She now lived in Makati and had already been involved in two scandals concerning two rich older men. One was a TV producer, the other an executive in one of the big television networks in the country. Pero pagkatapos niyang makuha ang gusto niya sa mga ito, bigla na lang niyang iniwan ang mga ito tangay lahat ng pera at regalong ibinigay sa kanya sa panahon ng relasyon niya sa mga ito. Siya nga ang tinutukoy ni Lola Dorinda na babaeng kinalolokohan ni Lolo Nemo ngayon, Sir," lahad ni Antonio sa report na halos kabisado na rin naman niya.

Tumango-tango siya. Anuman ang gawin niya sa babae para matiyak na mailalayo niya ito sa lolo niya ay karapat-dapat lang na matamo nito.

Sa totoo lang, wala siyang pakialam kahit ano ang gustong gawin ni Lolo Nemo sa buhay nito. Matanda na ito. Dapat alam na nito na imposible nang may babae pang sumeryoso rito at hindi maghahabol dito dahil sa pera nito.

Wala siyang balak makialam nang unang isumbong ni Lola Dorinda sa kanya ang pinagga-gagawa ng lolo niya. Hangga't hindi siya direktang naaapektuhan ng mga ginagawa nito, wala siyang pakialam. Kung gusto nitong magpaloko sa isang babaeng mas bata pa sa kanya, magpaloko ito. Buhay nito iyon.

But there was one thing he could not easily ignore. At iyon ay ang kaalamang labis na nag-aalala at nasasaktan si Lola Dorinda habang nasasaksihan ang pagkaloko ng kapatid nito kay Charie Veil. Nag-aalala rin si Lola Dorinda sa balak daw ni Lolo Nemo na baguhin ang testamento nito. Nais daw ng lolo niya na alisin silang pamilya nito sa testamento at ipamana ang lahat ng kayamanan nito sa babaeng kinalolokohan nito.

Kung siya lang, walang kaso iyon sa kanya. Hindi niya kailangan ni isang kusing mula sa lolo niya. Subalit iba ang kaso kay Lola Dorinda at sa iba pang kaanak nila. Ang malaking bahagi ng mga ari-arian ng mga Aseron ay kay Lolo Nemo pa rin nakapangalan. Malaki rin ang shares nito sa kompanyang pag-aari ni Lola Dorinda, ang Circe Cosmetics Company. At kung totoong binabalak ng lolo niya na alisin ang mga kaanak nito sa testamento upang paboran ang Charie Veil na iyon, nangangahulugang ang babae lang ang magpapakasasa sa kayamanang pinaghirapan din ng mga Aseron ng ilang henerasyon.

Hindi niya mapapayagan iyon. Hindi ibang tao ang makikinabang sa pangalan, kayamanan ng mga Aseron. Lalo na ang isang malabuwitreng babae na ginagamit ang katawan nito upang manipulahin ang isang matandang lalaki.

"Sir, susundan ba natin siya o ipapaalam natin kay Mother Violy ang pagtakas niya?" untag ni Antonio sa kanya.

"Yes. Call Violy. Sabihin mong pumunta siya sa opisina ko mamayang alas-singko. Kakausapin ko siya tungkol sa alaga niya. I don't think you need to tell her we saw the woman. I'm sure she knows by now that her golden goose has flown the coop," tugon niya.

"Yes, Sir."

Kinuha nito ang cell phone nito at ginawa ang iniutos niya. Base sa hysterical na boses na nauulinigan niya mula sa kausap nito sa kabilang linya, galit na nagwawala na si Violy at minumura ang kung sinumang kaharap nito. Tama ang hula niya. Natuklasan na nga nitong tumakas ang alaga nito.

"Let the chase begin," sambit niya kasabay ng pagsilay ng tusong ngiti sa mga labi niya.

