"Ary, bakit bigla kang hindi namamansin?" Habol niya sa'kin pero hindi ko pa rin siya pinansin.

Tinawag na niya 'ko sa pangalan ko, ibig sabihin kailangan mo na siyang sagutin. Pero hindi pa rin ako nagpatinag.

Napapikit naman ako ng madiin dahil wala pala kong dalang tubig. Akmang maglalakad ako pabalik nang hawakan niya 'ko sa braso. "Ary." Mariing banggit niya.

"Nauuhaw na ko. Bibili ako ng tubig." Naiinis na sagot ko.

Hindi naman siya nagsalita at hinila ko pabalik ng cafeteria.

"Manang, isa nga pong mineral water. Pakibilisan po para kausapin na 'ko ng mahal ko." Seryosong sabi niya sa nagtitinda.

Nakita ko namang napangiti 'yong tindera at kaagad na kumuha ng tubig. Binayaran naman niya at hinila 'ko paupo sa table.

"Uminom ka. Bilisan mo." Utos niya.

Uminom naman ako kahit naiilang ako dahil nakatingin siya. Pagkatapos kong uminom, kinuha niya sa'kin 'yong bote at sinara 'yon.

Tiningnan niya 'ko ng diretso sa mga mata ko. "Ngayon, sabihin mo sa'kin. Anong dahilan at iniwan mo 'ko tapos hindi mo pa 'ko pinapansin?" Seryosong tanong niya.

Napanguso naman ako at umiwas ng tingin.

Napabuntong-hininga naman siya. "Achy, pa'no ko malalaman kung anong kasalanan ko, kung hindi mo sasabihin?"

Napakagat-labi ako. "Ikaw kasi. Nalungkot ako dahil hindi tayo partner sa project tapos nakita ko ikaw nakipag-apir pa sa katabi mo. Ano, masaya kang hindi tayo partner? Mas gusto mong siya 'yong partner mo kaysa sa'kin?" Pagrereklamo ko rito. Tinitigan niya naman ako ng ilang segundo tapos maya-maya'y tumawa. "Tapos ngayon, tatawanan mo ko?" Naiiritang tanong ko.

"Kasi naman, Achy..." Tumawa nanaman siya. Tumayo siya at hinila rin ako patayo. "Nako. Napakaselosa talaga ng Achy ko." Napanguso naman ako nang yakapin niya 'ko.

"Zach. Nasa cafeteria tayo. May mga tao." Saway ko.

"Wala ng tao, Achy. Kasi late na tayo." Natatawang sabi niya. "Ikaw kasi. Nag-conclude ka nanaman. Una sa lahat, tomboy 'yong katabi ko." Nanlaki naman 'yong mata ko sa sinabi niya. "Oh, gulat ka 'no? Pangalawa, kaya kami nag-apir kasi pinayagan ako ni ma'am na ikaw na lang ang partner. Tapos masaya rin 'yong katabi ko dahil crush niya 'yong katabi mo."

"H-Ha? Hindi ba bading 'yong katabi ko?" Nagtatakang tanong ko.

"Ayaw mo no'n? Nasa matuwid na landas pa rin sila. Pero bakit mo ba iniiba 'yong usapan?" Pinitik niya ng pabiro 'yong ilong ko. "Hay, nako. Ang napakaselosa kong Achy. Na-late tuloy tayo dahil sa'yo."

Napayuko naman ako at napanguso. Napatawa naman siya't hinila na ko palabas ng cafeteria.

Babae kasi ako. Malambot 'yong puso ko. Hindi ko kayang tiisin 'yong mahal ko. Hindi ko kayang magalit o magtampo sakaniya ng matagal. Hindi ko kayang itaas 'yong pride ko. Mahal ko siya, at ayokong mawala siya sa'kin.

* * *

SABADO ngayon. Dapat masaya 'ko kasi may date kami ni Achy. Pero ewan ko ba, naiinis ako. Wala naman kaming pinag-awayan ni Zach nitong mga nakaraang araw.

"Ary! Nandito na si Zach! Bumaba ka na riyan!" Sigaw ni Mom.

Hindi ako sumagot at nagtaklob ng kumot. Tinatamad akong bumangon.

Narinig kong bumukas 'yong pinto. "Achy, bangon na. May date pa tayo, diba?" Malambing na sambit ni Zach. Pero nagpanggap akong 'di siya narinig at nanatiling nakahiga. "Achy, bangon na!" Pangungulit nito sa'kin habang inaalog-alog pa 'ko.

