violy. Gusto nitong lalo pang samantalahin ang popularidad ng mga novelty song na pinasikat niya. Kaya pilit siyang isinasali nito sa kung saan-saang programa sa telebisyon.

ASERON WEDDINGS-IF I DON'T HAVE YOUWhere stories live. Discover now