"Iku," aniya sa kanyang assistant at tinungo na ang sasakyan niya. Pumuwesto siya sa driver's seat. Bagaman may driver siya, bibihira siyang magpa-drive dito. Lulan ito ng sasakyang nasa likuran ng silver Porsche niya kasama ng dalawang bodyguards niya. Kapag pagod siya o may gagawin siyang trabaho, saka lang niya ipinapasa sa driver ang manibela.

"Pumayag na si Mother Violy na makipag-usap sa inyo tungkol kay Charie Veil mamayang alas-singko, Sir. At sa tono niya, mukhang alam na niya ang sasabihin mo sa kanya."

Umarko ang mga kilay niya. "Does she, really?" aniya at saka pinaharurot ang sasakyan pasunod sa taxi na sinasakyan ni Charie Veil.

Minsan na siyang nakakilala ng isang babaeng kapareho nito ang likaw ng bituka. A gold digger who would lie, scheme, cheat, and even kill for money. Tinangka noon ni Nikita na paslangin sila ng kanyang ina. Ginawa nito iyon dahil nabigo itong makumbinsi ang kanyang ama tungkol sa diumano ay naging anak ng kanyang ama rito na mas bata pa sa kanya. Nabigo ito sa balak nitong panghuhuthot sa kanyang ama kapalit ng pananahimik nito tungkol sa kataksilan diumano ng kanyang ama sa kanyang ina. At ang pagtatangka nito sa buhay nila ng kanyang ina ang ganti nito. Thus, setting in motion a chain of tragedies that destroyed his happy childhood.

Hindi man ito ang kumalabit sa gatilyo ng baril na pumatay sa kanyang ama, ito pa rin ang maituturing na punong-dahilan sa trahedya ng pagkamatay ng kanyang ama. Dahil sa pagkaganid nito, ninakaw nito ang masayang buhay niya sa piling ng kanyang mga magulang. Winasak nito ang pamilya niya na buo pa sana hanggang ngayon.

Lumaki siyang nasasaksihan ang unti-unting pagtakas ng katinuan ng kanyang ina dahil sa malagim na pagkamatay ng kanyang ama. Lumaki siyang salat sa pagmamahal ngunit sagana sa pang-aabuso mula sa pamilya nito at sa pangalawang asawa nitong si Aoki.

Hindi marahil mangyayari iyon kung nasa katinuan pa ang kanyang ina. Pero biktima rin ito ng mga pangyayari. Hindi tulad niya, hindi nito nakayanan ang bigat ng malagim na mga pangyayaring nagwasak sa buhay niya dalawampu't dalawang taon na ang nakararaan.

Pumayag itong magpakasal kay Aoki dahil sa pamimilit dito ng pamilya nito. Ngunit nakatanim na sa isip nito ang malagim na pagkamatay ng kanyang ama at iyon ang unti-unting umagaw sa katinuan nito hanggang sa bumalik ang isip nito sa pagiging bata.

At dahil hindi niya masandalan ang mga taong dapat ay pumoprotekta sa kanya, tinuruan na lang niya ang sariling huwag umasa sa ibang tao. Sa halip, ang mga solidong bagay na kaya lamang niyang kontrolin ang pinagtuunan niya ng pansin tulad ng pera, posisyon sa kompanya ng ama ng kanyang ina, at kapangyarihang hindi maaaring agawin ng sinuman sa kanya.

Sa kabila niyon, hindi pa rin niya tuluyang matalikuran ang mga itinuro sa kanya ng kanyang ama noon. At ang isa sa mga pinakamahalaga roon ay ang responsibilidad at obligasyon niya sa pamilya. Iyon ang pinakadahilan kung bakit hindi niya matalikuran o matanggihan si Lola Dorinda sa hiling nitong gawan niya ng paraan upang mailayo sa Lolo Nemo niya ang Charie Veil na iyon.

ASERON WEDDINGS-IF I DON'T HAVE YOUWo Geschichten leben. Entdecke jetzt