"Ano ba! Tinatamad ako! Magdate ka mag-isa!" Naiinis na sigaw ko sakaniya at bumalik sa pagkakahiga.

Nagtalukbong ako ng kumot. Hinablot naman ni Zach 'yong kumot ko.

"Ano ba! Natutulog 'yong tao!"

"Hindi ako sumama sa pagsundo kila Mom ngayon dahil naipangako ko sa'yong may date tayo. Tapos ngayon, sisigaw-sigawan mo 'ko?" Iritang tanong niya.

Babae kasi ako. Moody ako. Minsan masungit, minsan mabait. Kaya sa mga panahon na moody ako, sana intindihin niya 'ko. Kapag nagsusungit ako sakaniya, sana habaan niya ang pasensya niya. Sana hindi siya magsawa sa pag-iintindi sa'kin.

"Sino bang may sabi sa'yong piliin mo ko? Wala naman, diba? 'Di umuwi ka na!" Sigaw ko sakaniya at padarag na hinablot 'yong kumot sakaniya at nagtalukbong ulit.

"Hah, oo nga. Sino nga bang may sabi sa'king piliin ko 'yong mahal ko kaysa sa nanay ko? Sino bang may sabi sa'king 'wag kong sunduin 'yong nanay ko para lang sa date na 'to?" Narinig kong tumawa siya ng parang 'di makapaniwala. "Fine. Bahala ka." At narinig kong sumara na 'yong pinto.

Kaagad ko namang inalis 'yong talukbong ng kumot ko at umupo. Napahikbi na lang ako.

"Ary, bakit umalis si Zach— Oh, anong nangyari sa'yo? Bakit ka umiiyak?" Nag-aalalang tanong ni Mom pagpasok niya.

Umiling lang ako at nagpatuloy sa pag-iyak. Mukhang na-gets naman ng Mom at lumabas na.

Babae kasi ako. Iyakin ako. Kahit konting away lang, umiiyak ako. Hindi ko kayang nagagalit siya sa'kin, kaya iniiyak ko na lang. 'Yong tipong isang iyakan lang, okay na 'ko. At sa bawat iyak ko, nando'n 'yong takot na mawala siya sa'kin.

Napalingon ako nang marinig na bumukas ulit 'yong pinto. At do'n, nakita kong bumalik 'yong mahal ko. Meron sa loob ko na natuwa, dahil bumalik siya.

"Sabi ko na nga ba at umiiyak ka nanaman." Malumanay na sabi niya at tinabihan ako bago yakapin. "Sorry na kung napaiyak kita. Ikaw kasi. Excited ako sa date natin tapos biglang susungitan mo 'ko pagkadating ko. Nagtampo pa naman sa'kin si Mom dahil hindi ako kasama sa susundo sakaniya. Pero no'ng sinabi kong ikaw 'yong dahilan, pumayag naman siya kaagad at sinabing isama daw kita sa bahay. Do'n ko sanang balak dalhin ka." Sabi nito habang hinahaplos-haplos 'yong buhok ko.

Tumingala ako sakaniya na humihikbi dahil sa pag-iyak. "P-Pupunta tayo sa bahay niyo?"

Ngumiti naman siya at hinalikan ako sa noo. "Opo. Gusto kong ngayon pa lang maging komportable ka na sa pamilya ko, para kapag kinasal na tayo, hindi ka na maiilang sakanila."

Isinuksok ko naman 'yong sarili ko dahil tingin ko'y namumula 'yong mukha ko. "S-Sorry."

Natawa naman siya ng mahina. "Ano pa nga ba? Sanay na 'ko. Sa loob ba naman ng anim na taon na tayo, hindi pa ba kita maiintindihan? Tahan na. Aga-aga ang pangit mo." Napanguso naman ako sa sinabi niya at pabiro siyang hinampas sa dibdib niya. Napatawa naman siya. "Joke lang. I love you, Achy."

"I love you, too, Achy."

Babae kasi ako. Ako 'yong minsan dapat iniintindi. Sana sa mga panahon na nakikita niya 'kong nasasaktan at umiiyak, nandiyan siya para alalayan ako. Sana nandiyan siya para pasayahin ako. Kasi, siya lang naman ang kasiyahan ko.

One Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon