Entry #4: ANAstacia

Start from the beginning
                                    

Alam na alam na nila ang mga ganitong tagpo kaya't hindi na rin ako magtataka. Kay tagal ko na ring nagpapabalik balik dito at hindi na bago sa akin ang tagpong ito maging ang kanilang pagttsismisan tungkol sa akin, wala naman silang magagawa laban sa kapangyarihan ko.

Napamulat ako nang may biglang kumatok sa opisina ko. Tumayo naman ako upang pagbuksan ang tao sa pintuan. Nang makita ko siya, ayon na rin sa kanyang kasuotan, isa siyang janitor.

Binati niya ako at agad na nagdiretso upang simulan na linisin ang aking opisina. Lumabas naman ako saglit upang tingnan ang aking mga empleyado. Napagdesisyunan ko na ring pumunta sa banyo.

Pagkatapos kong i-flush ang inidoro ay tila ba may kumirot sa may bandang dibdib ko.

Paglabas ko ng cubicle ay agad kong nakita ang aking itsura at napasigaw ako.

"Hindi ito maaari! Paano---" Napatigil ako nang mapagtanto ko ang mga bagay bagay.

Tama! Itong pagkirot na ito ay nararamdaman ko na doon pa lamang sa bakasyunan. Ang buong akala ko ay kinailangan ko lamang ng panibagong dugo ng hayop upang magamot ang mga pagkirot. Ngunit hindi pala, nalinlang ako!

Agad akong bumalik sa aking opisina at tama ang hinala ko. Nadatnan ko ang janitor sa aking la mesa, hawak hawak ang isang bagay na hindi dapat mahawakan ng iba.

Laking gulat ko nang makita ko itong may crack na.

"Anong ginawa mo!" Sigaw ko sakanya ngunit ngumiti lamang siya.

"Ano pa nga ba, Anastacia? Pinapalaya ko si Ana upang makabalik na siya jan sa kanyang katawan!" Nagngingitngit naman ako sa galit sa kanyang tinuran.

"Magtigil ka! Isa ka lamang Kinnara at wala kang karapatan na kalabanin ako! Hindi mo ako kaya!" At doon ko na inilabas ang totoo kong anyo.

Maputla at tila tuyong mga balat na halos dikit na sa aking buto. Mapupulang mga mata at mahahabang kuko. Maging ang nakakatakot na matatalas kong ngipin. Hindi na ako nagdalawang isip pa na ipakita ang lahat ng ito sa kanya, dahil ito na ang huli niyang pagkakataong mabuhay sa mundo.

Matapos magpalit-anyo ay sinugod ko siya ngunit nakaiwas lamang siya sa aking pag-atake. Dahil na rin sa isa siyang Kinnara, isa sa mga kakayahan niya ang magbagong anyo, ang gawing pakpak ang kanyang mga kamay at maging ang kanyang mga paa ay naging balahibo na gaya ng sa ibon.

"Hindi ako matatalo ng mga pakpak mo! Alam mo iyan!" At muli ko siyang inatake. Umiiwas lamang siya at pilit na inilalayo sa akin ang kwintas na simbolo ng aking pagiging engkanto. Hindi ito maaaring mapunta sa kamay ng iba!

"Hindi man kita mapatay, kaya kong mapalaya si Ana mula sa'yo. Sa pamamagitan ng aking dalisay na puso. Alam mo kung gaano kalakas ang kabutihan ng puso naming mga Kinnara." Buong tapang niyang sabi sa kabila ng kanyang mga sugat sa katawan. Kahit na umiwas siya ay nadadaplisan ko pa rin siya.

"Huwag na tayo maglokohan dito at tigilan mo na iyang kahibangan mo, hindi mo ako kaya!" Muli akong sumugod sakanya ngunit patuloy lamang siya sa pag-iwas at ngayon ko lamang napansin na kanina pa bumubuka ang kanyang bibig. Tila ba may sinasabi siya. Nanlisik ang mga mata ko sa kanya.

