SI ORANGE: Chapter 20

1K 25 17
                                    

"HOY, ano'ng problema mo?" tanong ni Carlo kay Orange sa ikatlong pagkakataon.

Tumalikod siya sa pagkakahiga. Hindi niya gustong kausapin si Carlo sa mga sandaling iyon. Hindi niya magagawang sabihin rito ang sinabi ni Marsha. Tumututol ang kalooban niya. Sumasakit ang puso niya isipin pa lamang na makakasama nito ang kanyang si Carlo.

'Si Carlo, sa'yo? Nababaliw ka na ba, Anastacia? Alam mo kung ano ang totoo, huwag kang mangarap.'

"Baby Girl..."

"Carlo, please. Masakit ang ulo ko!"

"Ang aga pa. Mag-usap muna tayo," anito sabay kiliti sa tagiliran niya. Hinarap niya ito at saka itinulak ang likod nito gamit ang kanyang mga paa. Itinukod ni Carlo ang kamay sa sulok ng kama para malabanan ang puwersa niya pero dahil makitid ang kinakapitan ay nakabitiw ito at diri-diretsong nakarating sa couch na nakadugtong sa kama. Tatawa-tawa itong humarap sa kanya. "Ang lakas mo, misis!" biro nito.

"Tse! Umayos ka at gabi na. Matulog ka na at maaga pa tayo bukas."

"Okay," maikli nitong tugon.

Tumayo ito at saka pinatay ang ilaw. Tanging pulang ilaw sa sulok ng silid ang natira nilang liwanag. Pero ilang sandali na ang lumipas ay hindi pa rin siya makatulog. Wala siyang ginawa kundi ang tingnan ang glow in the dark clock na nasa bedside table. Kinse minutos at ganap nang alas-onse. Ano ba'ng gagawin niya?

"Tasha..."

Nakagat niya ang labi.

"Alam kong may gumugulo sa'yo. Care to tell me?"

"Wala. Akala mo lang iyon," aniya na hindi nililingon ang lalaki. Niyakap niya nang mahigpit ang unan niyang hawak at ibinaon ang mukha roon.

"Bakit panay tingin mo sa orasan? May date ka ba?"

"Tumigil ka nga..."

"Mabuti naman dahil hindi uubra kung meron man. Sinasabi ko sa'yo..."

"At bakit? Paano kung meron nga?" aniyang bahagyang lumingon sa gawi nito.

"Hindi kita papayagan. Mapapanot kahihintay ang boyfriend mo pero hindi kita papayagang umalis."

Sa isinagot nito ay nabuhayan siya ng loob. Bumangon siya at naupo sa kama. Sumandal sa headboard at saka ibinaluktok ang mga tuhod. Tumingin siya sa gawi ni Carlo at naramdaman niyang bumangon rin ito. Ilang saglit lang ay nakatabi na ito sa kanya.

"Sorry Tasha, pero hindi talaga kita papayagan kung may date ka—not unless you will let me come with you."

"Kung may date ako, hindi mo ako papayagan, tama?"

"Kasasabi ko lang."

"Pero bakit? Dahil sa mama mo?"

"Oo siguro. Dahil doon...at dahil...ayoko. Hindi puwede kaya huwag ka nang maraming tanong. Basta hindi puwede. Period. Exclamation point but no question mark allowed."

"I like that."

"Huh?"

"Ibig sabihin, kung ikaw naman ang may date, puwede ring hindi ako pumayag 'di ba?"

"Dahil?"

"Dahil ayoko at huwag ka nang maraming tanong. Basta hindi puwede. Period. Exclamation point but no question mark allowed."

Natawa si Carlo, tuwang-tuwa na halos ay malaglag na sa kinauupuan.

"It's not funny, Carlo. I'm serious."

"Okay. Pero wala naman akong date kaya hindi mo kailangang sabihin 'yan."

"Meron."

Natigilan ito. Inilahad niya rito ang naging pag-uusap nila kanina ni Marsha. Habang nagkukuwento ay unti-unting bumibilis ang tibok ng puso niya dahil sa matinding kaba. Paano kung pumayag si Carlo? Paano kung lumipat ito sa silid ni Marsha at...at...paano na?

SI ORANGE (The Pinay Cinderella)Where stories live. Discover now