Marami na ang nagsialisan sa kani-kaniyang bahay ngunit marami pa rin ang naiwan. Magkakaiba man ng desisyon, lahat ay umaasa na matatapos ang gulong ito.

“Natatanaw ko na ang truck ng mga sundalo, Baby. Makakaligtas na tayo.” Isang ngiti ang iginawad ni Mela sa kanyang nobyo bilang sagot.

Pinahid na rin ni Mela ang kanyang mga luha bilang tanda na sila ay maliligtas na at hindi na dapat pang matakot. Lalo na at nasa tabi niya ang kanyang nobyo.

Habang papalapit sila sa truck ng mga sundalo ay isang pagsabog ang kanilang narinig, malapit lamang ito sa kanila kaya’t hindi naiwasan ni Mela ang mapasigaw at mapayakap sa nobyo.

“Bilisan ninyo! Nandiyan na ang mga rebelde!” Sigaw ng isa sa mga sundalo na nasa truck.

Kasabay naman nito ang hiyawan ng iba pa habang nagtatakbuhan patungo sa truck. Wala na silang pakialam pa sa mga nakakabangga at nadadapa. Lahat ay nagnanais na makaligtas, walang ibang iniisip kundi ang makatakas.

Nagmadali naman ang mag-nobyo na makasakay. Inalalayan si Mela ng kanyang nobyo na makaakyat at nang sasakay na rin siya, sigaw ng isang babae ang kanilang narinig sa di kalayuan.

Nagpalinga linga sila at nakita nga nila ang babaeng nadadaganan ng ilang mga gamit na nagmula sa mga nasirang bahay. Marahil ay dahil sa pagsabog kanina.

Hindi naman nag-dalawang isip ang kanyang nobyo na tulungan ang babae ngunit bago pa man siya umalis ng truck ay pinigilan siya ni Mela.
Hinawakan niya ang kamay nito at tinitigan habang lumuluha. Mga titig na nagsasabing: “Huwag…”

“Kailangan na nating umalis!” Sigaw muli ng sundalo habang nakikipagbarilan sa ilang mga rebelde na papalapit na.

Patuloy lamang ang iba sa pagtakbo at pagsakay sa truck.

“Baby halika na. Kailangan na nating umalis!” Pagmamakaawa ni Mela ngunit nagmatigas ang kanyang nobyo na tulungan ang babaeng may dalang gitara.

Nangungusap ang mga mata ni Mela. Nagmamakaawa na huwag na ngunit isang ngiti lamang ang iginawad ng kanyang nobyo sa kanya.

“Susunod ako baby, pangako, hahanapin kita, hindi kita iiwan. Mahal na mahal kita.” At hinalikan siya nito sa labi. Kasabay ng unti-unting pagbitaw ng kanilang mga kamay ay ang paghupa ng mga taong tumatakbo patungo sa truck.

Walang anu-ano’y umandar na ang truck kahit na may mga sumasakay at humahabol pa. Kailangan ng umalis kung hindi, lahat sila ay mamamatay.
“Baby!” Sigaw ni Mela nang makatakbo na ang nobyo patungo sa babae. “Kuya hindi pwede! Bakit tayo umalis? Kailangan natin siyang balikan! Pakiusap!” Ngunit hindi tumigil ang truck at hindi nakinig ang sundalo sa kanyang panaghoy.

Isang lingon na lamang ang kanyang nagawa hanggang sa unti unting hindi niya na makita ang nobyo dahil sa luhaan niyang mga mata.

Tulala lamang si Mela sa buong byahe habang patuloy na umiiyak ni hindi niya namalayan ang pagtigil ng sasakyan sa gilid ng simbahan.

"Kayo ng bahala sa kaniya," mula sa pagkatulala ni Mela ay napalingon siya sa lalaking ibinibilin sa kanya ang isang bata. Agad itong lumapit sa tabi niya.

"Makakaasa ka," tugon naman niya saka niyakap ang bata na umiiyak.

Lalo naman siyang napaluha dahil sa yakap ng bata. Hindi niya makakalimutan ang araw na ito, ang araw na nawalay siya sa kanyang pinakamamahal na nobyo dahil sa babaeng iyon.

Ilang araw at linggo na ba ang lumipas ngunit wala pa rin ang nobyo niya.

Araw araw tulala siya at hindi makakain.

Watty Writer's Guild Journal 2 Where stories live. Discover now