"Isang orasyon..." Turan ko sa aking sarili. Napatigil ako sa pagsugod at ibinalik ang anyo ko bilang tao. Tila ba bigla akong nanghina. Hindi ito maaari! Gaya ng sinabi ko hindi ako babalik sa kinasadlakan kong kahirapan!

"Huwag! Hindi pwede!" Sigaw ko sakanya at pilit na inaagaw ang aking kwintas. Hindi ito maaaring mabasag, masisira ang buhay ko. Hindi iyon pwede mangyari! Hindi ako maaaring bumalik sa aming mundo, ayoko!

Unti-unti namang nagbalik sa akin ang ilan sa mga masasakit na alaala.

"Isa kang kahihiyan sa ating lahi."

"Tama ang iyong ina. Kaya lumayas ka na dito at huwag na huwag ka na muling babalik."

Dinamdam ko ito at ipanangako sa aking sarili na mabubuhay ako nang wala sila sa aking tabi. Kaya kong umangat sa sarili kong paraan.

Ngayong nandirito ako sa mundo ng mga tao, pinili kong manirahan sa isang puno upang doon makapagkubli. Wala akong ibang matitirahan kundi ito.

Tahimik akong nagmamasid sa kalangitan ng bigla na lamang may mainit na kung ano sa ibaba. Pagtingin ko rito ay may apoy.

Nataranta ako at agad na humanap ng ibang mapupuntahan. Sa sobrang pagkataranta ko ay hindi ko namalayang napunta ako sa isang lugar ng tao.

"Sino ka?" Turan ng isang babae. "Ikaw ba yung nakatira doon sa puno? Pasensya na kung sinunog iyon ng mga magulang ko, wala akong nagawa para mapigilan sila, ayaw nilang maniwala sa akin na may nakatira roon. Patawad."

At doon namuo ang galit ko sa mga tao. Wala naman akong ginagawa sakanila ngunit sinira nila ang aking tirahan. Kung gayon, bilang kapalit...

Natauhan ako bigla nang may nagsalita.

"Anak! Anong ginagawa mo, Ana?" Napalingon ako sa nagsalita. Ang ama at ina ni Ana. Sinundan ko ang tingin nila at nakita kong sakal sakal ko ang Kinnara na ngayon ay muli ng nag-anyong tao, bilang janitor.

Tinuran niya ang huling salita ng orasyon at nabitawan ang aking kwintas bago siya tuluyang malagutan ng hininga.

Nanlaki ang mga mata ko sa pagkabigla sa mga nangyari. Ni hindi ko na namalayan na napatay ko na ang Kinnara, sa harapan ng aking mga magulang.

"Ama, ina... nagkakamali po kay--"

"Magtigil ka! Hindi ikaw si Ana! Nakita namin! Nakita namin kung paano mo kinuha ang aming anak!" Paanong? Napalingon ako sa nakahandusay na Kinnara at doon napagtanto kung para saan ang orasyon na ginagawa niya kanina.

Upang mapapunta rito ang mga magulang ni Ana at masaksihan nila ang isang bahagi ng aking alaala.

Hindi ito maaari. Hindi maaaring mawalan muli ako ng tirahan.

"Nasaan ang aming anak! Ibalik mo si Ana!" Muling sigaw sa akin ng kanyang ina.

Pinulot ko ang kwintas ko sa may tabi ng Kinnara at tiningnan ito.

Muli akong humarap sa kanila at binigyan lamang sila ng nakakapangilabot na ngiti.

Nagbigay ito ng kakaibang pakiramdam sakanila ngunit patuloy pa rin sila sa pagsigaw sa akin.

"Nasaan si Ana!"

"Tinatanong ninyo ako kung nasaan si Ana? Ako si Ana, ako ang inyong anak. Nahihibang na ba kayo?" Sabi ko habang unti-unting lumalapit sa kanila.

"Ibalik mo si Ana!" Muli nilang sigaw sa akin.

Tinawanan ko lang sila at binigay ang aking huling salita bago sila sumunod kay Ana.

"Si Ana? Nasaan na nga ba si Ana?"

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Sep 03, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Watty Writer's Guild Journal 2 Where stories live. Discover now