Entry#4: ELAINE

157 10 87
                                    

Heto na naman ang pamilyar na bigat na tila dumadagan sa kaniyang dibdib. Pilit na kumawala ang humahangos na paghinga mula sa kanyang bibig. Tila ba may mga tanikalang sumasakal sa kanyang leeg, nakatutulig ang bawat dagundong ng kaniyang puso.

Tagaktak na ang pawis sa kanyang mukha at leeg, maging sa likuran kung saan kumakapit ang tela ng kamisetang suot. Ramdam niya ang bawat agos ng kanyang pawis, maging ng matinding kilabot na ngayo'y gumagapang sa kaniyang buong katauhan.

"H-Huwag . . ." nauutal niyang sambit, nanlalaki ang mga matang nakatitig sa limang duguang katawan na nakatayo hindi kalayuan mula sa kaniyang harapan.

Unti-unting lumalapit ang mga ito na tila nakalutang sa hangin. Ang tatlo ay nakatayo, samantalang ang dalawa ay gumagapang sa madilim na sahig, nagpupumilit na makalapit patungo sa kaniyang kinaroroonan. Napako siya sa kinatatayuan, hindi maigalaw ang nanginginig niyang mga binti.

"H-Huwag k-kayong l-lumapit!" nanginginig niyang sigaw.

Pinilit niyang humakbang, ngunit hindi matinag ang kaniyang mga paa. Hindi siya makagalaw. Malapit na sila.

Umihip ang napakalamig na hangin. Nasamid siya nang manuot sa kaniyang ilong at bibig ang nakakasulasok na amoy ng dugo at nabubulok na bangkay. Tila ba nalalasahan na niya mismo ang kamatayan na unti-unting gumagapang para hatakin siya sa walang-hanggang kadiliman.

Nagtaas siya ng mukha at lalong binalot ng takot nang makitang ilang hakbang na lamang ang layo nila. Umuugong sa madilim na lugar na iyon ang paulit-ulit na sinasambit ng mga ito.

"Tingnan mo. . ."

Nakaramdam na siya ng pagkataranta.

"Tingnan mo. . . Tingnan moooo!"

Napatakip siya sa magkabilang tainga. Ayaw na niyang marinig ang daing ng mga ito na hindi niya maintindihan kung ano ang nais iparating. Pumikit siya ng mariin, pinipilit na burahin ang kanilang makapanindig-balahibong mga imahe. Nanigas siya nang maramdaman ang malalamig na bagay sa ibabaw ng kaniyang mga kamay. Napamulat siya.

Naglaho ang kulay sa kaniyang mukha. Ilang hibla lamang ang layo ng maputlang mukha ng isang babaeng kamamatay lamang noong isang araw. Nanlilisik ang walang buhay na mga mata nito, lumuluha ng dugo. Puno ng galit at hinanakit ang nakalukot nitong mukha.

"TINGNAN MOOOOOO!" ang napakalakas nitong sigaw.

"AAAAAAAAAAHHHH!"

Humahangos na napabalikwas ng bangon si Elaine mula sa kaniyang higaan. Tarantang nilingon niya ang paligid at bawat sulok ng kaniyang pamilyar na kwarto. Siya lamang ang naroroon.

Isa nanamang bangungot.

Huminga siya ng malalim at pilit na pinakalma ang nagkukumawalang puso. Ramdam na ramdam pa rin niya ang takot, maging ang malamig na balat ng kaluluwang humawak sa kaniyang mga kamay.

"Hindi na yata talaga ito matitigil. . ." bulong niya sa sarili.

Bata pa lamang siya ay nakakakita na siya ng mga kaluluwang hindi matahimik. Noong una ay hindi siya pansin ng mga ito. Ngunit nitong mga nakarang buwan ay nagsunod-sunod na ang kaniyang mga bangungot. Kung saan naroroon ang mga kaluluwang biktima ng karumal-dumal na mga pag-patay.

Ito rin ang dahilan kung bakit wala siyang kaibigan. Tinatawag siyang baliw at salot ng karamihan. Iyon ay dahil sa mga nangyayari nitong mga nakaraang buwan. Sa tuwing nakakakita siya ng kaluluwa ay mayroong namamatay.

Nagsimula iyon noong araw na tuksuhin at saktan siya ng tatlong estudyanteng magkakaibigan sa loob ng kanilang eskwelahan. Habang binabato siya ng kung anu-ano ay isang kaluluwa ng bata ang nakita niyang malungkot na nakatitig sa kanya mula sa isang duyan.

TAMBAYAN LITERARY CONTESTWhere stories live. Discover now