"Marie, bakit?" Akala niya'y hindi na niya magagawang makipag-usap o harapin man lang ito nang maayos matapos ang nangyari sa kanila ngunit heto at siya pa ang unang kumausap dito.

"A, C-Caleb...kasi..." Namula ang magkabila nitong mga pisngi. Napakamahiyain talaga nito, isang katangian na kanyang nagustuhan.

"K-kasi, ano...maaari ba tayong mag-usap kung ayos lang sa iyo?" Nakayuko ito, tila maiiyak.

Nabahala naman siya kaagad. Lumingon siya sa loob ng kanilang klase, kay Rommel, tsaka sa kanyang relo sa pulsuhan. "May twenty minutes pa bago magsimula ang klase namin, sige, saan mo gusto?"

"A...s-sa library?"

Nasa tapat lang ng department building nila ang library kaya nagpaunlak siya. Sabay silang nagtungo roon at dumiretso sa kaliwang sulok kung saan may bakanteng mesa at mga upuan. Hindi naiwasang punahin ni Caleb ang dating kasintahan, maganda pa rin ito at mayumi. Napakunot ang kanyang noo nang may mapagtanto sa sarili, walang tensiyon sa kanilang pagitan, hindi katulad nang pakiramdam niya kapag si Erina ang kaharap.

"I'm...sorry for what I did. Nalaman kasi ni kuya na nakikipagkita ako sa 'yo kaya tinapos ko ang tungkol sa atin." Magkasalikop ang mga palad nito sa ibabaw ng mesa. Hindi pa rin komportable sa sitwasyon.

"Akala ko ba alam sa inyo na tayo? Hindi mo sinabi?" Isang taon n'ya itong niligawan noong third year high school sila, naging sila sa sumunod na taon at nagtataka siya kung bakit ayaw nitong magpahatid sa kanila. Ngayon ay alam na niya kung bakit.

"S-sorry, Caleb...natakot ako e. Ayaw pa kasi nilang magkanobyo ako hangga't hindi ako tumutuntong sa gulang na labinwalo."

"Hindi ka lang sa kanila nagsinungaling, Marie, sa akin din. Ano na lang ang labas ko niyan, para namang niloko lang kita?"

"Kung...kung makapaghihintay ka ng dalawang buwan, mag-e-eighteen na ako, maihaharap na kita kina papa at mama."

Pinakatitigan niya ito, tinanong ang sarili kung paano niya itong minahal, bakit, at kung ganoon pa rin ang kanyang nararamdaman.

"C-Cale..." Ilang araw din niyang hindi narinig ang pagtawag nito niyon sa kanya.

Pinakawalan n'ya ang hiningang hinugot. Sumandig ang likuran sa sandalan ng silya. Dapat ay masiyahan siya kasi mahal niya ito, at wala pa ngang isang linggo na hiwalay sila, ngunit bakit hirap siyang tanggapin iyon?

"Cale?"

"Marie...hindi ko alam kung ano ang sasabihin."

"A-anong ibig mong sabihin?"

Umiba siya ng posisyon, tumungo, umiwas ng tingin.

"Dahil ba...sa babaeng kasama mo noong isang gabi sa parada?"

Natigilan siya, tsaka naalala na nakita nga pala nito ang ginawa ni Erina na paghalik sa kanya.

"Hindi--" Subalit ano nga ba ang kanyang irarason, na ito lang ang nagkusa at hindi niya iyon pinahintulutan? Na hindi naman siya apektado sa nangyari? Paano niyang ipaliliwanag na sa loob lamang nang ilang araw na pagkrus ng kanilang landas ni Erina ay may ilan ng mga nangyari? At paano niyang aaminin na dahil din kay Erina, saglit niyang nakalimutan ang tungkol dito?

"K-kayo na ba?" Nagsimulang bumalong ang luha sa mga mata nito.

"Hindi." Mabilis siyang umiling.

"Gusto mo na ba siya?"

"Hin...hindi." Humina ang kanyang tinig.

Pinahid nito ang luhang tumulo sa pisngi. "Gusto ka niya, ano?"

Once A Love Story - #Wattys2018 WinnerWhere stories live. Discover now