Prologue

332 46 8
                                    

Ang isipang mapagalitan ni Mama ang nagpakabog nang husto ng aking puso. Kakagaling ko lang ng paaralan pero imbes na masiyahan dahil sa wakas ay makapagpahinga na ako, kaba at nginig ng aking katawan ang namuno. Rinig at ramdam ko ang pagdoble ng kabog ng aking dibdib nang sinimulan kong tahakin ang daan pagkababa ng traysikel.



"Abay, Bakit ngayon ka lang?" galit na banggit ni Mama na inantabayan ako sa aming pintuan. Ipinagkrus niya ang kanyang kamay sa kanyang dibdib at pinandilatan ako ng tingin. "Anong oras ba ang uwi niyo? Alas sais na!"



"May ginawa pa po kaming project, Ma." pangangatwiran ko habang nakayuko. Mas nanaisin ko na lamang titigan ang suot kong sapatos kaysa salubungin ang mga matatalim na tingin ni Mama.



"Project?" tumango ako. Napaigtad ako mula sa aking kinatatayuan sa hindi inaasahan niyang pagsigaw. "Puro ka nalang project! Sa tuwing ginagabi ka ng uwi, PROJECT at PROJECT nalang palagi ang ipinangangatwiran mo!"



Parang may kung anong matigas na bakal ang bumara sa aking lalamunan na kahit likido ang aking laway ay nahihirapan akong lunukin ito.



"Noong isang araw gabi ka ring nakauwi. Eh, gusto mo yatang mabuntis! Grabe ka rin namang bata ka!" pagalit na singhal ni Mama. "Hindi mo ba alam na naririndi na ako sa pakikinig sa mga katwiran mo?"



Nanatiling tikom ang bibig ko dahil kahit kailan ay hindi ko kayang sagutin si Mama.



"Mas mabuti pa 'yong kapatid mo kaysa sa iyo! May pakinabang pa, eh, ikaw? Wala ka na lamang ibang ginawa kung hindi ang magpabigat at magdala ng problema sa pamamahay na ito!" Mapait kong kinagat ang aking pang-ibabang labi nang mariin niya akong dinuro.



Parang sinapak ng isang batikang boksingero ang dibdib ko nang marinig ko ang mga katagang iyon na nanggaling pa mismo sa bibig ng aking ina. Lumupaypay ang diwa ko at namanhid ang aking buong katawan.



"Mas nakabubuti sigurong lisanin mo na ang pamamahay na ito, nakakapagod ka nang ayusin." aniya sa matigas na pananalita. Napaangat ako ng tingin. Nabigla ako sa sinabi ni Mama at hindi agad ito naproseso ng aking isipan.



Lumantad sa aking harapan ang mga bag ng binuksan nang malaki ang aming pintuan. Buong tapang ko itong dinaluhan at tiningnan isa-isa kung ano ang nilalaman. Napatakip ako sa aking bibig.



Mga gamit ko ito!



"Mama naman, maawa po kayo sa akin!" Tumayo ako at niyakap siya habang patuloy na tumutulo ang aking luha. "Patawarin mo ako, Mama. Sisikapin at ipinapangako ko po na hindi na ako gagabihin ng uwi. Patawad, Mama. Patawad!"



Humagulgol ako sa kanyang dibdib at hindi itinigil ang paghingi ng tawad ngunit hindi iyon naging matagumpay dahil buong pwersa niyang kinalas ang braso kong mahigpit na nakayapos sa kanyang baywang.



"Tama na, Ellise." pasya ni Mama nang hindi ako sumuko upang mayakap ulit siya. "Huwag mo ng pagurin ang sarili mo. Huwag mo nang ipagpilitan na isiksik ang sarili mo sa pamamahay na ito dahil hindi ka naman angkop sa bawat anggulo."



Natigilan ako na para bang binuhusan ng malamig na tubig ang buo kong katawan. Totoo nga ang sinabi nila, na lubos na nakakapinsala ang masasakit na salita laban sa kilos. Dahil hindi naman ganito kasakit ang naramdaman ko sa ginawang paglisan ni Papa sa amin. Dinurog nito ng sobra ang aking munting puso, na kahit gustuhin ko mang bumalik sa dati ngunit pati ako ay naguguluhan kung saan at ano ang uunahin ko.



"Huwag na huwag ka ng bumalik dito." Hindi ko lubos batid kung bakit mas lalong naging malamig sa akin si Mama ngayon. Ang sakit pero ayokong sumuko. Isang paraan na lamang ang natitira, ito ay ang lumuhod sa harapan niya at magmakaawa.



Napapikit ako nang naramdaman ang sakit ng aking tuhod ngunit hindi ko na ito inalinta pa. Nakikiusap kong tiningala si Mama ngunit ang kahuli-hulihan kong pag-asa ay agad na nawasak.



"Kahit lumuhod ka pa riyan, wala ka pa ring mapapala. Buo na ang desisyon ko, Ellise. Kung ako sa iyo tumayo ka na riyan para makaalis na." Lumupasay akong napaupo habang humihikbi.



Umiling ako. "Mama, alam kong hindi tayo palaging nag-uusap ngunit alam kong mahal mo ako. Hindi mo makakayang gawin ito sa akin dahil anak mo ako, Mama, anak mo ako! Pakiusap!"



Suminghal siya at pinandilatan ako ng tingin. "Nahihibang ka na ba? Inalagaan lamang kita dahil kagustuhan iyon ng Papa mo pero ngayong iniwan na niya tayo, tapos na rin ang serbisyo ko sa iyo."



Niyakap ko ang aking mga tuhod at umiling. Hindi ako naniniwala, hindi. Nakatulala kong pinagmasdan ang aking mga gamit na nakabalot sa aking harapan. Ubos na ang luha ko, pati na rin ang sarili ko.



Nabuhayan ako ng loob nang lumipas ang ilang minuto ay hinawakan ni Mama ang magkabila kong siko upang makatayo. Isang mahigpit at puno ng emosyon ang ginawa kong pagyakap sa kanya.



"Huwag ka nang mag-aksya ng oras." Napalitan ng mapanglaw na ngiti ang masaya kong mukha. Wala akong naging kilos ng isa-isang binuhat ni Mama ang mga bag at inilagay sa labas ng aming bahay. "Mag-iingat ka na lang sa daan."



Nagpatinaod ako nang hilain niya ako pababa palabas ng bahay. Napakurap ako habang hinarap ang aming pintuang dahan-dahang isinara. Ang hirap ihakbang ng mga paa ko papalayo sa aming bahay. Hindi ko alam kung dahil lang ba ito sa tatlong mabibigat na bag na dala ko.



Mapait akong napangiti at tinanaw ang aming bahay. Tama nga ang sinabi ng Tito, na matibay nga ang aming ipinatayong bahay dahil mas nauna pang nasira ang aming pamilya.



Hanggang sa muli, Paalam!


Not Enough (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon