Durian

311 12 9
                                    

"Nang, papasok na ako sa trabaho ko. Hindi na kita matutulungang mag-impake ng mga gamit mo, pero bukas ihahatid naman kita sa terminal papunta sa Manila. Doon ka susunduin ni Margie," nagmamadaling mong sinabi sa nanay mong nakahiga na sa sarili niyang latag sa sahig.

Bago ka tuluyang lumabas sa maliit na apartment mo ay tiningnan mo muna ang iyong kabuoang postura sa salamin, ito'y nakasabit sa likod ng pinto. Pinantay mo ang pulang marka na pinahid mo sa'yong mga labi kanina bago ka kumain ng hapunan. Sinilip mo ang kanan at kaliwang parte ng iyong mukha, sinipat mo kung mayroon bang dumi o mali sa make-up na nakapatong sa iyong balat.

Nang makasigurado kang perpekto na ang replica mo sa salamin ay lumarga ka na sa daan, bitbit-bitbit ang shoulder bag na regalo sa'yo ng ex-boyfriend mo noong huling buwan. Kahit makipot ang eskenita at madilim ang daan ay hindi mo iyon ininda, para kang modelo kung rumampa gamit ang halos isang dangkal na heels ng sapatos mo.

Humahalo sa ingay ng kalye ang iba't-ibang tunog ng sipol na iniaalay ng mga lasing para sa'yo, nagbabakasakali siguro sila na iyong mapansin. Ngunit ang tanging sagot mo lang sakanila ay ang pagwasiwas ng iyong buhok at kembot ng iyong likod. Hindi mo sasayangin ang oras mo sa mga taong walang ginawa kung hindi lunurin ang atay nila sa alak.

"Isang lights," nakakaakit mong bigkas sa binatilyong nakatao sa tindahan na nakapwesto sa dulo ng kanto.

"Miss, ito tatlong lights libre ko na sa'yo." Hindi mo mapigilan ang pagkorte ng iyong labi dahil sa sinabi ng iyong kaharap.

Pinadaanan ng iyong dila ang malambot mong mga labi bago ka sumagot sa sinabi sa'yo ng binata. "Salamat sa yosi, dapat pala ikaw na lang ang laging nagbabantay dito sa tindahan niyo tuwing gabi. Ang sungit kasi ng nanay mo."

"Bakasyon na kasi namin kaya tumutulong ako kay nanay tuwing gabi," masiglang tugon naman niya sa'yo.

Lihim kang napangiti, mukhang ikaw yata ang tipo ng lalaking nakatao sa tindahan. Marahan mong tinaas ang iyong tingin, hanggang sa mahanap mo ang mapupungay na mata ng binatilyo. Hindi mo pinahalata na sinusuri mo ang bawat sulok ng kanyang mukha. Halos magsugat na ang makapal mong labi sa diin nang pagkakagat mo rito, hindi kasi mapigilan ng katawan mo ang magreact pagnakakasilay ka nang gwapo. Sayang lang dahil hindi ka talaga pumapatol sa mas bata pa sa'yo.

"Ah ganoon ba? Sige, mauna na ako. Malalate na kasi ako sa trabaho ko. Kita-kits na lang ulit bukas," pagkatapos ay hindi ka nagdalawang-isip na kindatan ang lalaking nakatunghay na sa tindahan na kanyang binabantayan.

"Sige miss, ingat!" napangisi ka pa nang marinig mong pumiyok ang binata sa huling sinabi niya.

Tumingin ka sa orasan para tiyakin na hindi ka pa malalate sa iyong trabaho. Dumukot ka sa loob ng iyong bag para kapain ang lighter na inilagay mo kanina ro'n. Sinubo mo ang stick ng yosi sa'yong bibig at dahan-dahang pinindot ang lighter mong bago. Humigop ka ng dalawang beses para magsindi ang dulo ng yosi mo.

Sumandal ka sa may poste habang nag-aabang ng masasakyan. Hithit buga, ang ginagawa mo habang inaaliw mo ang iyong sarili para hindi mabagot sa paghihintay ng customer. Pero naubos na ang dalawang stick na nilibre sa'yo kanina wala pa ring nagbabakasakaling huminto sa harapan mo. Tinapon mo sa daan ang huling sigarilyo na may bakas pa ng iyong labi saka mo ito inapakan para mamatay ang sindi.

Nakabusangot ang iyong mukha pero hindi mo iyon alintana dahil kung tutuusin ay kahit wala kang kolorete sa mukha ay maganda ka pa rin. Makinis ang balat. Mahaba ang buhok. Makapal na mga labi. Malulusog na dibdib. Matambok na likod. Kaya nga maraming naiinggit sa'yo, wala silang humpay kakasira sa pangalan mo.

Mukhang malas ka ngayong gabi, kaya nagpasya kang pumunta na lang sa club na pinagtatrabahuhan mo. Magsisimula ka na sanang maglakad nang biglang may yumakap sa may likod mo. Malalaki ang bisig ng taong iyon, kaya pakiwari mo'y lalaki ang gumawa sa'yo no'n. Sinubsob pa niya ang kanyang mukha sa may bandang leeg mo. Marahan, kaya naman hindi mo mapigilan ang kiliting nararamdaman mo.

Patikim ng BuhayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon